*3rd Person POV
Tila isang bulkang sumabog ang tensyon sa loob ng kanina'y tahimik na bayan ng Edira matapos ang pagsalakay ng mga kalaban. Nagkalat ang mga nakahandusay na katawan ng mga tao na naliligo sa sarili nilang dugo. Umaalingawngaw ang pag-iyak ng mga batang walang kamuwang-muwang sa nangyayari habang ang iba sa kanila ay kaharap ang duguang katawan ng kanilang magulang. Nagmistulang bayan ng dugo ang Edira dahil dito.
Walang pakundangan namang hinahalughog ng mga armadong lalake ang bawat bahay na makikita nila. Kung may magtangka mang labanan sila ay agad nila itong binabawian ng buhay. Hindi sila tumitigil hanggang hindi nila nahahanap ang pakay nila sa pagsugod sa kaawa-awang bayan ng Edira.
Hindi kalayuan sa front gate ng Edira ay nakayukong naglalakad si Dylan. Okyupado ang isip niya dahil sa kaganapan kanina, dahil sa pagsagot niya sa kanyang ina. Napabuntong hininga siya nang maalala niya ang reaksyon ni Vivith nang sagutin niya ito. Hindi niya mapigilang mainis sa kanyang sarili na nagawa niya ang bagay na 'yon.
Napahilamos sa mukha si Dylan na may bahid ng inis sa kanyang mukha. "Bakit mo ba kasi ginawa 'yon, Dylan?"
Matapos ang sinabi niya ay napakunot siya ng noo nang bigla siyang makarinig ng sigawang nagmumula sa loob ng bayan. Kaagad siyang naalarma rito at dali-daling tumakbo upang alamin ang nangyayari, ngunit bago pa man siya makapasok sa loob ng Edira ay napansin niya ang mga nakahandusay na bantay malapit sa gate.
Ano'ng nangyayari? Sino may kagagawan nito!? Takot niyang tanong sa kanyang sarili saka tuluyang pumasok ng bayan.
Nang makarinig ng mga lagabog si Dylan sa isang bahay ay agad siyang nahinto sa pagtakbo. Tahimik niya itong nilapitan saka nagtago sa batong pader ng bahay. Dinig niya ang iyakan sa loob ng bahay at tila mga pagmamakaawa. Doo'y agad niyang nakuha na may umaatake sa sarili niyang bayan.
Walang ingay na tinungo ni Dylan ang nakabukas na pinto. Bahagya siyang sumilip at kita niya ang isang buong pamilyang takot na takot sa dalawang armadong lalake na nakatutok ang mga armas sa kanila. Agad na nag-isip ng plano si Dylan upang sagipin ang pamilya. Tiyempo namang nakakita siya ng isang maliit na kahoy malapit sa kanya.
Gamit ang kahoy na nakuha niya ay binato niya ito sa kabilang gawi ng bahay dahilan para maagaw nito ang atensyon ng mga bandido. Muli siyang nagtago nang tumingin ang mga ito sa pinto. Base sa mga yabag na narinig niya ay alam niyang palabas na ang mga ito.
Pagkalabas ng isang bandido ay sinalubong niya ito ng isang suntok sa maselang nitong bahagi dahilan para mamilipit ito sa sakit. Naalarma ang kasamahan ng bandido sa pagsulpot ni Dylan at mabilis niya itong sinugod. Nang makalapit ay nilinlang niya ang bandido at pumaikot tungo sa likod nito. Doon siya nakakuha ng tiyempo para buong pwersang ipatama ang kanyang balikat sa likod nito na siyang nagpaluhod sa bandido. Hindi na siya naghintay at agad niyang tinuhuran sa tagiliran ang bandido dahilan para bumagsak ito sa sahig.
"Ayos lang po ba kayo?" Alala niya sa pamilyang sinagip niya.
"M-maraming maraming salamat!" Tugon nito na nginitian lang ng bata.
"Ano po'ng nangyayari? Bakit po biglang--"
"Sa likod mo!" Hiyaw ng ama at sa paglingon ni Dylan ay nakatayo na pala ang bandidong una niyang pinatumba. Akmang susugod na ito sa kanya nang tumagos ang isang espada sa tiyan nito.
"Jet!" Galak na bulalas ni Dylan nang makita niya ang sumaksak sa bandido.
"Dylan!?" Gulat na imik ni Jet nang makita si Dylan. Bago pa siya makarating sa bahay ay nakita niyang nakadapa na ang mga bandido. Kaya naman agad niyang nakuha na si Dylan ang may kagagawan nito. "Dylan, delikado na rito. Lumayo muna kayo at iligtas niyo ang sarili niyo."
BINABASA MO ANG
Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]
FantasyTulad ng naibahagi noon ng isang Nelheim ay ang Diyos Amang Laksen Erfus ang Tigapaglikha ng Lakserf. Ito ang pinaniwalaan ng nakararami. Siya ang nagbigay ng buhay sa lahat. Ang Diyos ding ito ang nagbiyaya sa kanila ng mga mahikang taglay ng bawat...