Chapter 31: Never Ending Winter

204 18 29
                                    

Noong nag-aaral pa lang ako ay malimit ko nang mabasa sa mga libro ang tungkol sa Elysium Mountains. Ayon sa mga nabasa ko ay nadirito ang pinakamalaking bundok na may taas na umaabot sa ulap. Kaya nga dito rin itinayo ang isang templo na malimit bisitahin ng mga turista sa kontinente ng Idolea, ang templo ng mga Diyos. At dahil nga mataas na lugar din ito ay hindi na rin ako nagtaka kung bakit natatakpan ng makapal na puting niyebe ang buong paligid nito kasabay ng nakakapanginig na lamig.

Umihip ako at kitang-kita ko ang usok na lumabas mula sa aking bibig. Mahigpit din ang pagkakayakap ko sa aking sarili upang maibsan kahit papaano ang lamig na nararamdaman ko, ngunit sa kabila ng lahat nito at sa kapal ng suot ko ay halos tumatagos pa rin sa balat ko ang lamig. Hindi ako sanay sa ganitong klaseng lugar. Kanina pa ako naiihi sa lamig.

Bilang lider ng grupo ay naunang makipagkamay si Yrah sa may katandaang lalakeng unang sumalubong sa amin. Suot nito ang makapal na tela na siyang pumoprotekta sa kanya sa lamig. Napansin ko rin ang makapal nitong balbas na nagmumula sa kanyang patilya pababa sa kanyang mukha. Kakarating pa lang namin ay suot niya na ang hindi mawaglit-waglit na ngiti sa kanyang labi hanggang ngayon.

"Kinalulugod ko pong makilala kayo," unang pagbati ni Yrah sa matanda habang yumuyuko bilang pagpugay dito.

"Ako rin, Yrah. Marami na akong narinig mula sa'yo at sa mga Guardians ng Orthil. Maraming salamat sa patuloy niyong pagprotekta sa ating mundo," nakangiting sagot niya naman. Nabaling ang tingin niya sa magkatabing Officers na sina Jarrel at Kokoro at agad silang binati. "Masaya rin ako't muli ko kayong nakita, Jarrel at Kokoro."

"Likewise, father," maikli ngunit nakangiting sagot ni Kokoro habang si Jarrel naman ay yumuko lang sa kanya.

Isa-isa niya ring binati ang iba pa naming kasamahan. Nang si Brendz na ang kanyang binati ay doon ko lang napansin na si Brendz lang pala ang bukod tangi sa amin na hindi nakasuot ng jacket o kung anumang maaaring pumrotekta sa kanya sa matinding lamig. Hindi ko tuloy maiwasang hilingin na sa pagkakataon ito ay sana naging ice magic na lang ang nagagamit ko. Edi sana ay hindi ako nilalamig nang ganito.

Hanggang sa akin naman napatingin ang matanda at agad nilahad ang kanyang kamay. Walang pagdadalawang isip kong tinanggap ang kamay niya sa gitna ng aking panginginig. Binabato ako nito ng matamis na ngiti. Kaagad akong nakaramdam ng kagaanan mula sa ngiti niyang iyon. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kagaan ang awra niya. Unang tingin ko pa lang sa kanya ay nakuha niya na ang aking respeto. Halos ganito rin ang pakiramdam ko noong una kong makilala at makaharap ang hari ng Princeton.

"Kung hindi ako nagkakamali ay ikaw si Ean, tama ba ako?" Bungad niya sa akin na aking tinanguhan.

"A-ako nga po," nahihiya kong tugon. Nauutal pa ako. Lintek na-- pakiramdam ko lalagpak na lang bigla bagang ko sa panginginig dahil sa lamig.

"Sa wakas ay nakaharap din kita, hijo. Nagagalak akong makilala ka," pagbati nito sa akin. "Ako nga pala si Ordanius."

Sa kabila ng panginginig ko ay nakuha ko pa ring suklian ang ngiti niya. "Ganoon din po ako, Father Ordanius."

"Ang tagal ko ring inintay na personal kang pasalamatan para sa ginawa mong pagbura ng Crack sa buong mundo dalawang taon na ang nakakalipas. Napakabuti ng puso mo para gawin iyon, Ean," pagbabahagi nito ng saloobin na medyo kinailang ko. Nakakahiya lang marinig ang ganitong klase ng pasasalamat mula sa respetadong taong gaya niya.

"Wala po 'yon. Ginawa ko lang po ang makakabuti para sa lahat," sagot ko naman sa kanya.

Humugot siya ng malalim na hininga at binaling ang tingin sa isang gawi na aking sinundan. Nagulat ako nang makita ko ang may karamihang tao na nagsilabasan sa kani-kanilang mga tahanan. Lalo na't nakapako lang ang tingin nilang lahat sa akin. Nailang ako doon kaya naman napalingon ako sa kasama kong si Yrah na napaangat lang ng balikat at wala ring ideya kung bakit ganoon sila makatingin sa akin. Ni hindi nga namin alam na marami palang tao rito. Ang inaasahan lang namin dito ay ang High Priest at ilan pang mga pare at madre. Kailan pa nagkaroon ng maliit na komyunidad dito sa bundok ng Elysium?

Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon