*Ean
Pagkarating namin ni Shion sa gate ng Edira ay hindi namin inaasahang nandoon na pala sila Moira at Shin kasama sina Head Captain Jet at ilang mga guwardya.
"Ean, heto na naman tayo. Kailangan na naman nating magpaalam sa isa't isa," salubong sa akin ni Head Captain saka nakipagkamay sa aming dalawa ni Shion.
Hindi ko napigilan ang mapangiti sa sinabi niya. Pakiramdam ko kasi ay malulungkot siya sa pag-alis ko, pakiramdam ko ay napalapit na rin ako sa kanya. "Oo nga eh. Pasensya na talaga Head Captain. Ayaw ko man umalis muna ay kailangan na naming bumalik ng Orthil."
"Walang kaso 'yon, hijo. Huwag mo na kaming alalahanin," pagpapanatag ni Head Captain sa loob ko. "Babangon muli ang Edira. Tulad ng pag-asang binigay mo sa amin noon ay hindi kami kailanman susuko."
"Tama! Ika nga, fight and fight until it's succession!" Pahayag ko at bigla na lang tumawa si Head Captain.
"Puro ka talaga kalokohan. Kahit kailan ay--"
"Sandali lang!" Naagaw ng isang pagsigaw ng bata ang aming atensyon dahilan para mapalingon kami rito. Mabilis na tumatakbo sa amin si Dylan habang dala ang ilang mga bag at nang makalapit sa amin ay humahangos itong tumingin sa akin. "P-pasensya na, k-kuya. I-inayos ko pa kasi m-mga gamit ko."
"Ayos lang. Kararating lang din naman namin eh," saad ko sa kanya saka napatingin sa malaking bag na bitbit niya. "Akin na nga 'yang malaking bag. Ako na ang magbibitbit."
Kukunin ko na sana ang bag nang ilayo niya ito sa akin. "Ako na. Kaya ko na 'to."
"Hep!" Bulalas ko habang nakamuwestra pa ang hintuturo ko upang iparating sa kanya na bawal ang ginagawa niya. "Ano'ng napag-usapan natin? Sasama ka pero hindi dapat--"
"Matigas ang ulo! Oo na! Pssh, oh edi ikaw na magbitbit. Oh!" Inis niyang putol sa sasabihin ko.
"Ugh!" Daing ko naman nang ibato niya sa akin ang bag. Maayos na ba talaga lahat sa aming dalawa? Parang lumala pa ata eh. "Ang sakit n'on ah!"
"Pssh." Lumapit siya't humarap kay Head Captain Jet. Nang tignan ko si Head Captain ay bakas sa kanya ang lungkot habang tinitignan si Dylan. Marahil ay mami-miss niya rin ang pasaway at malikot na batang kaharap niya.
"Sigurado ka ba sa desisyon mo, Dylan?" Tanong niya rito na walang pagdadalawang-isip na tinanguhan ni Dylan.
"Hindi ko lang naman ito gagawin dahil ito ang gusto ko. Gagawin ko 'to para na rin sa Edira," sinserong sabi ni Dylan na nagpangiti na lang sa akin sa tuwa. "Balang araw ay babalik ako rito sa oras na maging ganap na akong Senior. Pangako kong poprotektahan at lalaban ako para sa Edira."
Kita kong hindi rin napigilan ni Head Captain ang mapangiti dahil sa mga salitang binitawan ni Dylan. Nilagay niya ang kanyang kamay sa ulo nito at bahagyang ginulo ang buhok. "Hihintayin ko ang araw na 'yon, Dylan. Mag-iingat ka."
"Huwag kayong mag-alala, Head Captain Jet. Kami na po ang bahala sa kanya," imik ni Shion.
"Maraming salamat, Shion. Maraming salamat din sa pagbibigay ng ilang stratehiya para mas mapabuti ang depensa ng Edira. Sisiguraduhin kong susundin namin ang mga payo mo," pasasalamat niya rito. Si Shin na tahimik lang na nakikinig ay halos mapabalikwas nang bumaling sa kanya si Head Captain. "Sa'yo rin, Shin. Tatanawin naming utang na loob ang araw-araw mong pagtulong sa clinic. Pati na rin sa mga pagdarasal mo sa amin. Nawa'y gabayan ka rin ni amang Laksen."
"Ah, wala po 'yon, Head Captain. Huwag po kayo mag-alala, hindi kayo pababayaan ng amang Laksen. May the lord Laksen bless you and your people as well," sagot naman ni Shin sa kanya.
BINABASA MO ANG
Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]
FantasyTulad ng naibahagi noon ng isang Nelheim ay ang Diyos Amang Laksen Erfus ang Tigapaglikha ng Lakserf. Ito ang pinaniwalaan ng nakararami. Siya ang nagbigay ng buhay sa lahat. Ang Diyos ding ito ang nagbiyaya sa kanila ng mga mahikang taglay ng bawat...