Chapter 41: Shattered

145 8 34
                                    

Nagmistulng malawak na bulwagan ang buong palapag ng Mysticium floor dahil sa sira-sirang pader ng bawat silid nito. Natatakpan ng usok ang paligid dahil sa alikabok na likha ng mga nagtipak-tipak na pader. Ang dating makintab at malinis nitong sahig ay naging marumi na rin dahil sa hindi mabilang na kalat, dagdag mo pa ang iilang lamat dito. Animo'y dinaanan ng isang makapinsalang delubyo ang buong palapag.

Sa gitna nito ay napapahagikgik ang isang lalake habang napapaligiran ng mga Seniors na wala nang malay. Karamihan sa kanila'y sugatan. Bukod tanging isang babae na lang ang nakikita niyang may malay pa't pilit na tumatayo. Nginisihan niya ito saka lumapit at lumuhod sa tabi nito. Doo'y marahas niyang inangat ang mukha ng babae saka bumunghalit ng tawa. Kitang-kita niya ang mga galos at gasgas sa mukha, braso, at hita nito. Kapansin-pansin din na nadungisan ang maputi nitong uniporme pang-opisina.

"Oh ano!? Nasaan na ang tapang mo!?" Panghahamon nito at muling tumawa nang malakas. Nanatili namang walang imik ang humahangos na babae. Dahan-dahang hinawi ng lalake ang kulay ube nitong buhok na tumatakip sa ilang parte ng mukha nito. "Kung alam mo lang kung gaano ako kagigil sa'yo. Sa'yo at sa p*tang inang Ean na 'yan matapos ang mga ginawa niyo sa akin!"

Madiing hinawakan ni Max ang mukha nito dahilan para mapadaing si Violet. Doo'y muling umalingawngaw sa buong paligid ang kanyang halakhak. "Ano? Masakit!? Ha!? Masakit!?" Hindi sumagot si Violet, bagkus ay pumikit lamang ito. Hanggang sa itulak siya ni Max na ikinasubsob nito sa sahig.

Sa pagtayo ni Max ay pumikit ito at tinaas ang kaliwa niyang kamay. Dinama nito ang kapaligiran at tila nagkaroon ito ng sensasyon sa kanyang ginawa. Dinig na dinig pa ang paglanghap niya sa hangin saka napangiti. "Hindi mo ba 'yon nararamdaman? Nalalapit na ang kanyang pagbabalik, mga g*go! Sigurado akong mas malala pa riyan ang sasapitin niyo sa oras na magbalik siya!"

Ibinalik na ni Max ang atensyon niya sa nahihirapang si Violet saka tinutok ang kaliwang kamay niya rito. Isang nakakapangilabot na ngisi ang sumilay dito. "Kaya pasalamatan niyo ako na ako na mismo ang tatapos sa inyo."

Akmang maglalabas na ng mahika si Max nang mapahiyaw ito sa nakakasilaw na liwanag na bigla na lamang sumulpot sa harap niya. Hindi naging sapat ang pagpikit niya para labanan ang liwanag kung kaya naman ginamit niya na ang kanyang kamay upang takpan ang mga mata niya. "P*ta, s-saan nanggagaling 'yon!?"

Mula sa kanyang harapan ay makikita ang isang lalake na nakataas ang kamao at doo'y makikitang nagmumula ang nakakabulag na liwanag. Nilahad nito ang kabilang kamay at tinutok kay Max. "Lest his light cast judgement upon thee, and his sealing chain of purity shall bind you!" Lumitaw ang magic circle sa kinatatayuan ni Max matapos ang katagang binitawan ng lalake. Doo'y lumabas ang lumiliwanag at malagintong kadena na mabilis na pumulupot sa katawan, mga paa, at mga kamay ni Max. "Dylan, now!"

Kasabay ng pagwaglit ni Shin ng liwanag ay ang mabilis na pagtakbo ni Dylan tungo sa hindi makagalaw at wala pa ring makitang si Max. "Haa!" Tila hinugot ni Dylan ang kanyang lakas sa hiyaw na iyon at buong pwersang sinuntok ang pisngi ni Max. Sinundan niya pa ito ng suntok sa tagiliran, baba, sikmura at mukha. Malalakas ang mga binitawang atake ni Dylan na napapahiyaw si Max sa sakit. Sa sandaling paghito ni Dylan humakbang ito paatras saka lumundag at pumaikot upang buong lakas na sumipa.

"Nngh!" Daing ni Shin nang bahagyang mawala sa pwesto ang mga kadenang minamanipula niya sa lakas ng atakeng ibinato ni Dylan. Sa kabila nito ay napangiti siya. "Nice, Dylan! Ipagpatuloy mo lang ang pag-atake!"

Pilit na inaninag ni Max ang bumubugbog sa kanya. Pumikit-pikit ito upang matulungan ang panglalabo ng mata niya. Hanggang sa unti-unti nang bumabalik ang kanyang paningin at kita niyang isang binatilyo ang patuloy siyang sinusuntok at sinisipa na tila isang punching bag. "G*go ka! Huwag kang papahuli sa aking paslit-- urgh!"

Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon