Chapter 34: Benediction

157 13 18
                                    

Ancients

Patuloy na umuulit ang salitang iyon sa loob ng aking isip. Sa kabila ng kalagayan ko ngayon at sa mga naglalakihang taong kaharap ko ay iyon ang pumukaw ng aking atensyon. Nais ipaalam sa akin ni amang Laksen kung ano nga ba ang katotohanan sa likod ng mundong iyon na nagiging usapan na gayong ito ang pilit na sinasaksak ng MG sa aming mga naniniwalang walang ibang diyos kung hindi ang lumikha sa amin.

Maraming libro na ang nailimbag sa paglipas ng mga panahon, ngunit tanging ang libro lang ng Ancients ang naglalaman ng impormasyon tungkol sa mundo raw na ginagalawan noon ni amang Laksen. Lahat ng impormasyong iyon ay walang kasiguraduhan. Balita ko pa nga'y napakakatiting lamang ng nilalaman nito na iisipin na lang ng makakabasa nito na nilikha ang librong iyon ng isang hindi naniniwala kay amang Laksen.

Ngunit heto. Bukod sa tiyansang makaharap muli ang dati kong kaibigan na si Rinoa at ang aming diyos na si Amang Laksen, ay magkakaroon ako ng tiyansang malaman kung ano nga ba ang katotohanan sa likod ng lahat ng ito. Totoo nga ba ang nilalaman ng libro ng Ancients?

Narinig ko ang malumanay na hagikgik ni amang Laksen habang suot nito ang matamis na ngiti. "Naiintindihan ko na naguguluhan ka na sa mga nagaganap ngayon sa ating mundo. Kaya naman gumawa na ako ng paraan para makausap ka. Ang kauna-unahan at tanging nilalang na sa tingin ko'y karapat-dapat malaman ang buong katotohanan."

Kusa akong napalunok hindi lang dahil sa huli niyang nabanggit, kung hindi dahil na rin sa isipang kaswal lang na nakikipag-usap ang isang diyos sa isang tulad ko. Hindi ko nakuhang makapagsalita sa harap niya at tanging pagyuko at ngiti na lamang ang naisukli ko. Hindi ko na rin alam kung nananaginip lang ba ako o ano, pero lintek lang, totoo itong lahat.

Hanggang sa humakbang siya palapit na bahagyang nagpagitla sa akin. "Ngunit bago ang lahat, gusto ko sanang pasalamatan ka na ni minsan ay hindi mo ako binigo. Nagawa mong protektahan ang Lakserf mula sa banta ng paglitaw ng mga lagusan tungo sa purgatoryo."

Naningkit ang mga mata ko sa nasabi niya at agad na nagkaron ng katanungan sa aking isip. "P-purgatoryo?" Mula sa kawalan ay naalala ko ang mga Crack na lumitaw ilang taon na ang nakalilipas. "Ang Crack po ba ang ibig niyong sabihin?" Dahan-dahan siyang tumango sa naging katanungan ko. "Anong lugar po ba ang purgatoryo?"

"Isang lugar ito kung saan nananatili ang mga nilalang na yumao na't naghihintay na lamang ng kahatulan. Ang mga namuhay nang mabuti at siyang nararapat masama sa lugar ng kapayapaan ay agad na makakaalis sa lugar na iyon, ngunit ang mga hindi naman karapat-dapat ay--" saglit siyang nahinto sa pagpapaliwanag at napansin kong nagbago ang timpla ng kanyang mukha. "Habambuhay magdurusa sa purgatoryo kung saan sila mananatili sa gitna ng kadiliman at kawalan."

Agad nanlaki ang mata ko sa aking nalaman. Ibig sabihin lang nito ay ang mga lumalabas sa Crack, ang mga Visitants, ay mga kaluluwa nga ng mga namatay. Sa kung anong kadahilanan ay kinilabutan ako sa isipang iyon. Muling nanariwa sa isip ko ang irit at kadilimang bumabalot sa mga Visitants na minsan nang nagkalat sa mundo.

"Ang mga MG. Edi ang lagusang pinaniniwalaan nilang maghahatid sa Ancients ay hindi pala totoo?" Dagdag katanungan ko.

Sabay na nagkatinginan si Rinoa at amang Laksen sa naging kuwestyon ko na bakas ang pag-aalala sa kanilang mukha. Agad akong nakaramdam ng takot nang sabay silang umiling. "Hindi basta-bastang lugar lang ang purgatoryo, anak. Iyon na lamang ang tanging lugar na maaaring maging tulay ng mundong binura ko tungo sa mundong ginagalawan niyo." Hindi ako agad nakaimik sa aking nalaman at naiwan na lang nang gulat na gulat sa kanyang isiniwalat. Napakaraming kahulugan ng nabanggit niya at halos lahat nito ay bahagyang sumagot sa katanungan naming lahat. "Oo, anak. Tama ang iyong naiisip. Totoo ang lahat ng nakasaad sa libro ng Ancients."

Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon