Hapon na at tirik na tirik pa ang araw na mas lalong nagpainit sa paligid. Tumatagaktak na ang pawis ko dahil dito. Kung hindi lang dahil sa lilim ng punong malapit sa akin ay baka kanina pa nasunog ang balat ko dahil sa araw. Sa kabila nito ay tila napapawi ang inis ko sa init ng panahon habang nakikita kong masaya si ate Vivith na pinapanood maglaro ng bola si Dylan.
"Ang laki na ni Dylan, ano?" Imik ni ate Vivith.
Napangiti ako sa sinabi niya dahil kaninang nakikipaglaro ako sa kanya ay napapansin ko na rin 'yon. "Oo nga, ate. Gulat ka na lang paggising mo, may girlfriend na 'ya-- aray!" Hindi ko natuloy ang sasabihin ko nang kurutin ako ni ate Vivith. "Biro lang, ate! Eto naman. Come down and observe silence."
"Ewan ko sa'yo. Kung ano-ano na naman 'yang sinasabi mo," taray-tarayan niyang tugon saka kami nagtawanan. Nahimigan ko ang pagbuga niya ng hangin na para bang payapa siya't napakasaya. "Ean, natatandaan mo ba ang sinabi mo sa akin?"
Bahagya akong nagulat sa biglaan niyang tanong dahilan para mapakunot ako ng noo. "Ang alin, ate?"
Hinintay ko siyang sumagot ngunit nakalipas na ang ilang sandali ay ni anong salita ay hindi lumabas sa kanyang bibig. Nanatili lang siyang nakatanaw sa malayo habang suot ang malapad na ngiti. Parang may kagaanan ako ng loob nang makita ko ang ngiti niyang 'yon. Pakiramdam ko kasi ay masaya siya't walang problema. 'Yun lang naman ang gusto ko para sa kanya at kay Dylan.
"Naiintindihan ko na ang lahat," pagbasag niya sa kanyang katahimikan. "Sa kabila ng lahat ay napakataas pa rin ng tingin sa'yo ni Dylan. Ikaw ang iniidolo niya at balang araw ay gusto niyang maging tulad mo." Unti-unting nagsalubong ang kilay ko dahil naguguluhan ako sa sinasabi niya. Hindi ko lang makuha kung bakit bigla niya itong sinasabi sa akin.
Hanggang sa bigla niya akong lingunin nang may hindi maalis na ngiti. "Sa tingin mo, Ean, magiging magaling na Senior kaya si Dylan?"
Naguguluhan man sa mga sinasabi niya ay pinili ko na lang sagutin ang tanong niya. "O-oo naman, ate. Tulad nga ng sinabi ko noon, ako mismo magte-train sa kanya kapag dumating ang tamang panahon para sa kanya. Tsaka sigurado akong pagbubutihan niya para sa'yo."
Ang kaninang ngiti niya ay mas lalo pang lumapad sa sinabi ko, ngunit hindi ko inaasahan ay biglang tumulo ang luha niya saka siya muling tumanaw sa malayo. "Kung gayon ay wala na pala akong dapat ikabahala. Alam kong tama ang desisyon ko na ipaubaya si Dylan sa'yo. Tulad mo ay alam kong lalaki siyang isang mabuting tao."
Agad akong nakaramdam ng masamang kutob sa sinabi niya at nagtayuan ang mga balahibo ko. Sa ilang sandaling iyon ay para akong nakaramdam ng takot, na baka mawala siya sa oras na ialis ko ang mga mata ko sa kanya, na baka iwan niya ako at lalo na si Dylan. Hanggang sa mapasinghap na lang ako nang magdilim ang buong paligid.
***
"Ean!"
Kaagad akong napaangat ng ulo nang gisingin ako ng isang lalake at mahinang tinapik ang aking ulo. Inalog ko ang aking ulo upang tulungan ang sarili kong mahimasmasan. Kakaiba kasi ang pakiramdam ko dahil sa panaginip na 'yon.
"Didn't get any sleep?" Muling imik ng lalakeng gumising sa akin. "Well, obviously. Damn those eyes. Magang-maga ah." Dugtong niya pa nang may pang-aasar tsaka bumungisngis. Napasimangot tuloy ako doon at napakusot ng mata. Hanggang sa marinig ko ang paglapag niya ng isang baso sa tapat ko na may pagdududa sa kanyang mukha. "Are you really sure you're drinking?"
BINABASA MO ANG
Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]
FantasyTulad ng naibahagi noon ng isang Nelheim ay ang Diyos Amang Laksen Erfus ang Tigapaglikha ng Lakserf. Ito ang pinaniwalaan ng nakararami. Siya ang nagbigay ng buhay sa lahat. Ang Diyos ding ito ang nagbiyaya sa kanila ng mga mahikang taglay ng bawat...