Chapter 7: Rebellious Stage

311 21 52
                                    

Balisa kong tinanggap ang isang piraso ng papel mula kay Head Captain Jet habang patuloy siyang nagsasalita. Sa papel man nakapokus ang tingin ko ay tila lumilipad naman ang utak ko. Wala nga rin akong naintindihan ni isa sa mga sinasabi niya. Ang alam ko lang ay pinapaliwanag niya ang magiging takbo ng aming misyon.

Kinalabit ako ng katabi ko at doon lang naputol ang malalim kong pag-iisip. "Ano na, p're? May tinatanong si Head Captain Jet sa'yo."

"H-huh!?" Taranta kong sagot at agad binaling ang tingin ko kay Head Captain Jet. "O-oo. Walang anuman."

Hindi ko inaasahan ay biglang nagtawanan ang mga kasama ko dahilan para mapakunot ako ng noo. Ano problema ng mga 'to? Bigla-biglang tumatawa. "Ayos ka rin, 'no? Itatanong sa'yo kung kailan natin balak kausapin ang mga minero, sagot mo 'Oo, walang anuman?' Ang galing!"

"A-ay, 'yon ba? Pasensya naman," kamot ulo kong sabi habang patuloy silang tumatawa sa sinabi ni Shin. Malay ko bang ang layo pala ng sagot ko. Can't they seesaw dot I'm in dip taught? "Uhh... Kung gising pa sila ngayon, edi kausapin na natin para bukas didiretso na lang tayo sa kung saan man sila magmimina."

Kung kanina ay nagtawanan pa sila sa sinabi ko, ngayon naman ay sabay-sabay silang natigilan na para bang may mali na naman sa sinabi ko. Isa-isa ko silang tinignan. Mula kay Head Captain, Shion, Moira at Shin ay pare-pareho sila ng reaksyon.

"Uhmm the Head Captain just informed us that they're already asleep. He just want to know the exact time we'll talk to them para masabihan agad niya ang mga minero," pagbasag ni Moira sa katahimikan at doon ko lang napagtanto ang katangahan ng sagot ko. Ako pa naman ang lider sa misyong 'to pero hindi pa kami nagsisimula ay pumapalpak na ako. Napahilamos na lang ako sa mukha dahil sa nagawa ko.

Humagikgik si Head Captain sa inasta ko. "Walang problema. Mukhang napagod ata si Ean papunta rito." Nakangiti siya nang sabihin niya 'yon na para bang sinasabi niyang huwag akong mag-alala sa nangyari. Lalo tuloy akong nahiya dahil doon. Kanina pa siya dada nang dada tapos hindi naman ako nakikinig. "Isa pa'y balita ko may nakainkuwentro raw kayong mga bandido?"

"Ah, opo. Pero nagawan naman po namin agad ng paraan ang bagay na 'yon," pagsagot ni Shion kay Head Captain Jet na may kakaibang ngisi. Naalala ko tuloy ang ginawa niya sa mga bandidong 'yon. "Siyanga po pala, hindi ko nagawang pasalamatan ang batang tumulong sa amin kanina. Napakatapang at napakagaling niyang makipaglaban."

Sa sinabing iyon ni Shion ay nanumbalik sa akin lahat ng pag-iisip ko tungkol sa nangyari kanina, ang dahilan kung bakit kanina pa ako balisa. Si Dylan ang tinutukoy ni Shion na matapang at magaling makipaglaban. Hanggang ngayon ay hindi pa rin tuluyang maproseso ng utak ko ang bagay na 'yon. Lalo na ang naging pakikitungo niya sa akin kanina.

***

"D-dylan?" Gulat na gulat kong pagbanggit sa pangalan niya habang pinagmamasdan ang malaking pagbabago sa kanya. Kung noon ay tanging inosenteng ngiti lang ang nakikita ko sa kanya, ngayon ay walang kaemo-emosyon ang kanyang mukha. Dagdag mo pa ang pananamit niyang malaki rin ang pinagkaiba sa noon. Itim ang sleeveless at hooded niyang jacket at may mga aksesoriya pang nakalagay sa pareho niyang kamay. Paulit-ulit kong tinatanong sa aking sarili kung si Dylan nga ba ang batang nakikita ko ngayon.

Hanggang sa maalala ko na siya pala ang batang tumulong sa amin nila Shion patumbahin ang mga bandido. "Teka, ikaw pala 'yung kanina? Bakit hindi ka agad nagpakilala sa akin?"

"Kilala mo na ako, bakit kailangan ko pa gawin 'yon?" Walang gana niyang sagot sa akin. Muli akong nabigla sa sinabi niyang iyon. Pati ang pagsagot niya ay ibang-iba sa masiyahing Dylan noon.

Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon