*Ean
Binaon ng lalakeng kaharap ko ang malaki niyang espada sa sahig at laking gulat ko nang prenteng umupo ito sa tabi ng kanyang espada. Sa inakto niyang iyon ay pakiramdam ko'y nainsulto ako. Lalo tuloy tumindi ang galit na nararamdaman ko, muli na namang napapakuyom ang kamao ko dahil sa kanya.
"Hoy, Kirin! Ikaw na bahala sa g*gong 'yan! Kaya mo na 'yan," utos nito sa kanyang alaga at muling humalinghing ang kabayo na napabuga pa ng hangin. Napailing na lang ako sa mga napapansin ko sa lalakeng 'to. Parang may mali eh.
Sinadya kong iparinig sa kanya ang bungisngis ko habang patuloy na pinapakawalan ang malakas na enerhiyang bumabalot sa buong lawak ng silid. Kita kong napasimangot ito sa ginawa ko. "Teka, tinatamad ka lang ba talagang makipaglaban o natatakot ka lang sa akin?"
Agad nanglaki ang mga mata ni Max sa sinabi ko nang galit at gigil akong tinuro. "G*go! T*ng ina mo, g*go ka! Papatayin ka ni Kirin, naintindihan mo!?" Imbis na matakot sa pagbabanta niya ay lalo pa akong ngumisi at humalukipkip, isang akto nang panghahamon. "Kirin!"
Kasabay ng paghalinghing ni Kirin ay ang pagkislap ng mga kuryente sa kanyang sungay. Masyadong naging mabilis ang galaw nito at huli na para maiwasan ko ang kidlat na pinatungo niya sa akin, ngunit nang tumama ito sa akin ay ramdam kong lumakas ako. Hinigop ko nang buo ang atakeng binato niya sa akin. "Haaa!" Hiyaw ko nang ibalik ko sa nilalang ang libu-libong boltahe ng kuryente na agad nitong ikinatalsik nang tumama ang atake ko.
"Oh, ang usapan papatayin ako. Bakit parang hindi naman 'yon ang nangyari. Eh parang pinalakas pa ata ako eh," mapangkantiyaw kong pahayag habang suot pa rin ang ngisi na siyang nagpainit sa ulo ni Max. Hindi na ako nababahala na mahihirapan akong kalabanin ang Kirin. Noong maganap ang pagpupulong ng mga lider ay nalaman ko na ang kahinaan nito. Maaaring hindi gumana rito ang pisikal na mga atake, pero magagawa siyang galusan ng kahit anong atake na likha sa mahika. Bilang Magicus Senior ay sa ganitong klase ng laban kami lubos na nakakaangat. Sigurado akong matatalo ko ang kabayong 'yon.
"P*ta-- tanga! Tumayo ka diyan!" Buong lakas nitong sigaw habang nananatili pa ring nakaupo sa sahig. Hindi ko man inaalis sa bibig ko ang ngisi ay nagsisimula na akong mabahala sa lalakeng 'to. May kakaiba talaga akong nararamdaman sa kanya. Kung may kailangan man akong alalahanin ay si Max 'yon dahil wala pang nakakaalam ng kakayahan niya. Siguro ay kailangan ko nang kunin ang pagkakataong ito para malaman 'yon, oras na para basahin ang nasa utak niya.
Palihim kong ginamit ang mental magic ko upang pasukin ang utak ni Max, ngunit wala pa akong ilang segundo sa isip niya ay bumaliktad na ang aking sikmura at naduwal sa aking nakita. Agad kong pinutol ang koneksyon ng aming utak habang nakayuko ako't pilit na pinapakalma ang aking sarili.
"Gahahaha! Oh, ano!? Gusto mong basahin ang nasa isip ko? Gawin mo! Gahahaha! Malaya kang basahin ang nasa utak ko!" Bumubunghalit ng tawa niyang sabi habang napapangiwi pa rin ako sa aking nakita. Anong klaseng pag-iisip amg meron siya? Wala akong ibang nakita sa pag-iisip niya kung hindi karahasan lang. Wala akong ibang nakita kung hindi mga dugo. Walang ibang naglalaro sa kanyang isip kung hindi ang pumatay. "Kirin! Gawin mo na nang masimulan na natin ang ritwal sa muling pagkabuhay ng mahal na grasya!"
Muling umalingawngaw sa silid ang ingay ni Kirin at doon ko lang napansin na nakatayo na pala ito. Mula sa kawalan ay nakaramdam ako ng panghihilo't panghihina ng katawan habang patuloy kong naririnig ang kanyang halinghing. Para bang nauubos ang lakas ko, ramdam kong unti-unting naglalaho ang mahika ko. Hanggang sa mamuo ang purong bola ng mahika sa bibig ng Kirin. Gustuhin ko mang kumilos para iwasan ang atake niya ay parang may pumipigil sa katawan kong kumilos. Lintek na-- ano'ng nangyayari sa katawan ko?
BINABASA MO ANG
Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]
FantasyTulad ng naibahagi noon ng isang Nelheim ay ang Diyos Amang Laksen Erfus ang Tigapaglikha ng Lakserf. Ito ang pinaniwalaan ng nakararami. Siya ang nagbigay ng buhay sa lahat. Ang Diyos ding ito ang nagbiyaya sa kanila ng mga mahikang taglay ng bawat...