Paano kung may mga bagay na itinago si Sebastian sa'kin kasi hindi ko naman maalala?
Matagal kong inisip ang napagtanto kong yun. Hindi ko lubos na kilala ang asawa ko, ang kinakasama ko, ang katabi ko sa gabi, dahil may mga hindi ako matandaan, may mga nawaglit sa aking isipan.
Mayroon siguro syang itinatago pero baka dahil ayaw nya lang na mag-away kami? Baka maliliit lang na bagay na pwede namang hindi na banggitin pa? Mahal nya naman ako, ramdam ko yun at hinding-hindi nya 'ko pinabayaan. Wala na 'kong mahihiling pa sa bait at pag-aalaga nya sa'kin, sa'min ng baby namin. Kung may itinago man sya, baka ginawa nya lang yun para protektahan ako at ang kalusugan ko dahil nagdadalang-tao ako.
Kahit ano yun, kung meron man, mapapatawad ko naman siguro sya.
Pero bakit tila kami lang sa buhay? Sa Palawan, bukod sa iilan naming kaibigan doon na kaibigan ni French, wala na kaming nakakasama.
At ako? Wala ba talaga 'kong mga iba pang kamag-anak bukod sa nasabi nyang mga nasa ibang bansa?
Wala rin namang kumokontak sa kanya o sa'kin. Sa shared Facebook account namin, walang pumapansin sa'min halos, walang comment, walang kahit ano.
Sana wala naman syang isinakripisyong pagkakaibigan sa pagiging magkasama namin sa buhay. Ikinukulong o sinasakal ko kaya si Sebastian noon? Kaya malayo kami sa lahat?
Paano kung masamang tao pala ako noon? Baka ayaw ko sa mga kaibigan nya at kasama na si Joseph doon? Kaya hindi nya na 'ko pinakilala pa sa matalik nyang kaibigan? Naku.
Hindi. Hindi naman siguro.
Pero bakit ang isang mabuting impluwensya kay Sebastian, na matalik nya pang kaibigan, ay hindi ako kilala? Ako na asawa nya. Ako na malaking parte ng buhay nya.
May hindi nga sinasabi si Sebastian sa'kin. Marami. Malaki.
Bakit nya inililihim? Anong ikinatatakot nya? Ang mag-away kami? Eh magbabati rin naman kami eh. Si Hubby talaga o.
Pero gusto ko bang malaman ang inililihim nya? Lalo na ngayong manganganak na 'ko halos?
Sigurado ako maliit na bagay lang yun. Si Hubby? Maglilihim sa'kin? Mahal nya 'ko. At ayaw nyang ginagalit ako. At ano namang mangyayari? Mag-aaway kami? Maghihiwalay? Naku, kami pa. Hindi. Kaya kailangan nya nang sabihin. Siguro itatanong ko na bukas.
Nakatulog na 'ko habang iniisip ang mga yun. Panatag pa rin ako sa kabila ng mga iniisip dahil tiwala ako kay Sebastian.
Sa paglalakad ko sa bahay, mula sa malayo, may naaninag akong isang babae na nakatayo malapit sa pinto papunta sa hardin sa labas ng bahay. Nakasuporta ang isang kamay nya sa haligi ng bahay. Dahil sa liwanag ng umaga, matingkad ang silweta ng kabuuan nya.
Nakatalikod ang babae. Mahaba ang alon-alon nyang buhok na kulay kape. Mataas sya at maganda ang hubog ng katawan.
Jade?
Lumingon ang babae at si Jade nga yun.
Napakaganda nya. Maaliwalas ang mukha nyang nakangiti kaya napangiti rin ako upang batiin sya. Isa syang tunay na larawan ng modernong kagandahan.
Anong ginagawa nya dito? Invited ba kami sa kasal nya? Naku sana!
"Ligaya, kumusta na ang anak nyo?" mahinhin nyang tanong.
Napakabait nya naman para tanungin ang kalagayan ng anak ko. Hinaplos ko ang tyan ko. "Okay naman," sagot kong ngumiti. "Ikakasal ka na diba?" tanong ko. Gusto kong alamin kung ano nang nararamdaman nya sa nalalapit nyang kasal. At sana imbitahan nya kami.

BINABASA MO ANG
His (Completed)
RomanceBago ang mundo sa'kin. Sya ang nag-turo sa'kin ng lahat ng dapat kong malaman sa bago at modernong mundo na hindi ko kinasanayan, hindi ko kinalakhan. Naka-sandal ako sa kanya sa lahat. Ako ba'y kanya? O mahal ko lang sya?