Naisipan kong mag-linis sa buong bahay. May umiikot naman na automatic vacuum at lagi naman ang linis ni Emily sa paligid kaya ang mga mesa, tukador at mga salamin na lang ang pinagtuunan ko ng punas. Gusto ko rin kasing mag-taka si Custan kung anong ginagawa ko para hanapin nya ako. Gusto kong marinig na sinisigaw nya ang pangalan ko. Kahit may inis pang kasama ang sigaw nya ng pangalan ko, musika sa pandinig ko yun.
Napansin kong halos wala ng litrato sa kahit saan doon. Nang una naming bisitahin ang bahay, napakarami pa noong litrato. May iisa na lamang doon na mga magulang ni Custan nung nabubuhay pa.
Ako na lang ang mayroon sya, iniwan ko pa sya.
Ako na lang ang pamilya nya bukod sa mga tiyuhin at pinsan nya, tapos iniwan ko pa sya kung kailan mahina sya, nang hindi nya alam, pagkatapos nyang sagipin ang mga kapatid ko sa kahirapan.
Kumusta na kaya ang mga kapatid ko?
"Udong, kumusta? Kumusta ka dyan? Kumusta ang Middle East?" tawag ko sa kanya.
"Maayos naman Ate. Mahigpit sa trabaho dito pero ayos naman. Masaya kaming mga Pilipino 'pag uwi namin dito sa quarters. Buti natyempuhan mo 'ko ngayon. Ikaw? Musta ka dyan kay Kuya Custan? Napa-amo mo na ba?"
"Hindi pa."
"Ate, hindi mo kailangang gawin yan. Marami namang ibang trabaho. Baka nahihirapan ka na ng sobra dyan. 'Di kailangang mag-tiis Ate. Lalo na't parang tigre pala yang si Kuya Custan ngayon."
"Gusto ko naman ang ginagawa ko. Gusto kong gawin para sa kanya at para sa sarili ko. Hindi pa rin naman ako natatahimik nang iwan ko sya. Bumabawi ako."
"Bahala ka."
"O sige. Nangumusta lang talaga ako."
"Ate, ikaw na ang bahala dyan kina Elle at kay Elisa," bilin nya. Tuwi namang tatawag ako sa kanya o sya sa akin, lagi naman nyang bilin ang alagaan ko ang asawa nya't anak.
"'Di mo na kailangang sabihin pa."
Sunod kong tinawagan si Utoy. "Hoy, asan ka? Ba't ang ingay?" tanong ko.
"Nagdo-Dota ako Ate. Tawag ka sa bahay. Kay Ning! Wala ako dun," sagot nya.
Kita mo 'to oh. "Umuwi ka na! Gabi na!"
"Opo Ate, mamaya."
Pinutol agad ni Utoy ang tawag. Aba, aba. Mapipingot yun 'pag nagkita kami.
"Hello Ning?"
"Hi Ate!!!" matining na bati ng bunso namin.
"Asan ka?" tanong kong pilit pinakikinggan ang naririnig kong iba sa tawag.
"Nagpapa-nail polish dito sa kaklase ko. Malapit lang naman. Sa kanto lang."
"Lahat kayo nasa galaan. Umuwi ka na, gabi na."
"Okay po."
Tumawag ako sa bahay.
"Kumusta Elisa?"
"Hay! Ngayon ko pa lang napatahan ang pamangkin mo. Ang liit liit pero tila ang tigas na ng ulo," kwento nya.
Napangiti ako. "Mana yan sa Tatay."
"Talaga ba?"
"Oo," tawa ko.
"Kumusta naman dyan Ate? Kanina napag-usapan namin ni Ning na bisitahin kayo dyan. Pwede ba?"
"Sige. Tingnan ko kung 'di kayo masisigawan. Masungit pa rin yung tigre eh."
"Gawin mo nang pusa Ate."
BINABASA MO ANG
His (Completed)
RomanceBago ang mundo sa'kin. Sya ang nag-turo sa'kin ng lahat ng dapat kong malaman sa bago at modernong mundo na hindi ko kinasanayan, hindi ko kinalakhan. Naka-sandal ako sa kanya sa lahat. Ako ba'y kanya? O mahal ko lang sya?