Tatlong araw na rin siyang naroroon sa harap ng dalampasigan. Tatlong araw na naghihintay ng tulong para makaalis na sa maliit na isla na 'yon. Isla na walang nilalang na nabubuhay kundi ang mga maninipis na damuhan sa gitna nito at ang nag-iisang puno lamang ng pandanus ang nakatayo malapit sa dalampasigan.
Pagkatapos ng labanan sa Mansion ni Claudius sa Villa Hermanuevo ay napagtanto niya na sa kabila ng pagnanais niyang magapi ang mga anak ng buwan, maituturing pa rin na bigo siya sa pagtakas sana sa kanyang kapatid na si Laurea na ngayon ay nasa kamay na ni Anilaokan. Pero saan nga ba siya nagkamali? Naging mapusok ba siya sa paglusob sa kalaban at hindi na niya ginamit ang kanyang isip?
Ngayon nag-iisa siya at talunan. Wala sa tabi niya si Randy ang kanyang kasintahan. Ang mga kaibigan niyang sina Demetria na isang Sangre, si Sagaway na isang matapat na kapre at si Alimog na isang Malakat na nagligtas sa kanya dati sa kapahamakan. Pero ang pagkamatay ng kanyang matalik na kaibigang si Calisha ang labis niyang dinamdam. Si Calisha na nagbuwis ng kanyang buhay para mailigtas lamang sila sa kamay ni Claudius at Impong Sendang.
Tila parang nabale-wala lamang ang pag-alay ng buhay ni Calisha dahil nauwi sa wala ang lahat. Isang malaking sampal sa kanya kung bakit naroron siya sa isla ngayon. Isang talunan at nararapat lamang na siya ay parusahan.
Nakapa niya sa kanyang bulsa ang dalawang maliit na bote. Ang isa ay naglalaman ng pulang likido na nagmula sa halamang Myrho at ang isa naman ay ang mga hibla ng kanyang alaala na hindi pa niya nailalagay sa kanyang isipan para malaman na ang kanyang nakaraan.
Hindi niya maintindihan bakit tila may pumipigil sa kanya na isauli na ang kanyang mga alaala sa kanyang isipan. Maaring hindi pa siguro siya handa para alamin ang kanyang nakaraan.
Kalahati ng dugo niya ay diwata pero ang mga katangian at kapangyarihan ng isang diwata ay hindi pa niya natututunan maliban lang sa kakayahan niyang kontrolin ang Eskrihala.
Pero ang kalahating bahagi ng Eskrihala ay wala na sa kanya. Natangay ito ni Claudius Rickman ang Sangre na dahilan ng lahat kung bakit hindi pa lumilitaw ang kapangyarihan niya bilang isang diwata.
Kung natutunan lang sana niya ang kapangyarihan ng pagiging diwata marahil ay matagal na siyang nakagawa ng Pilunlualan o lagusan pabalik sa kanyang mga kaibigan.
Malapit na ang paglubog ng araw at isang araw na naman ang lilipas na walang magawa para makaalis sa isla. Ni hindi nga niya alam kung saang sulok siya ng daigdig naroroon. Maaaring hindi rin alam ng kanyang mga kasamahan kung nasaan din siya ngayon.
Makakaalis pa ba siya rito? O ito na ang magsisilbi niyang bilangguan habang siya ay nabubuhay? Tatlong araw na wala siyang nakikita kundi bughaw na dagat na tila walang katapusan sa kanyang paningin saan dako man siya tumingin.
Nahiga siya sa malamig na buhangin at saka bumuntung hininga. Oo't hindi nga naman siya mamamatay sa gutom at naroroon ang pulang likido para hindi siya mauhaw sa dugo ng tao. Hindi mauubos ang pulang likido sa kanyang lalagyan basta huwag lamang itong kusang itatapon. Pero ang katahimikan ng lugar at pagkabagot ang siyang kikitil sa kanyang katinuan. Parusang daig pa ang kamatayan para kay Odessa.
Kung natutunan sana niya ang pagpapalit ng anyo katulad ng ginagawa ni Demetria. May dugong Sangre ang nananalaytay sa kanya kaya magagawa niya iyon kung natutunan lamang niya.
Biglang napabangon si Odessa sa buhangin na kanyang kinahihigan. Nararamdaman niya na biglang gumalaw ang buong paligid. Ang mga alon sa dagat ay naging balisa rin.
"Lumilindol..." Ang pabulong na wika ni Odessa habang minamasdan ang pagyanig ng buong paligid.
Mula sa kanyang harapan ay may kung anong nilalang ang lumipad mula sa tubig at lumapag sa dalampasigan ng maliit na isla. Napaurong sa pagkabigla si Odessa ng makita ang isang matangkad na lalake na walang suot na kahit na ano man sa kanyang katawan kundi ang tubig na tila isang malambot na telang nakasuot sa kanya.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...