Tumilamsik ang maitim-itim na dugo sa mukha ni diyosang Tala habang sasagpangin sana siya sa leeg ni Daleria. Napangisngis ang Mangcucusi sa sobrang sakit na naramdaman kasabay ang pagbagsak nito sa sahig. Nangingisay ang babaeng Mangcucusi at tumitirik ang mga mata nito dahil sa kamandag na pumapasok sa katawan nito mula sa Kalis ni Anilaokan.
"Mahal na diyosang Tala!" Ang tawag ni Laurea sa kaibigan na sa mga sandaling iyon ay wala pang kamalay-malay sa mga nangyayari. Halos maiyak naman si diyosang Tala pagkakita sa kanyang kaibigan at saka nakahinga ng maluwag dahil hindi na si Daleria ang kanyang nasa harapan ngayon. Akala niya ay iyon na ang kanyang katapusan sa kamay ng isang babaeng Mangcucusi.
Patakbong lumapit si Laurea kay diyosang Tala para tulungan itong bumangon sa kanyang kinahihigan, pero tulad ng dati ay hindi nito magawang makabangon.
"Mahal kong Sinukuan, kailangan na nating umalis dito." Ang paalala ni Anilaokan na nasa tabi ni Daleria na nangingisay pa rin habang nakatusok pa rin sa kanya ang Kalis ng lalakeng diwata.
"Hindi ko siya kayang tulungan sa kanyang pagtayo. May kapangyarihang pumipigil sa kanya para bumangon sa kinahihigan ni diyosang Tala." Ang natatarantang wika ni Laurea.
Napahawak ng mahigpit si diyosang Tala sa kaibigan ng makitang kasama nila sa kuwarto si Anilaokan. Naramdaman ni Laurea ang takot sa diyosa kaya hinawakan din niya ang kamay nito. "Huwag kang mag-alala sa kanya mahal na diyosa, kakampi na natin si Anilaokan. Tutulungan niya tayong makatakas dito at siya ang nagligtas sayo kay Daleria." Ang kuwento ni Laurea sa kaibigan.
Lumapit sa kanila si Anilaokan at umusal ng mga orasyon sa harapan ni diyosang Tala. Ilang saglit lang ay naramdaman ni diyosang Tala ang panunumbalik ng kanyang lakas. Nawala na ang itim na kapangyarihang bumabalot sa diyosa kaya madali na siyang nakatayo mula sa kahoy na kinahihigan niya. Tumingin si diyosang Tala kay Anilaokan na mabilis namang umiwas ng tingin ang lalake sa kanya. Hindi kumbinsido si diyosang Tala sa ipinapakitang pagtulong ni Anilaokan sa kanila. Maaaring may masamang binabalak ito sa kanila at kinukuha lamang nito ang kanilang tiwala para makuha ang loob nila ni Laurea.
Kaagad na inalalayan ni Laurea si diyosang tala sa kanyang pagtayo dahil nakakaramdam pa rin ng maya't-mayang pagkahilo ang diyosa.
"Kailangan na nating makaalis dito mahal kong Mariang Sinukuan, diyosang Tala." Ang mahinang wika ni Anilaokan sa dalawa. Binunot niya ang Kalis sa likuran ni Daleria at nanunang lumabas sa pintuan ng kuwarto upang tingnan kung may mga guwardiya ang rumoronda sa paligid.
Sumunod sina Laurea at diyosang Tala kay Anilaokan papalabas ng kuwarto. Naging maingat sila sa kanilang mga kilos para hindi sila mapansin ng mga sundalo ng palasyo.
----------------
Sa loob ng palasyo ay nag-iisang nakaupo si Kasanaya sa kanyang trono at pinaghahandaan na rin ang kanyang mga sasabihin sa mga darating na miyembro ng La Liga delos Niños dela Luna. Kailangang magiging maganda ang kanyang mga sasabihin dahil umaasa sa kanya ang mga anak ng buan para maging matagumpay sa paglusob nila sa Kalangitan. Nalalapit na ang kanyang tagumpay at iisa na lamang ang kaniyang magiging hadlang sa kanya, si Odessa ang babae sa propesiya. Kailangang mapasakanya ang kapangyarihan ni Odessa at mangyayari lamang iyon kapag masisimsim niya ang dugo nito tulad ng ginawa niya kay diyosang Bulan. Sawang sawa na siya sa pag-iba-iba ng katauhan sa bawat galaw at anyo ng buwan sa himpapawid. Pinakamahina siya sa tuwing sasapit ang bagong buwan, at ayaw niyang maging mahina kahit kailan. Gagawin niya ang lahat para masukol niya si Odessa. Aalamin niya kung ano ang kahinaan ng babae sa propesiya.Kapag napasa-kanya na ang kapangyarihan ni Odessa ay siya na ang pinakamakapangyarihang nilalang sa Sanlibutan. Titingalain siya ng mga diyos at katatakutan. Hindi lang sa Murcia siya maghahari dahil pagluklok niya sa kalangitan, luluhod ang lahat ng kaharian sa kanya at tuluyan na niyang aalisin sa Sanlibutan ang mga tao. Walang lugar sa pamumuno niya ang mga mahihina.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...