Chapter 36: MANGGAGAWAY (SPELL CASTERS)

424 23 2
                                    

Lumundag si diyosang Tala kasabay ng napakalakas na pagsabog mula sa kanyang kinatatayuan. Gigil na gigil naman ang babaeng manggagaway na may hawak na tungkod ng di niya tinamaan ang diyosa gamit ang kapangyarihan nito. Gamit ang mga orasyon ay nagpakawala ng itim na kapangyarihan ang manggagaway na may marka sa noo. Nakaramdam naman ng kakaibang pakiramdam si diyosang Tala. Biglang nanghina ang kanyang mga kalamnan sa kanyang katawan at nagsimulang umikot ang kanyang paningin. Sinubukan niyang maging alerto sa mga susunod pang mga pagkilos ng kanyang mga kalaban kahit na gusto ng bumigay ng kanyang katawan.

Nakangising lumalapit ang babaeng may hawak sa itim na bolang kristal na tila isang batang tuwang-tuwa sa mga kending nakahapag sa kanyang harapan. Gusto niya na siya ang unang titikim sa dugo ng diyosa.

"Tumigil ka Marphonia! Hindi mo ba narinig ang utos ni Anilaokan? Dadalhin siya kay diyosang Bulan na wala kahit na isang galos?" Ang pasigaw na wika ng manggagaway na may marka sa kanyang noo.

Natigilan si Marphonia sa paglapit sa nanghihinang si diyosang Tala at napatingin sa kasama.

"Tama si Daleria, mapapahamak tayo kapag dinala natin si Tala kay diyosang Bulan na may pasa sa kanyang katawan. Baka ano pa ang gawin ng mahal na diyosa sa atin." ang paalala ng manggagaway na may dalang tungkod.

"Pero, mas magiging makapangyarihan pa tayo kay diyosang Bulan kapag sinimsim natin ang dugo ni Tala at hindi na tayo magiging utus-utusan lang niya Arteia." Ang pangangatwiran ni Marphonia.

"Pagkatapos magiging kalaban tayo hindi lamang ng mga tagasunod ni diyosang Bulan, pati na rin ng ating mga angkan Marphonia. Lahat makakalaban natin. Saka sa tingin ko wala ring epekto sa atin ang kanyang dugo, dahil..." Natigilan si Daleria na tila may naalala.

"Bakit walang epekto sa atin ang kanyang dugo Daleria?" ang tanong ni Arteia.

Tila nag-isip ng idadahilan si Daleria sa isasagot nito kay Arteia. "Dahil mahina siya bilang isang diyosa. Kung malakas siya ay madali niya tayong matatalo sa labanang ito pero napakahina niya para sa tulad niyang diyosa." ang tugon ni Daleria.

Tumango si Arteia at tumingin siya kay Marphonia. "Tama si Daleria hindi sapat ang lakas ni Tala para pag-aksayahan pa natin siya ng panahon at kasuklaman tayo ni diyosang Bulan at ng ating mga angkan. Isa siyang mahinang nilalang."

"Kung gayon, dapat na natin siyang hulihin at para matapos na ang ating trabaho rito!" ang tugon ni Arteia sa mga kasamang manggagaway.

Pilit na nilalabanan ni diyosang Tala ang orasyong pinakawalan ni Daleria sa kanya. Pakiramdam niya ay unti-unting hinihigop ng orasyong kasalukuyang bumubulong sa kanyang tenga. Napaupo siya sa nagkabitak-bitak na sahig ng gusali at kitang-kita niyang tila nagtatalo ang tatlong manggagaway.

Malakas ang orasyong kanyang pilit na nilalabanan. Kailangan niya itong labanan at talunin para mawala ang bisa nito bago pa man siya tuluyang mawalan ng lakas. Isa siyang diyosa at anak ni Bathala, hindi siya puwedeng matalo ng tatlong alagad ng kadiliman na bahagi lamang ng mga nilikha ng kanyang ama.

Tinipon lahat ni diyosang Tala ang kanyang natitirang lakas para mawala ang sumpa ng orasyon. Biglang nagliwanag ang buo nitong katawan at kumawala sa kapangyarihang dulot ng orasyon. Isang napakalakas na puwersa ng hangin ang nagpatilapon sa tatlong manggagaway na nabigla sa ginawang iyon ni diyosang Tala. Humampas sa pader si Arteia, si Daleria naman ay tumama sa sirang chandelier at si Marphonia ay nakakapit sa mga bitak ng sahig na marmol.

Nagtayuan ang mga balahibo sa katawan ng tatlong manggagaway dahil sa kapangyarihang pinakawalan ni diyosang Tala. Unti-unti silang umaangat at umulutang sa hangin habang nararamdaman nila ang napakalamig na temperaturang biglang bumalot sa kapaligiran.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon