Chapter 44: BATHALA'S DEATH

373 25 5
                                    

"Alam kong walang kapatawaran ang ginawa ko Arathanias. Pinagsisisihan ko kung bakit nakinig pa ako sa aking kapatid. Nalinlang niya ako. Nalinlang ako ni diyosang Bulan." Ang wika ni diyosang Tala habang nakatayo sa balkonahe sa tore ng tahanan ng matandang pantas.

"Lahat nagkakamali mahal na diyosa. Hindi rin tayo perpekto tulad ng mga tao. Pero sa pagkakamali tayo ay natututong bumangon para itama ang pagkakamaling nagawa natin." ang tugon ni Arathanias.

"Mapapatawad pa ba kaya ako ni Amang Bathala sa nagawa ko sa kanya?" ang muling tanong ni diyosang Tala na mangiligngilid ang kanyang mga luha.

Bumuntung hininga si Arathanias at hinagod ang likod ng itinuturing niyang anak na si diyosang Tala. "Walang ama ang hindi nagpapatawad sa kanyang anak mahal kong diyosa. Kailan man ay hindi matitiis ng ama ang kanyang anak gaano man o makailang ulit itong magkasala sa kanya. Kaya nga naririto ka dahil gusto mong itama ang iyong pagkakamali di ba?"

Tumango si diyosang Tala at humarap naman sa kanya ang matandang pantas. Pinunasan ni Arathanias ang mga luha sa mata ng diyosa.

"Huwag mong sayangin ang iyong luha mahal kong diyosa. May oras pa para gumawa ng paraan para mailigtas ang iyong ama." ang wika ni Arathanias at ngumiti sa kanya.

"Paano? Sa ngayon ay hindi ko na alam kung ano ang aking gagawin para mailigtas ang aking ama..." natigilan si diyosang Tala ng may maalala. "...teteka, yung...yung tungkod ng aking ama. Yung tungkod niya kailangan ko itong makita."

"Huminahon ka mahal na diyosa, nasa mabuting kamay ang tungkod ng iyong ama. Hindi ko hahayaang mapasakamay iyan ng mga Mangcucusing na tumutugis sa'yo." ang mahinahong tugon ni Arathanias sa kanya.

"Mangcucusi?" ang nagtatakang tanong niya sa matanda.

"Mangcucusi, sila ang mga mangkukulam na dalubhasa sa mga dasal at gayumang ginagamit sa pagpatay sa mga tulad po ninyong diyosa. Sila ang sinasabing lahi ni diyosang Cusi na pinalayas ng iyong ama sa kalangitan dahil sa pakikipagrelasyon sa isang kampon ng kadiliman." ang paliwanag ni Arathanias kay diyosang Tala.

"Alam ko ang kuwento tungkol kay diyosang Cusi. Pero wala akong nakitang kakaiba sa mga nakalaban ko. Wala akong nakita sa kanila na may kinalaman kay diyosang Cusi." ang naguguluhang paglalahad ni diyosang tala sa matanda.

"Isa sa mga nakalaban mo ay ang isa sa mga kambal na anak ni diyosang Cusi mahal na diyosa."

"Ha? Si...sino?"

"Ang may marka sa noo, ang tanging nakaligtas sa pagguho." ang tugon ni Arathanias kay diyosang Tala.

Pilit na inalala ni diyosang Tala kung sino sa mga tatlong Manggagaway na nakasagupa niya ang may marka sa noo. May napansin nga siya na isa sa mga ito may tattoo sa kanyang noo at siya marahil ang mangcucusi na tinutukoy ni Arathanias. Daneria...hindi Daneria sigurado siya na hindi iyon ang pangalan ng babae pero halos ganun ang kanyang pangalan.

"Daneria... Daneria." iniling-iling niya ang kanyang ulo dahil hindi siya sigurado na iyon ang tamang pangalan ng Mangcucusi. "Hindi, hindi ganun ang pangalan niya. Dameria... Darelia...Tsk! Daleria? Oo Daleria yun ang pangalan niya." ang wika nito sa sarili.

"Daleria, Daleria ang pangalan niya Arathanias." ang siguradong sabi ni diyosang Tala sa matandang pantas.

"Daleria... Hmmm... kailangan natin makasiguro na siya ay isang Mangcucusi. Maaring isa sa kambal o isa na lamang sa mga lahi ni diyosang Cusi." Ang mahinahong wika ni Arathanias.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon