Chapter 47: CHAOS

424 28 10
                                    

Dumadagundong ang kalangitan at tila humihinga ang lupa. Ang malakas na hangin ay humahampas hanggang sa pinakamurang dahon ng bawat sanga ng mga maliliit at naglalakihang mga puno sa mga kagubatan. Matatalim na mga kidlat ang gumuguhit sa maiitim na mga ulap at tumatama sa mga nangangalit na alon sa malawak karagatan sa ikatlong mundo.

Naglalakihang mga alon ang mapuwersang humahampas sa mga pamayanan at lungsod sa mga dalampasigan ng ikatlong mundo. Libo-libo ang mga nangamatay at nasaktan mortal man at imortal ang nagkalat sa mga daan. Nagkabiyak-biyak ang mga kalsada sa mga mayayamang lungsod sa Eloria, Murcia, Quinta, Camalig at iba pang kilala at mayayamang lungsod na nagpaguho rin sa mga istraktura at magagarang gusali. Mga bulkan na nagsimula na rin mangalit at patuloy na naglalabas ng mga nag-aapoy na mga bato at putik.

Binalutan ng mga makakapal at maiitim na ulap ang araw kasama ng mga mapupula't matatalim na kidlat na lalong nagdulot ng takot sa mga mamamayan ng ikatlong mundo. Takot na hindi nila naranasan sa mahabang panahon ng kanilang buhay.

Nagsimula na rin sa pagkatuyo ang malalamig at napakasarap na sariwang tubig sa mga bukal ng mga lumulutang na isla ng Sabang. Unti-unti ay gumuguho ang mga ito at nalalaglag sa karagatan ng Trinity.

Sa mga makakapal na kagubatan ay nagsisimulang umatake ang mga dati'y mababait na mga dambuhalang mga halimaw. Ngayon ay kasama na sila ng mga mababangis na uri nila at walang pinipili sa kanilang mga mabibiktima.

Lahat ng bahagi ng ikatlong mundo ay hindi na nagiging ligtas kahit sa ano mang uri ng nilalang mortal man at imortal, mga hayop sa lupa o sa himpapawid maging sa mga ilog at dagat.

Hindi na muling sisikat pa ang araw sa mundo man ng mga tao at elemental sa sanlibutan. Dahil sa pagkamatay ni Bathala ay unti-unti ng nawawala ang balanse ng mundo. Unti-unti na rin namamatay ang tahanan ng lahat ng nilikha ng Diyos dahil sa paghahari ng mga anak ng buwan, sa pangunguna ni diyosang Bulan.
------------------

Ginising si Caren ng mga kalabit at tawag ni Ceasar. Malakas ang ulan ng mga oras na iyon at nangangalit ang paghambalos ng hangin sa paligid. Maya't-maya ay mapupulang pagkislap sa himpapawid ang bahagyang magpapailaw sa kadiliman ng gabi kasabay ng mga nakakabinging kulog na halos magpalundag sa bagong gising na si Caren.

Mula sa pagkakahiga ay umupo si Caren na pinupunasan ang mga muta sa kanyang mga mata. Hindi niya namalayan na gabi na rin pala at nakatulog siya sa ilalim ng tulay na kung saan nahulog sina Alex at ang babaeng lobo. Dala na rin siguro ng pagod at puyat kaya naging mahimbing ang kanyang pagtulog. Limang araw na rin ang nakakaraan mula ng lusubin sila ng mga anak ng buwan at mahulog roon si Alex ng tangkahin niyang iligtas ang batang si Adrian.

Kapansin-pansin ang pangingitim sa paligid ng kanyang mga mata at ang pangangayayat nito dahil hindi na rin niya napansin kung kailan siya huling nakatulog at nakatikim ng pagkain dahil sa pag-asang mahahanap pa rin niya si Alex.

Bakit ba siya nasasaktan ng ganito? Ang katanungang pilit niyang inaalis sa kanyang isipan dahil mauuwi lang lagi sa pagsisisi at panghihinayang. Kung maibabalik lang sana niya ang nakaraan hinding hindi niya ito hahayaang mangyari sa kanila.

Ilang araw na rin naging kakaiba ang mga nagaganap sa kanilang paligid. Kailan lang ay ang madalas na pagyanig at pagbibitak ng lupa sa mha lungsod at kanayunan. Ngayon naman sa kanyang paggising ay ang nangangalit sa lakas ng hangin at ulan. Ito na ba talaga ang mga senyales ng katapusan ng mundo? Na kung tutuusin ay mas maswerte pa ang mga unang nangamatay kaysa silang naiwan at naririto pa rin ngayon daranasin pa ang mga susunod na pag-atake ng mga kampon ng kadiliman. Dito lamang ba sa Pilipinas nangyayari ito o sa iba't-ibang panig ng daigdig rin? Wala ni isa sa kanila ang nakakaalam dahil mula ng nangyari ang mga paglusob naputol na lahat ng komunikasyon at wala ng balita kahit sa ibanh parte ng Pilipinas.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon