"Ikaw ang babae na tinutukoy sa propesiya? " ang tanong ni Demetria kay Odessa na kasama niya sa gawing likuran ng mga taong abala sa pakikinig kay Father Mexo.
Tumingin si Odessa kay Demetria at marahang tumango sa kaibigan. Ramdam sa kanya kung gaano kabigat ang responsibilidad na nakaatang sa kanyang mga balikat. Hindi rin alam ni Demetria kung matutuwa ba siya na nasa harapan niya ang magwawakas sa kaguluhang nangyayari sa mundo o malulungkot dahil ang babaeng magliligtas sa kanila ay maaaring siya rin ang magiging dahilan ng kawakasan ng lahat ng nilalang sa sanlibutan.
Hinawakan ni Odessa ang kamay ng kaibigan at pinisil ang mga iyon. "Kung saka-sakaling ako ang magiging dahilan ng pagkawakas ng sanlibutan, sa simula pa lang na mapansin mo ang mga senyales sa akin, ang pagkalunod ko sa kapangyarihan ng Bagauisan, ipangako mo sa akin Demetria..." inilapit ni Odessa ang kamay ni Demetria sa tapat ng kanyang puso. "...huwag na huwag kang magdadalawang isip na patayin mo ako kaagad!" ang seryosong habilin nito sa kaibigan.
"Hihindi...huwag mong sabihin yan Odessa. Hinding-hindi mangyayari iyan. Mahal mo ang mga tao at ang sanlibutan, alam kong malalampasan mo yan." ang naging tugon sa kaibigan na nababahala rin sa sinabi nito tungkol sa puwedeng kahihinatnan nito.
"Demetria, napakalakas ng kapangyarihan ng Bagauisan na pilit na lumulunod sa aking pagkatao. Ikaw mismo ay nasaksihan mo sa ibinahagi sa akin ni Quebaluan kung ano ang magiging kapalaran ko sa pagkaligtas o pagkasira ng Sanlibutan. Gusto kong gawin mo ito hindi para sa akin, kundi sa mga nilalang ng Diyos na siyang dahilan kung bakit ginagawa natin ang paglaban sa mga anak ng buwan."
"Pero Odessa, hindi ang propesiya ang magdidikta kung ano ang magiging kapalaran mo. Ikaw ang pipili kung ano ang magiging papel mo sa Sanlibutan. Oo maaari ngang napakalakas ng kapangyarihan ng Bagauisan na nasa iyong katawan pero higit na mas malakas ang iyong puso upang manaig ang kabutihan laban sa kasamaan. "
Binitawan ni Odessa ang kamay ni Demetria at saka tumalikod sa kanya. "Sana nga ganyan lang kadali ang lahat Demetria. Sana nga pero nagpapasalamat pa rin ako sa tiwalang ibinibigay mo sa akin sa kabila ng ibinahagi ko sa'yo mula sa propesiya ng mga Babaylan. "
"Hinding-hindi mapapabago ng kahit ano ang tiwala ko sa'yo Odessa. Mula ng una kitang makita alam kong may malaki kang gagampanan para mailigtas ang sangkatauhan sa Sanlibutan." ang tugon ni Demetria.
Muling humarap si Odessa kay Demetria pero hindi siya makatingin ng diretso sa mata ng kaibigan. May gusto sana siyang ipagtapat kay Demetria ngunit nagtatalo ang isip niyang sabihin ito sa kaibigan. Yumakap sa kanya si Demetria.
"Nandito ako para sa'yo Odessa aking kaibigan, kaisa mo ako sa lahat ng laban mo." ang taimtim na wika ni Demetria sa kanya.
Ramdam ni Odessa ang sinseridad ni Demetria sa lahat ng sinasabi nito. Pero magiging tapat pa rin ba siya kung malalaman niyang siya ay anak ni Behemot, ang diyos ng kasamaan at nananalaytay sa kanyang dugo ang kasamaan na lalong magtutulak sa kanya sa kadiliman.
"Sasalamat Demetria, salamat kung gayon." ang naging tugon ni Odessa. Napailing ang ulo ni Odessa sa gawing pintuan ng simbahan at ramdam na ramdam niya ang dinadala ng hangin mula sa labas ng simbahan. Kumawala siya sa pagkakayakap ni Demetria sa kanya at mabilis na tinungo ang pinto.
Naiwan na naguguluhan si Demetria sa kanyang kinatatayuan. "O...Odessa, aanong?... "
"Panganib, may nagbabadyang panganib at malapit lang sila." ang wika ni Odessa.
Pagkarinig ay mabilis na tumaliwas si Demetria at kaagad na pinuntahan si Father Mexo na kasalukuyan pang nagsasalita sa harapan ng mga natitirang mga tao.
Pagkakita ni Father Mexo kay Demetria ay kaagad na tumigil muna sa pagsasalita ang pari at kaagad na nilapitan si Demetria. Nagkatinginan at nagbulung-bulungan naman ang mga tao sa paglapit ng pari sa babaeng Sangre. Mayroong nabalutan na ng takot at pangamba ang kanilang mga mukha at ang iilan ay nabalisa na kaagad sa kanilang kinauupuan.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...