Chapter 25: ANILAOKAN'S LOVE

533 26 7
                                    

Nagliliwanag ang lagusan sa harapan ni Odessa. Sari-saring mga kulay ang lumalabas mula rito at tila naghihiyat ito sa kanya na pasukin ito at makita ang kanyang hinaharap at gustong ipakita sa kanya ng propesiya. Kinakabahan si Odessa at natatakot na rin kung ano ang kanyang makikita sa kanyang propesiya. Gustong ipakita sa kanya ni Quebaluan ang posibleng mangyari sa hinaharap ng mga nilalang ng ikatlong mundo at ang mundo ng mga tao.

Sa tingin ni Quebaluan ay handa na si Odessa para sa propesiya at ang paghahanap sa nawawalang si Bathala. Marami sa mga diyos at diyosa ang palihim na gustong pabagsakin ang pamamahala ni Bathala.  Kasama na rito ang iilan sa mga anak niya na sila rin mismo ang may gawa sa pagkawala nito. Hindi biro ang magiging papel na gagampanan ni Odessa sa pagtugon niya sa propesiya.  Sabay niyang ililigtas ang mga nilalang ng dalawang mundo. Ang mundo ng mga elemental at ng mga tao.

"Magpakatatag ka Odessa, ito na ang tamang panahon para sa iyong mga mata ay masaksihan ang papel na gagampanan mo sa kinabukasan ng sanlibutan. Nasa iyong balikat nakasalalay ang kaligtasan ng dalawang mundong iyong pinagmulan.  Ang balanse ng dalawang mundo ay tuluyan ng nawawala. Nangingibabaw na ang kasamaan sa ikatlong mundo at tuluyan ng nalilipol ang mga mortal na tao. Para mailigtas mo ang mga tao,  kailangan mo munang iligtas si Amang Bathala at lipulin ang ugat ng kasamaan dito sa ikatlong mundo. Pero mag-ingat ka dahil sa ngayon ay hindi natin alam kung sino ang kakampi at kalaban." Ang wika ni Quebaluan kay Odessa na tila napako ang mga paa sa harapan ng Pilunlualan.

Sa mga tinurang iyon ni Quebaluan, pakiramdam niya ay napakabigat na responsibilidad ang biglang naiatang sa kanya. Paano kung hindi niya ito kakayanin? Hindi biro ang makakalaban niya niya dahil mga diyos at diyosa ang kanyang sasantuhin. Ni ang diyos na si Bathala ay walang nagawa para makawala sa kapangyarihan ng mga dumukot sa kanya lalo na't mga anak nito ang may gawa. Hindi niya kilala ang mga diyos at diyosa ng ikatlong mundo sa Sanlibutan maliban lamang kay diyosang si Bulan na lantarang sumuporta sa mga nilalang ng dilim sa pamumuno ni Claudius Rickman. At sigurado si Odessa na isa sa may pakana ng pagpapabagsak kay Amang Bathala ay ang sarili nitong anak na si Bulan ang itinuturing na ina ng mga nilalang ng kadiliman, ang mga anak ng buwan.

"Panahon na para ika'y pumasok na para iyong masaksihan ang propesiya tungkol sa hinaharap ng Sanlibutan Odessa, Prinsesa ng kaharian ng Eudhoria. Ito marahil ang dahilan kung bakit ka iniligtas ng iyong butihing ina na si Reyna Baguinaua sa gustong pagpatay sa'yo ng iyong ama na si Haring Khalil. Kaya,  humayo ka Odessa ng Eudhoria at alamin na ang iyong hinaharap." Ang muling sabi ni Quebaluan.

Bago pa man inihakbang ni Odessa ang kanyang mga paa ay tumingin muna ito kay Quebaluan. Nangungusap ang mga mata ni Odessa habang nakatitig sa taong-puno. Nakita niyang tumango si Quebaluan habang nakatitig din sa kanya. Hudyat na ipinagkaloob na nito ang basbas para gabayan siya sa panonood sa kanyang propesiya.

Dahan-dahan ay pumasok na sa Pilunlualan si Odessa. May kaba man sa kanyang dibdib ay kailangan niyang gawin iyon para makita niya ang magaganap sa kanyang propesiya. Pagbungad pa lamang niya ay tila may kung anong puwersa ang biglang humigop sa kanya dahilan para maramdaman niya na nahuhulog siya sa walang katapusang lagusan.

-------------------
Marahang ibinaba ng hangin si Anilaokan sa tore ng Palacio Lunar na kung saan nakita niya ang nakalutang ang walang malay na si Bathala. Pagkababa niya ay pansamantalang tumigil si Anilaokan para pagmasdan ang diyos na si Bathala. Nakangisi ito at inilagay ang dalawang kamay sa kanyang likuran at tila nangungutya ang kanyang mga titig.

Tingnan mo nga naman, ang dating tinitingala at sinasamba ng lahat ng mga nilalang sa sanlibutan ay walang magawa sa kanyang sitwasyon ngayon. Ni hindi matulungan o mailigtas man lang ang sarili." Ang sabi nito sa sarili habang pinagmamasdan ang kalunos-lunos na kalagayan ni Bathala.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon