Chapter 55: REVELATION

378 24 8
                                    

Ginising ng mga yabag ng nagmamadaling mga paa si diyosang Tala. Hindi niya mailarawan ang kanyang pakiramdam dahil magkahalong pananakit sa buong katawan at pagkahilo ang nangingibabaw sa kanyang nararamdaman. Kahit nakadilat na ang kanyang mga mata ay hindi pa rin niya maaninag ng maayos ang lahat ng nasa kanyang paligid.

Narinig niya na tumigil sa kanyang tabi ang mahihinang mga yabag at amoy niya ang napakabangong halimuyak ng Ylang-ylang na nanggagaling sa nilalang na nasa kanyang paligid. Kilala niya ang amoy na iyon at hinding-hindi siya puwedeng magkamali.

"Mariang Sinukuan..." ang mahinang wika ni diyosang Tala sa nilalang sa kanyang tabi na akmang ibinuka ang kanyang bibig upang sumambit rin sana ng salita sa kanya.

Isinara ni Laurea ang kanyang bibig at kinagat ang ibabang labi.

"Alam kong ikaw 'yan Mariang Sinukuan. Bakit mo nagawa ito sa akin?" ang may panunumbat na tanong ni diyosang Tala sa diwata.

"Pa...patawad mahal na diyosa. Wala po akong kinalaman sa mga nangyari. Katulad rin po ninyo, ako man ay bihag ni Anilaokan dito." ang emosyonal na tugon ni Laurea.

"Sinungaling! Kinupkop ka ni ama kasama ang iyong kapatid na si Aring Sucu, pero bakit ito ang isinukli mo sa kabutihan ng aking ama." ang matigas na wika ng diyosa.

"Kailan man ay hindi ko magagawang magtaksil kay Bathala dahil parana rin siyang ama sa akin. Hindi rin ako magiging taksil sa'yo alam mo 'yan dahil ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan."

"Ewan ko... dahil ako mismo ay hindi ko na alam kung sino ang kakampi o kalaban." Ang malungkot na sabi ni diyosang Tala. Sinubukan niyang tumayo pero tila ayaw umayon ng kanyang katawan sa kagustuhan ng kanyang isipan.

"Mananatili akong kakampi mo aking kaibigan at mahal na diyosa." ang tugon ni Laurea at marahang hinawakan ang kamay nito.

Tumingin si diyosang Tala sa mukha ng kaibigan at saka ipinatong ang kabilang kamay sa nakahawak na kamay ni Laurea sa kanya. "Kung gayon, patunayan mo sa akin ngayon na tapat ka pa rin sa akin ngayon kahit man lang bilang isang kaibigan."

Tumango si Laurea bilang pagtugon sa kaibigan. Kahit man hindi ito sabihin sa kanya kung paano nito patutunayan ang katapatan nito sa kaibigan ay alam niya kung ano ang ibig sabihin ng diyosa sa kanya. Pero nabaling ang kanilang atensiyon ng marinig nila ang malulutong na palakpak ni diyosang Bulan habang papalapit ito sa kanila.

"Magaling! Magaling! Magaling!" Kasabay ng pagpalakpak ng diyosa ng buan. "Napakagandang eksena! Parang eksena sa mga kaartehan ng mga tao sa kanilang mga palabas sa telebisyon. Nakakaiyak at nakakaantig ng puso."

"Bulan!" Ang sigaw ni diyosang Tala pagkakita sa kapatid. "Bakit mo ginagawa ito?" ang halos mapatayo sa kinahihigan na si Tala.

"Tala! Ang pinakamamahal kong kapatid! Ang napakahina at pinagkanulo ang sariling ama." Ang tugon ni diyosang Bulan sa kapatid. Tila nakalutang ito sa hangin habang papalapit sa kinaroroonan ng dalawa. Kitang-kita ang mga ngipin sa kanyang matamis na ngiti pero para kay Laurea ay makamandag ang mga ngiting iyon. Pero tila nababasa ni diyosang Bulan ang nasa isipan ng diwata. Tumingin ang diyosa ng buwan kay Laurea na nagbigay ng matinding kilabot sa kanya.

"Hindi ka nabibilang dito diwata!" ang nanggigigil na wika ni diyosang Bulan sabay kumpas sa kamay nito.

Nakaramdam ng matinding puwersa si Laurea na nagpatilapon sa kanya ng mahigit sa sampung metro pero imbes na sa matigas na sahig ito bumagsak ay sa malalakas na mga bisig ni Anilaokan ang sumalo sa kanya. Sinalo siya ng lalaking diwata na naroroon din pala sa paligid.

"Salamat..." ang naging wika ni Laurea na mabilis na nahimasmasan sa kanyang pagkabigla.

Ngumiti lamang si Anilaokan at mahirap basahin ang ekspresyon nito sa mukha. Ibinaba niya sa sahig si Laurea at isinamang papalabas sa kuwarto.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon