Damang-dama ni Odessa ang sobrang init sa kanyang katawan habang dumadaloy ang apoy na nagmumula sa kapangyarihang itim ni Behemot. Hindi kayang pagsidlan ng tuwa ang nararamdaman ni Behemot dahil sa wakas ay mababawi na niya ang kanyang anak na si Odessa. Nakikita na niya ang kanyang magiging tagumpay para pagharian ang Sanlibutan.
"Ganyan nga mahal kong anak, damhin mo ang kapangyarihang ipinagkakaloob ko sa'yo. Sabay nating pagharian ang mundo." Ang malakas na wika ni Behemot kasabay ng kanyang malakas na paghalakhak.
Kahit na anong pilit na kontrolin ni Odessa ang pagpasok ng kapangyarihang itim sa kanyang katawan ay hindi nito magawa. Lalo pang sumakit ang kanyang nararamdaman na tila wala ng hihigit pa sa pisikal na sakit na naranasan niya kahit na sa mga pakikidigmang pinagdaanan niya. Hindi rin niya maialis ang kanyang mga mata sa mata ni Behemot na patuloy pa rin ang pagpasok sa mga hibla ng apoy sa katawan niya. Pakiramdam ni Odessa ay unti-unti ng nawawala ang kanyang kamalayan, ang kanyang pagkatao at ang pagiging tao niya. Unti-unti ay nilalamon siya ng kadiliman, unti-unti ay nilulunod siya nito.
"Sige lang Odessa, pinakamamahal kong anak. Hayaan mong dalhin ka ng kadiliman sa kawalan. Hayaan mong lukubin ka nito at balutin ng kanyang walang hanggang kapangyarihan..."
May gustong kumawala sa katauhan ni Odessa na pilit na nilalabanan ng kanyang sarili. Para siyang napapaso at ang tanging gagawin niya ay bitawan ito para maiwasan ang pagkapaso. Pero may kung anong dahilan kung bakit kahit napapaso ay ayaw niyang pakawalan ito. Dahil sa oras na pinakawalan niya ay baka hindi na ito babalik sa kanya at tuluyan ng siyang tatangayin ng agos tungo sa kadiliman.
Kailangan niya itong labanan hangga't makakaya niya. Hinding-hindi siya kailanman magpapasailalim sa dilim, hindi kailan man. Hindi niya susukuan ang mga taong naging parte na ng kanyang buhay simula sa kanyang nakagisnang mga magulang.
Si nanay Elissa...
Si tatay Mario... ang kanyang nakagisnang mga magulang...
Ang ate Laurea niya...
Ang pinakamamahal niyang si Randy...
Si Lolo Victor...
Si Lola Naty....
Ang best friend niyang si Calisha...
Mga tunay niyang kaibigan... Sino pa ba? Bakit unti-unti na niyang nakakalimutan ang mga pangalan ng mga taong tumatak sa kanyang isipan at humubog sa kanyang pagkatao? Hindi...hindi maari. Hinding-hindi niya dapat sila kakalimutan.
Lalabanan niya ito...
Lalaban pa rin siya. Ngunit paano?
Nagsimula ng gumuhit ang mga itim na ugat sa katawan ni Odessa habang patuloy pa rin ang pagpasok ng itim na kapangyarihan sa kanyang katawan.
"Ahhhhhh!!!" ang sigaw ni Odessa na halos hindi na makayanan pa ang sobrang sakit. Gusto na niyang sumuko. Gusto na niyang magpahinga.
Gustong gusto na niyang magpahinga dahil pagod na siya...pagod na siya sa pakikipaglaban...
"Pakawalan mo na ang iyong sarili mahal kong anak at pagharian natin ang sanlibutan. Panandalian lang ang nararamdaman mong 'yan dahil muli kang maipapanganak sa pamamagitan ng apoy at kadiliman."
Biglang binalutan na ng kadiliman si Odessa. Nakita niya ang sarili niya na tuluyan ng bumulusok sa napakalalim na bangin. Tuluy-tuloy siya sa pagbagsak na tila walang katapusan ang lalim nito. Wala siyang nakikita kundi puro kadiliman ng paligid. Nakakabingi rin ang katahimikan na lalong nagbigay ng bigat sa kanyang pakiramdam.
Biglang lumukob sa kanyang katauhan ang Baguisan, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na kulay ng apoy ang hitsura nito kundi kulay itim na makapangyarihang ibon. Mabagsik ang hitsura at matatalim ang puting-puting mata nito.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...