Gumising siya mula sa madilim na yungib. Pinagmasdan ang kahabaan ng kuweba pero dahil sa kadiliman ng lugar ay hindi niya matanto kung saan ang labasan nito.
Pinipilit niyang gamitin ang kapangyarihan mula sa kanyang kanang kamay pero makailang ulit na niyang sinubukan ito at tila tuluyan ng naglaho ang kapangyarihang kanyang taglay.
Sinubukan niya ang tumayo mula sa malamig na sahig ng yungib pero biglang umikot ang kanyang paningin, at pati ang mga paa ay sumusuko na rin dahil kung hindi siya nakahawak sa pader ng kuweba ay siguradong babagsak siya sa mabatong sahig. Pakiramdam niya ay masakit lahat ng parte ng kanyang katawan na hindi pa niya naranasan kahit minsan sa buong buhay niya.
Ano ba talaga ang nangyari sa kanya at bakit wala siyang maalala? Saang lugar siya naroroon at bakit wala siyang lakas at kapangyarihan? Pilit niyang inaalala kung may kasagutan sa kanyang isipan para malaman kung bakit siya naririto ngayon sa madilim na yungib na hindi rin niya alam kung saang lugar ito.
Pinilit niyang inihakbang ang mga paa habang naghahanap ng makakapitan ang kanyang mga kamay sa pader ng kuweba. Kailangang makahingi siya ng tulong, kailangan niyang makaalis dito sa lugar na ito.
"...tu...long... Tul... " natigilan siya. Tila may kung anong bagay ang bumara sa lalamunan para hindi matuloy ang paghingi niya ng tulong.
Bakit nga ba siya hihingi ng tulong? Siya si Bathala, bakit ba siya nangangailangan ng tulong? Kailan pa bang humingi ng tulong si Bathala? Ang pagkakalam niya ay siya ang pinakamakapangyarihang diyos sa sanlibutan at kailan man ay hindi pa siya humingi ng tulong kahit pa kanino. Kaya niyang makaalis sa lugar na ito basta magagamit niya ang kapangyarihan. Pero nakailang ulit na rin niyang sinubukan pero bigo pa rin siyang magamit ito.
Iniyuko niya ang kanyang ulo at pinilit huminga ng malalim. Ilang segundo rin siyang hindi gumagalaw sa ganoong sitwasyon at nagmumuni-muni. Hindi niya kailangan ang tulong. Hinding-hindi siya hihingi ng tulong o kahit kanino man. Siya si Bathala at kailan man ay hindi siya humingi ng tulong. Aalamin niya ang lahat bakit siya naririto at aalamin niya ang dahilan para makakaalis na siya sa madilim na kuwebang kinaroroonan niya. Kailangang bumalik lahat ng kanyang kapangyarihan para magawa niyang makaalis sa lugar na ito.
Napahawak ang matandang lalake sa kanyang ulo at may napansin siyang kakaiba rito. Ang dating mahaba't puting buhok ay wala na at pati na rin ang mahabang balbas ay hindi na rin niya mahawakan dahil tila kusang pinutol ang mga ito. Anong nangyari sa kanya at bakit wala siyang maalala? Ang kanyang puting buhok ngayon ay naging kulay itim na rin at siya mismo ay hindi na rin makilala ang kanyang sarili.
Pilit niyang inaalala kung paano siya nakarating sa lugar na kinaroroonan niya ngayon? Muli ay sinubukan niyang tumayo pero wala pa rin lakas ang kanyang mga paa para suportahan nito ang bigat ng kanyang katawan. At sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng matinding kalungkutan lungkot na parang ang tanging gusto niyang gawin ay umiyak ng umiyak at kitilin ang natitirang buhay. Ramdam na ramdam niya ang bigat sa dibdib na tila kawalan ng pag-asa na ipagpatuloy pa ang buhay niya.
Muli niyang pinagmasdan ang kabuuan ng napakadilim na paligid. Iilang buntong hininga rin ang kanyang pinakawalan dahil tila kusang ipanaparamdam ng lugar ang kawalan ng pag-asang mabuhay pa na kanya namang pilit na nilalabanan ng mga sandaling iyon.
Kumapit siya sa nakausling bato na kanyang nakapa para makatayo mula sa sahig. Nang walang anu-ano'y biglang nagkaroon ng malalakas na pag-uga ng lupa sa kanyang kinatatayuan. Sa lakas ng pagyanig ay naglaglagan mula sa kisame ng kweba ang mga naglalakihang mga bato. Nabitawan ni Bathala ang pagkakakapit sa nakausling bato at tuluyan siyang nalaglag sa malamig at mabatong sahig ng kuweba.
Naramdaman ni Bathala ang malalakas na paglagutok mula sa sahig habang nagsimula magkabitak-bitak ang mga bato at lumabas napakainit at napakabahong usok na umalingasaw sa loob ng kuweba.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...