Nakaumang na ang espadang Pabanlag ni Anmanuan para patayin na si Randy sa ika-apat na pagkakataon. Mabilis ang kanyang mga kilos at buong lakas sa pagtabak ng kanyang sandata sa nahihilong kalaban. Pero ilang pulgada bago tumama ang Pabanlag kay Randy ay isang napakalakas na puwersa ang nagpatilapon ng ilang metro sa kanilang dalawa.
Bumalot ang matinding takot kay Anmanuan ng mapagtanto ng dahilan ng napakalakas na puwersang iyon. Napatingin siya kay Randy na tumilapon din ng ilang metro mula sa kanyang kinaroroonan. Nakahandusay ito sa gilid ng konkretong kalsada at nanghihina pa rin dahil sa sugat na nilikha sa kalaban ng kanyang sandata.
Ramdam ni Anmanuan na may nangyaring masama sa kanilang panginoong Behemot. Batid niya na isang makapangyarihang nilalang lamang tulad ng isang diyos ang puwedeng tumalo sa isa ring diyos. Pero ang naramdaman niya ngayon ay hindi lamang pagkatalo, mas malala pa ito kaysa sa naiisip niya. Nararamdaman niya ang kamatayan ng isang diyos, ang kanyang panginoong Behemot.
"...sinuwerte ka sa pagkakataong ito Banaual, pero sa susunod ay hindi na kita bibigyan pa ng pagkakataong mabuhay pa. Damhin mo ang sakit na dulot sa'yo ng aking sandata." ang mahinang wika ni Anmanuan habang pinagmamasdan si Randy.
Walang sinayang na sandali si Anmanuan at kaagad itong tumayo mula sa kanyang kinabagsakan. Ikinumpas ang kanyang kamay at bumukas ang isang Pilunlualan sa kanyang harapan. Kaagad itong pumasok mula rito at sa ilang sandali lang ay agad na nagsara ang lagusan.
Halos maiyak si Randy sa tindi ng sakit ng sugat na likha ng Pabanlag. Pakiramdam niya ay binalatan siya ng buhay at saka inilagay sa apoy. Halos mapasigaw siya sa sakit na nararamdaman niya. Hirap na hirap siya sa pagtayo kahit na nasa balikat ang kanyang sugat. Ni hindi na niya alintana kung ano ang puwersang bigla na lamang dumating at nagpatilapon sa kanilang dalawa ni Anmanuan na naging dahilan ng pagkaligtas ng kanyang buhay. Wala na rin siyang pakialam kung bakit bigla na lamang umalis si Anmanuan at hindi na nito tinuloy ang pagkakataong patayin siya nito gayong nasa kanya na lahat ang pagkakataong gawin ito dahil sa kanyang sitwasyon ngayon. Maaaring nais ni Anmanuan na mamatay siya sa sobrang sakit na dulot ng Pabanlag.
Si Odessa, oo ang pinakamamahal niyang si Odessa. Ano na kaya ang nangyari sa kanya? Naalala niya na nakikipaglaban din pala ang kanyang kasintahan at sana'y ligtas pa rin ito.
Pinilit na iniangat ni Randy ang sarili at nagawa nitong makaupo sa gilid ng kalsada. Napansin niya na unti-unting nawawala na ang makakapal at maiitim na ulap na tumatabing sa araw. Hudyat na ba ito ng kanilang pagkapanalo sa labanang ito? Sana natapos na nga ang pakikipaglaban nila sa araw na ito dahil maraming tao na naman ang nagbuwis ng kanilang mga buhay.
Sinundan naman ni Caren ang pagbagsak ni Alimog sa bubungan ng isang gusali kasama ang mga wakwak at ang buwitreng si Kalufai. Mabilis na tinungo ni Caren ang gusali at doon kitang-kita niyang pinagtutulungan ng may tatlong wakwak at isang napakalaking buwitre ang kanyang kaibigang si Alimog na pilit pa ring lumalaban kahit sugatan na ito.
Hindi na nagdalawang isip pa si Caren na tulungan si Alimog. Nilundagan niya si Kalufai at sinagpang ang likurang leeg ng nito. Nakipagbuno naman si Kalufai para maalis ang pagkakasagpang ng babaeng taong-lobo sa kanyang batok.
Pansamantalang natigilan ang mga wakwak sa kanilang pag-atake kay Alimog ng makita nila kung paano umatake si Caren sa kasama nilang si Kalufai. Natulala ang mga ito dahil hindi nila inaasahan na ang anak ng buwan na tulad nila ay papanig sa kanilang kalaban. Iyon na rin ang pagkakataong si Alimog naman ang umatake sa tatlong wakwak habang nawala ang atensiyon ng mga ito sa kanya. Pero bago pa man nito nagawa ang pag-atake ay biglang lumiwanag ang kapaligiran at lumabas ang mukha ng araw sa mga maninipis na maiitim na ulap. Nakaramdam ng pagkapaso ang mga wakwak maging ang buwitreng si Kalufai. Sa isang iglap ay nangagliyab na ang kanilang mga katawan sa ilalim ng sikat ng araw.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...