Chapter 2: THE AWAKENING

1K 43 7
                                    

"Cla... Claudius?!" Ang tanging nasambit ni Odessa ng makita ang lalake sa kanyang harapan.

Mabilis na humampas kay Odessa ang latigong Eskrihala pero mabilis din nakailag at nakatalon si Odessa bago pa man tamaan ng namumula sa apoy na sandata.

"Ngayon ay ipakita mo sa akin na matapang ka nga Odessa. Makakaya mo kaya akong talunin na wala ang Eskrihala sa 'yong kamay?!"

Hindi makapaniwala si Odessa na ang kanina pa pala niyang kasama ay si Claudius.  Pero imposible dahil nasunog ng Eskrihala si Claudius ng sinubukan niyang agawin ang Eskrihala sa hardin ng kanyang mansion. Wala siyang kakayahang maghilom ang kanyang mga sugat lalo't likha ito ng Eskrihala. Pero paanong nangyari na nasa harapan niya ito at walang bakas ng ano mang sunog na nilikha ng sandata sa kanya?

Paano nangyari rin na sa madaling panahon ay naging bihasa na ito sa paggamit ng Eskrihala?

Patuloy pa rin sa pag-ilag si Odessa sa bagsik ng dati niyang armas para pampuksa sa mga anak ng buwan.  Ngayon ay sa kanya naman ginagamit ang sandata na dati rati ay nasa kanyang mga kamay.

Maliliksi at mabilis ang mga kilos ni Odessa. Bawat hampas ni Claudius sa Eskrihala ay ang pagdagundong ng paligid tulad sa kulog at kidlat.  Lumalagutok ang mga boltahe ng kuryente kapag napapadaan sa kanyang harapan ang latigong Eskrihala.

"Nasaan ngayon ang sinasabi nilang napakagaling na assassin ng mga Sangre? Hindi ba tama ako Odessa na ang Eskrihala lamang ang nagbibigay sa'yo ng lakas at tapang?" Ang panlalait na sabi ni Claudius sa kanya na may bahid ng ngiti sa magkabilang dulo ng kanyang mga labi.

Kabado si Odessa dahil hindi niya inaasahan na darating ang araw na sa kanya gagamitin ang Eskrihala para patayin siya.

"Alam kong ano man ang binabalak mo Claudius ay hindi ka magwawagi! Mapapatay mo man ako ay siguradong mayroon pa rin tatayo at lalaban sa iyong kabuktutan! Hinding-hindi ko hahayaan na maghari ang tulad mo sa sanlibutan!" Ang pasigaw na tugon ni Odessa.

"Kung gayon ay hindi rin ako magsasawang paulit-ulit na patayin ang sino mang haharang sa aking mga balakin. Ngayon pang nasa akin na ang Eskrihala." Ang sigaw ni Claudius sabay hampas sa sandatang Eskrihala kung saan naroroon si Odessa.

Halos singbilis ng kidlat si Odessa, pero hindi niya makuhang lumapit man lang kay Claudius dahil sa Eskrihala.

Biglang lumakas ang ihip ng hangin at nangalit ang nakapalibot na karagatan.  Ramdam ni Odessa na tila nanginginig ang lupa sa isla. Pakiramdam niya ay buhay ang isla kung saan siya naroroon.  Sa bawat hampas ng Eskrihala na tumatama sa puting dalampasigan ay tila nasasaktan ito at nagkakaroon ng mga pagyanig.

Kailangan makaisip ng paraan kaagad si Odessa para matalo niya si Claudius. Pero kakaibang Claudius ang umaatake sa kanya ngayon. Hindi agresibo si Claudius sa pakikipaglaban.  Mahinahon lamang ito habang gamit ang kanyang kapangyarihan. Maaaring epekto ito ng enerhiyang nanggagaling sa Eskrihala.

Sa unang pagkakataon ay mabilis na nakalapit si Odessa kay Claudius at akmang sisipain niya ang Sangre ng biglang ginamit ni Claudius ang telekinesis power nito. Tumilapon sa dulo ng dalampasigan si Odessa pero nakuha nitong makatayo pa ring lumapag sa lupa.

Tumalon si Claudius at pinakawalan ang kapangyarihan niya para kontrolin ang pagkilos ni Odessa at gamitin ang Eskrihala laban sa kanya. Katulad ng inaasahan ay naramdaman na lamang ni Odessa ang malakas na puwersang biglang kumontrol sa kanyang katawan. Kahit na ano mang gawin niyang pagpupumiglas ay wala siyang magawa para kumawala dito.

"Napakadali mong talunin Odessa.  Napakahina mo." Biglang tumawa ng malakas si Claudius. "Isa kang malaking kahihiyan sa lahi ng mga diwata, lalo na sa mga mortal na umaasa sa'yo at lalo kang walang lugar sa mga Sangre!"

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon