Biglang nilukuban ng nakakasilaw na liwanag si Odessa hanggang sa puro liwanag na lamang ang kanyang nakikita. Sinalubong siya ng malakas na hangin na tila inililipad siya nito at hindi na makontrol ang katawan niya para pigilan ang nangyayari sa kanya.
Nakarinig siya ng mga papalakas na boses. Iba't-ibang boses ng mga taong maaaring may kaugnayan sa kanyang buhay. Hanggang isang mukha ng napakagandang babae ang bumungad sa kanya. Isang babae na nakasuot ng puti at mahabang damit na inililipad ng may kalakasang hangin. May mga luha sa mga mata nito at may sinasabi ang babae sa kanya na hindi niya maintindihan. Hawak ng babae ang iilang hibla ng kanyang alaala na inilalagay nito sa noo ng sanggol. Pagkalagay ng mga alaala ay doon niya naintindihan na ang babaeng iyon ay ang kanyang tunay na ina...
...si Reyna Baguinua.
Inilagay ni Reyna Baguinua ang iilan sa kanyang mga alaala sa kapapanganak pa lang na sanggol na babae na si Odessa para hindi niya ito makalimutan ang ina, lalo na ang napakagandang mukhang iyon na kanyang namamasdan. Mukha ng isang inang kayang isakripisyo maging ang sariling buhay para sa anak. Mukha ng isang dakilang ina na punong-puno ng pag-ibig para sa pinakamamahal na anak.
Pagpasok ng mga hibla sa kanyang noo ay tila may nagbukas ng pinto sa kanyang harapan at doon ay ang kanyang alaala.
Biglang nakita ni Odessa sa kanyang sarili sa mga pangyayari mula sa alaala ng kanyang ina kung saan nagsimula ang lahat:
Halos kapapanganak lamang sa kanya ng mga oras na iyon at itinakas siya ng kanyang ina sa kanyang ama na si Haring Khalil, ang kauna-unahang mortal na naging hari sa kaharian ng Elitheria sa isla ng Murcia.
Nais siyang patayin ng sarili niyang ama nang malamang ang sarili niyang anak ang magpapabagsak sa kanyang kaharian at papatay sa kanya. Nababaliw na raw ang hari, yan ang balita sa kaharian kaya nais niyang ipapatay at ipakain sa Sigbin ang kanyang kakapanganak pa lang na panganay na hindi pa nabibigyan ng pangalan ng mga sandaling iyon.
Inutusan ni Haring Khalil ang kanyang tapat na kawal na nakawin ang sanggol na si Odessa sa kanyang inang reyna habang ito ay natutulog. Dadalhin nila ang sanggol sa kagubatan para patayin at ipakain ito sa mga naglipanang mga sigbin roon.
Mabilis namang tumalima ang kawal at tinungo kaagad kung saan naroroon ang sanggol. Sa kuwarto sa may ikalawang tore ng palasyo naroroon at nagpapahinga ang kakapanganak lang na si Reyna Baguinua. Sa kabilang bahagi ng tore ay naroroon sa kanyang kuna ang mahimbing rin na natutulog ang sanggol na si Odessa.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...