Hawak pa rin ang tungkod ni Bathala ay patuloy pa rin sa paggalugad si Diyosang Tala sa masukal na kagubatan ng Ilaya. Makakapal ang mga naglalakihang mga puno na bumabaybay sa mga gilid ng mala-kristal sa linaw na tubig ng ilog.
Tila nagyayaya sa kanya ang napakalinaw na tubig para uminom at magtampisaw dito. Ngunit, hindi siya nakakasiguro kung ligtas siya sa panganib ng kagandahan nito dahil na rin sa mga engkantong tubig na maaaring nananahan sa ilog.
Muntik na rin siyang mapatay ng kanyang kapatid na si diyosang Bulan. Kung hindi dahil sa tulong ng tungkod ng kanyang amang si Bathala, nagawa niyang makatakas sa mga kamay ng kanyang malupit na kapatid. Hindi niya inakala na kayang patayin ni diyosang si Bulan ang kanilang sariling ama ng dahil lamang sa galit nito sa kanya.
Nais rin ni diyosang Bulan na palitan sa pamumuno si Amang Bathala upang magawa niya ang lahat ng kanyang kagustuhang kontrolin lahat ng nilalang sa sanlibutan.Noon pa man, batid na ni diyosang Tala ang pagtutol ni diyosang Bulan sa espesyal na turing ni Amang Bathala sa mga tao. Higit na pinapaboran ng kanilang ama ang mga tao na lalong nagpasidhi sa galit ni diyosang Bulan kay Bathala lalo na sa mga taong mortal na wala namang ginagawang masama sa kanya.
Minabuti ni diyosang Tala na magpahinga na muna mula sa halos ilang oras na ring paglalakad sa loob ng kagubatan. Hindi niya kabisado ang kagubatan ng Ilaya kaya pagkakataon na rin niyang pag-isipan ang kanyang mga susunod na hakbang upang mailigtas ang kanyang amang si Bathala bago pa man mahuli ang lahat.
Sa mga sandaling iyon ay halos maiyak siya sa kinahihinatnan ng kanyang ginawa. Kung hindi dahil sa kanya hindi dapat nasukol ni diyosang Bulan ang kanilang ama. Hinding-hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kapag tuluyang namatay ang kaniyang ama lalo na ang paghahari ni Bulan sa buong sanlibutan. Hindi rin niya alam kung mapapatawad pa siya ng kanyang ama pagkatapos ng kanyang ginawa sa kanya. Pero, tatanggapin niya kung ano mang parusa ang igagawad ni amang Bathala sa kanya kung saka-sakaling magawa niyang iligtas ito sa kamay ng kanyang kapatid.
Napatingin siya sa hawak na tungkod ng kanyang ama. Napanganga siya ng maalalang wala pang sino mang nilalang ang nakahawak nito ng hindi namamatay o di kaya naman ay malubhang nasasaktan. Tanging si Amang Bathala lamang ang nakakahawak nito na walang ano mang nangyayari sa kanya. Pero, kanina pa niya hawak ang tungkod ng ama at walang ano mang masama ang nangyari sa kanya. Mayroon bang ibig ipahiwatig si Amang Bathala sa kanya kaya nagamit niya ang tungkod nito?
Lalong nagkaroon ng dahilan si diyosang Tala na iligtas ang kanyang ama kahit itataya pa ang kanyang buhay. Tumayo siya sa kinauupuan at nasagi sa kanyang isipan ang babae na tinutukoy sa propesiya. Ang makapangyarihang babae na nagmula sa mundo ng mga tao ang makakapagligtas sa kanyang ama at lilipol sa napipintong paghahari ng kasamaan sa sanlibutan.
Nabuhayan ng loob si diyosang Tala. Pero hindi niya kilala ang babaeng tinutukoy sa propesiya. Kailangan niyang hanapin ang babaeng iyon para mailigtas ang buhay ng kanyang amang si Bathala. Pero saan? Paano? Saan siya magsisimula gayung ni hindi niya alam maging ang hitsura ng babae sa propesiya?
Kailangan ng simulan ni diyosang Tala ang paghahanap sa babae na siyang tinutukoy ng propesiya ng mga ermitanyong manggagaway ng Banahaw. Kailangan na niyang simulan ngayon ang paghahanap sa babae.
Gamit ang tungkod ni Bathala ay buong puwersa nitong ipinukpok ang bahaging puwitan ng tungkod sa lupa. Sa isang iglap ay isa-isang naglitawan mula sa lupa ang sanga-sangang maninipis na kidlat na pumalibot kay diyosang Tala at sa isang kisapmata ay tila may kung anong puwersa ang humigop sa kanya mula sa kalangitan at naglaho sa kanyang kinatatayuan.
-----------------------
Matiyagang naghihintay pa rin si Laurea sa tore ng palasyo na kung saan siya iniwan ni Anilaokan kanina. Hindi pa rin niya kayang pigilan ang kapangyarihang bumabalot sa kanya para maging sunod-sunuran kay Anilaokan. Malapit ng lumubog ang araw sa kanluran at wala pa rin ang pinuno ng mga itim na diwata.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...