"Diyosang Tala, mas makabubuting sumama ka na lang ng mapayapa para wala ng iba pang mapahamak sa paaralang ito!" ang matigas na wika ng isa sa mga mangagagaway kay diyosang Tala.Tila isang napakalaking insulto para kay diyosang Tala ang tinurang iyon ng manggagaway. Sino ba sa tingin ng nilalang na'to at ang lakas ng loob niyang inuutusan ang isang diyosa at anak pa ng pinakapinuno ng mga diyos ng sanlibutan. Nag-init ang mukha ni diyosang Tala sa galit pero nanatili pa ring mahinahon ito. Batid niya na kahit isa siyang diyosa at makapangyarihang nilalang ay maaari pa rin siyang talunin ng mga mangagaway lalo na't nag-iisa lamang siya para labanan ang mga ito.
Ang mga mangagaway ay kilalang mga spellcaster. Kaya nilang umatake at makapanakit kahit na mga diyos at diyosa sa pamamagitan ng kanilang mga dasal at mga sumpa. Gamit ang kapangyarihang itim na kanilang pinalawig sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasaliksik mula sa mga lumang aklatan ng lungsod ng Bal-san sa isla ng Labuad. Mga sinaunang aklat ng karunungang itim na matagal ng itinago ng mga sinaunang manggagaway at mangkukulam upang magamit sa pagpapalawig ng kanilang mga kapangyarihang itim. Sa kasaysayan ng ikatlong mundo ay marami na ring mga diyos at diyosa ang tuluyan nilang napatay dahil sa karunungang itim. Isa si diyosang Tala ang kanilang idadagdag sana sa listahang iyon ngunit inutusan lamang silang huluhin ng buhay ang diyosa.
Nakakuyom ang kanang kamao sa kanyang tagiliran ay isa-isang tinitigan ni diyosang Tala ang mga manggagaway. Habang ang kanyang kaliwang kamay ay nakahawak sa tungkod ng kanyang ama na nakatago sa suot nito. "Isang kalapastangan ang ginagawa ninyong pagsukol sa akin na hindi ko lubos mabatid kung ano ang kasalanang aking nagawa. Tila hindi na rin kayo marunong gumalang at rumespeto sa inyong diyosa?" ang wika ni diyosang Tala. Masasalamin sa kanyang makinis na mukha ang pangamba at takot sa kahihinatnan nito. Alam niyang ang kapatid niyang si Bulan ang may pakana kung bakit gusto siyang hulihin ng mga manggagaway.
Mga malulutong na halakhak ang tanging naging tugon ng tatlong manggagaway.
"Hindi ikaw ang aming diyosa, at kailan man hindi mangyayari iyon dahil iisa lamang ang aming sinasamba at binibigyan ng respeto. Iyon ay ang iyong kapatid na si diyosang Bulan." Ang malakas na tugon ng pinakamatanda sa tatlong manggagaway. Kulay abo ang suot nitong gulagulanit na mahabang damit. Nakabalabal sa kanya ang maitim na tela na yari sa mga hibla ng halamang Nuscia na nagmula pa sa mga kabundukan ng Balucuc sa isla ng Labuad. Alam ni diyosang Tala ang kapangyarihan ng balabal na suot ng manggagaway. Kapangyarihang kayang pumatay kahit na sa tulad niyang isang makapangyarihang diyosa.
Matangkad ang manggagaway na may balabal. Kayumanggi ang kulay ng kanyang balat at kapansin-pansin rito ang kulugo sa dulo ng kanyang ilong. Mahaba at tuwid ang hanggang bewang na buhok at may maninipis na kulay itim na labi. Marahil ito ang pinakapinuno ng dalawa pang babaeng manggagaway dahil na rin kung paano ito magsalita at umasta sa harapan ni diyosang Tala.
May hawak din itong tungkod na gawa sa kulay itim na kahoy na may nakaukit na sagradong nilalang na nakapulupot sa kabuuan nito. Isang bungo ng tao ang nasa pinakaulo ng tungkod na yari sa pulang kristal ang mga mata. Ito ang pinagkukuhanan ng lakas at kapangyarihan ng babaeng manggagaway.
Kung tutuusin ay may hitsura ang tatlong manggagaway sa harapan ni diyosang Tala. Kung hindi sa mga kasuotan ng mga ito ay hindi sila aakalain na mga kampon ng kasamaan.
Ang isa sa mga manggagaway ay may hawak na itim na bolang kristal na sinlaki ng kanyang kamao. Samantalang ang ikatlo sa mga ito ay may tattoo sa gitna ng kanyang noo na marka ng pinakamakapangyarihang manggagaway sa ikatlong mundo, ang mga Mangcucusi.
Kahit isang makapangyarihang diyosa, ay hindi pa rin maiwasang kabahan at mag-alala sa kanyang buhay si Tala. Sa buong buhay niya at sa dami na rin ng mga digmaang sinalihan niya para maipagtanggol ang ikatlong mundo at mundo ng mga tao ay hindi pa ito nagkaraoon ng pagkakataong makipaglaban sa mga manggagaway.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...