Chapter 10: PILUNLUALAN (MYSTIC TUNNEL)

720 46 10
                                    

Bata pa ang haring araw nang sinimulan nina Odessa at Danum ang paglalakbay sa karagatan ng Andaleña. Sakay sila ni Merbatua, ang alagang pawikan ni Danum na sinlaki ng isang isla. Ito rin ang parehong nilalang ng matagpuan si Odessa ni Danum ilang araw na ang nakakalipas.

Patungo sila sa isla ng Dalangan kung saan matatagpuan ang pinakamalapit na Pilunlualan o mga mahiwagang lagusan.

"Hindi ba ikaw ang Diyos ng tubig? Bakit hindi mo na lang gamitin ang kapangyarihan mo para bumilis ang paglalakbay natin?" Ang tanong ng naiinip na si Odessa.

"Odessa, marami ka pang hindi naiintindihan at nalalaman sa ikatlong mundo." Ngumiti si Danum at naupo sa gilid na bahagi ng talukap ng dambuhalang pawikan at saka hinayaan nitong mabasa ng tubig ang kanyang mga paa. Sa isang iglap ay naging kulay ng pinakamalalim na karagatan ang balat ni Danum. "Hindi porke't ako ang tagapamahala ng tubig ay kontrolado ko na ang lahat ng bahagi sa mundong ito na may tubig. Pagdating natin sa Dalangan ay hindi ko na kontrolado ang bahaging iyon ng mundo. Doon kita tuturuan kung paano mahahanap ang pinakamalapit na Pilunlualan..."

"Pilun..."

"Pilunlualan, tawag namin sa mahiwagang lagusan o Portal patungo sa ibang mundo o lugar." Ang mabilis na tugon ni Danum. "Ang ating mundo ay napupuno ng mga napakaraming lagusan na nagsisilbing pinakamabilis na daanan ng mga diyos at diyosa sa iba't-ibang bahagi ng mundo noong mga unang panahon na kakaunti pa lamang ang mga tao. Personal kasi ang pakikisalamuha ng mga diyos at diyosa sa mga tao para pangalagaan sila lalo na sa mga nagbabadyang mga panganib at sakuna." Ang kuwento ni Danum kay Odessa.

"Paano malalaman na ang isang lagusan ay siguradong patungo ito sa gusto mong puntahan?" Ang tanong ni Odessa.

"Magandang katanungan Odessa, malalaman natin mamaya kung may kakayahan ka nga makahanap at makagawa ng mga lagusan pagdating natin sa isla ng Dalangan dahil kapag may kakayahan ka ng makakita ng lagusan ay makikita mo kaagad kung saan ito papunta. Para itong malaking salamin na hindi ang sarili mong repleksiyon ang makikita kundi ang sa kabilang mundo."

"Ha? Ang ibig mong sabihin hindi sigurado na makakahanap ako at makakagawa ng mga lagusan? Hindi ba iyon isang kakayahan na puwede kong mamana sa aking magulang na isang diwata?" Ang medyo nalungkot na wika ni Odessa.

"Hi...hindi naman sa ganon Odessa. Malaki ang posibilidad na namana mo ang kakayahan mong iyon sa iyong magulang, pero baka hindi pa handa ang kakayahan mo para makagawa at makakita ng mga pilunlualan." Ang malungkot na tugon din ni Danum.

"Anong ibig mong sabihing hindi pa handa?"

"Kadalasan kasi kusang dumarating ang kakayahan na yan sa isang diwata kapag ito ay handa na. Lalo na sa iyong sitwasyon mo na may tatlong klase ng dugo ang nananalaytay sa iyong katawan. Ang dugo ng mortal ang pumipigil sa mga kapangyarihan na yan. Pero ang pagkakaroon mo ng dugo ng mortal ang dahilan kung bakit isa kang mabuting nilalang ng May-kapal." Ang paliwanag ni Danum bilang tugon sa katanungan ni Odessa.

Tumango lamang si Odessa at pilit na itinago ang kanyang pagkadismaya. Paano kung hindi siya natutong gumawa at magbukas ng Pilunlualan? Hindi na siya makakabalik pa sa piling ng kanyang mga kaibigan at sa kanyang kasintahan na si Randy.

"Diyos ng Danum, nais kong ipagpatuloy ninyo ang kuwento mo tungkol sa mga lagusan, kung paano ito nagsimula." Ang pakiusap niya sa diyos ng tubig.

Tumingin si Danum kay Odessa. Nababasa nito ang kalungkutan sa mga mata ng babaeng Sangre. Kalungkutang sanhi ng pagkadismaya nito sa kanyang natuklasan na hindi sigurado na matututunan niya ang paggawa at makahanap ng pilunlualan.

"Ang mga pilunlualan ay nilikha ni Gabun, ang diyos ng lupa. Siya si Gaia para sa mga Griyego, ang pinakamatandang diyos sa mundo. Ito rin ang dahilan kung bakit wala kang makikitang mga pilunlualan sa mga katubigan. Nakatira si Gabun sa kaharian ng Labuad isang napakalayong isla sa ikatlong mundo. Mahilig sa paglalakbay si Gabun sa mga lupaing kanyang nasasakupan. Malungkot si Gabun lalo na't wala siyang nakikitang tulad niya sa mundong kanyang pinaghaharian. Makailang ulit siyang humingi ng kasintahan sa Diyos na may lalang ng lahat, ang Diyos na tinatawag nilang May-kapal. Isang araw sa kanyang paglalakbay gamit ang unang pilunlualan na kanyang nilikha ay nakarating siya sa lugar na kung saan nangangalit ang isang Bulkan. Hindi niya inaakala na manganganib ang buhay niya roon dahil sa paglusob ng mga nilàlang na apoy na gustong-gusto siyang kainin. Pero nagulat si Gabun ng isang makisig na lalake ang nagligtas sa kanya. Hindi siya makapaniwala na ipinagkaloob ng Diyos na Maykapal ang kanyang kahilingan." Ang kuwento ni Danum tungkol sa pinagmulan ng pilunlualan.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon