Nakakailang hakbang pa lamang si Odessa pagpasok niya sa Pilunlualan ng bigla itong makaramdam ng napakalakas na pagyanig. Wala siyang mahawakan sa palivid at hindi niya maihakbang ang kanyang mga paa dahil sa lakas ng paggalaw ng lupa. Ibinuka niya ang kanyang mga paa at ibinaluktot ang kanyang mga tuhod para ibalanse ang kanyang katawan upang maiwasang bumagsak sa sahig ng Pilunlualan. Nakaramdam ng sobrang takot si Odessa dahil sa nangyayaring pagyanig. Kailangan niyang makalabas sa lagusan bago ito tuluyang magsara, kundi ay maiipit siya dito at magiging dahilan ng malagim niyang kamatayan.
Tuluyan ng nawawala ang balanse ng tatlong mundo dahil sa pagkawala ni Bathala. Unang mawawasak ang Sansinukop dahil nakapagitan ito sa dalawang mundo; ang Kalangitan at ang Sinukluban. Magbabanggahan ang dalawang mundo at maiipit sa gitna ang mundo ng mga tao. Kailangan na niyang bilisin ang pagkilos bago pa man tuluyang mawasak ang mundong kumalinga sa kanya. Sinubukang kumilos patungo sa dulo ng Pilunlualan ni Odessa, ngunit sa di inaasahan ay biglang nawala ang liwanag at bumalot ang kadiliman sa lagusang tinatahak niya. Gumapang ang matinding takot sa kanya ng mapagtanto niyang nagsasara na nga ang Pilunlualan at mapipisak siya kapag hindi siya nakagawa ng paraan para makaalis dito. Pero paano pa siya makakalabas sa Pilunlualan kung nagsara na ang labasan maging ang pinasukan niyang bahagi nito?
Hindi malaman ni Odessa kung ano ang kanyang gagawin. Paano niya malulusutan ang Pilunlualan na unti-unti ng sumisikip?
"Hindi sa lugar na ito ka mamamatay lang Odessa, hindi sa ganitong pagkakataon..." ang sabi nito sa sarili at saka huminga ng malalim. " ..hindi ka mamamatay dito Odessa, maraming umaasa sa'yo. Kailangan ka nila para mailigtas sila kaya hindi ka mamamatay." ang muling sabi nito sa sarili.
Kailangang makaisip ng mabilis na paraan si Odessa para matakasan niya ang kamatayang maipit sa loob ng Pilanlualan. Sa pagkakataong ito ay walang makakatulong sa kanya kundi ang kanyang sarili. Sa loob lamang ng ilang minuto ay tuluyan ng magsasara ang buong lagusan. Huminga siya ng malalim at saka ipinikit ang kanyang mga mata. Dinig na dinig niya ang mga malulutong na tunog ng mga bato na tila ginigiling isa-isa sa gilingan. Sa pagkakataong iyon unti-unti ng tumitila ang mga pagyanig sa paligid.
Patuloy sa pagconcentrate si Odessa para makaisip ng paraan upang makaalis sa loob ng nagsasarang Pilunlualan. Ramdam niya ang unti-unting pagbaba ng pinakakisame ng lagusan sa kanyang ulo na lalong nagbigay ng takot at pangamba sa kanya.
"...Odessa kailangan mong mag-isip..."
Lalong bumibigat ang mga paghinga niya habang pababa ng pababa ang pinakakisame ng lagusan sa kanya. Sa pagkakataong ito ay kailangan na niyang iyuko ang kanyang ulo.
"...tama. tama baka sakaling uubra. Ito lang ang tanging paraan..." ang muling sabi ni Odessa sa kanyang isip.
Nagsimulang umusal ng mga dasal si Odessa. Mas mabibilis ang kanyang mga salita at kumpas ng kamay habang bumibilis din ang pagsikip ng lagusan. Pababa ng pababa hanggang kailangan na nitong tumayo ng nakaluhod sa napakadilim na lagusan. Pababa ng pababa pero wala pa ring Pilunlualan ang bumubukas para makaalis na siya sa lagusang iyon. May mabubuksan pa kaya siyang Pilunlualan sa loob mismo ng nagsasarang Pilunlualan?
---------------------
Naglalakad na si Caren paakyat sa kalsada nang mapadako ang kanyang tingin sa tila pagkabulabog ng mga ibon sa mga sanga ng mga puno. Pagkatapos ay biglang nag-uunahan sa pag-ahon ang mga naglalakihang mga daga at napakakapal na mga ipis mula sa maruming ilog. Natigilan si Caren pagkakita sa kakaibang pangyayari at minasdan ang buong paligid. Pinakiramdaman niya ang katahimikan ng buong paligid at doon niya napagtanto ang tila tunog ng mga daan-daang nagtatakbuang kabayo mula sa ilalim ng lupa. Hindi iyon maintindihan ni Caren at wala siyang ideya sa kanyang naririnig. Pero iisa lamang ang nararamdaman niya sa kanyang naririnig...kundi isang napakalaking panganib.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...