Halos manginig ang mga tuhod ni Caren pagkakita sa napakaraming mga nilalang ng kadiliman ang unti-unting lumalapit papunta sa kinaroroonan nilang simbahan ng Barasoain. Hindi niya inaasahan ang ganitong pangyayari na kahit sa kanyang panaginip ay hindi pa naranasan. Nais niyang gumising na sa bangungot na ito at muling balikan ang buhay niya bilang isang pulis Maynila.
Ngayon ay nasa harapan nila ang napakalaking halimaw na aso na nakakatakot ang hitsura. Nagkalat na rin sa paligid ang mga iba't-ibang mga nilalang ng kadiliman na sabik na sabik sa sariwang laman at dugo ng tao. Ganito ba talaga magugunaw ang mundo? Hahayaan ba ng diyos na ganito ang kahihinatnan ng tao sa kamay ng mga nilalang ng kadiliman? Bumunting hininga siya at bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala hindi lang sa kanyang buhay pati na rin sa mga taong itinuring na niyang kapamilya.
Nakangisngis at naglalaway sa kanilang harapan ang Mamulang. Tila pinag-aaralan nito ang kanilang mga kilos at susunod na gagawin kaya nananatili itong nakamasid sa kanilang dalawa ni Demetria. Bumungisngis din ang mga aswang sa tabi ng Mamulang at nakahanda na rin sa kanilang pag-atake.
Lumundag sa harapan ni Caren ang isang lalakeng aswang. Nakailag si Caren, kasabay ng pagbunot nito sa kanyang baril. Pinaputukan niya ang lalakeng aswang at sapul nito ang pagitan ng kanyang mga mata. Tumilamsik ang maitim na dugo mula sa ulo nito at wala ng buhay itong bumagsak sa konkretong kalsada.
Sunud-sunod na sumungab ang mga aswang kay Caren pero mabilis sa paggamit ng baril ang dalaga, kaya hindi makuhang makalapit ng mga anak ng buwan sa kanya.
Ang asong Mamulang naman ang pinagtuunan ng pansin ni Demetria. Maliliksi ang mga kikos ng dambuhalang aso kahit na sa laki nito. Walang gamit na armas si Demetria maliban lamang sa mga matutulis nitong mga kuko na kayang pumunit ng mga nagkakapalang mga balat at laman. Nagpalit siya ng anyo bilang isang puting kuwago at sinimulan ang pag-atake sa dambuhalang aso. Amoy na amoy niya ang nakakasulasok na amoy ng nabubulok na laman sa hininga ng aso. Batid din ni Demetria ang lason sa mga ngipin at laway nito, kaya maingat siya sa bawat pagkilos sa pakikipaglaban sa dambuhalang aso.
Mabilis na ikinasa ni Caren ang kanyang. 38 pistol na baril at saka ipinutok sa lumilipad na wakwak sa himpapawid na akmang aatake sa kanya. Takbo rito takbo roon ang kanyang ginagawa at nakikipagsabayan sa mga mabibilis na mga nilalang ng dilim. Kailangan walang kahit na isang aswang ang makakapasok sa simbahan na kung saan naroroon ang halos tatlong daang katao na takot na takot sa mga nangyayari. Lalo na't naroroon din sina Margaux at Adrian na napamahal na sa kanya. Si Alex at si Mexo na sila ang poprotekta sa kanila kung saka-sakaling may makalusot na aswang sa kanilang dalawa ni Demetria. Walang kapangyarihan ang dalawang lalake kaya sila ang inatasan sa loob ng simbahan. Naroroon din sa paligid si Sagaway para sumuporta sa dalawang binata.
Sinubukang targetin ni Demetria ang mga mata ng asong Mamulang sa pamamagitan ng pagkalmot sa mga mata ng halimaw. Pero hindi madali para sa kanya para gawin iyon dahil mabibilis din sa mga kilos ang aso. Matatalim ang mga ngipin nito na ilang ulit na ring muntikan ng masakmal si Demetria.
Lumapag si Demetria sa konkretong kalsada at nagpalit kaagad ng anyo. Unti-unting humaba ang mga pangil nito sa kanyang bibig kasabay rin ng paghaba ng mga kuko nito sa mga daliri. Buong puwersa siyang lumundag at pumailanlang siya sa himpapawid para atakihin ang dambuhalang aso, pero hindi niya inaasahan ang buntot nito na sumalubong sa kanya.
"Aaahhhhh!!! "
Parang kumawala lahat ng hangin sa loob ng sikmura ni Demetria sa kanyang pagtilapon sa poste ng kuryente. Namilipit siya sa sakit pagbagsak niya konkretong kalsada.
Mula sa himpapawid ay nakikipaglaban na rin si Alimog sa mga nagliliparang mga wakwak at manananggal. Kumpol-kumpol na nagliliparang mga anak ng buwan ang umaatake sa kanya habang nakamasid lamang ang maitim na buwitreng si Kalufai. Nagmamatyag at naghihintay ng pagkakataong umatake sa malakat na si Alimog.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...