Chapter 53: DIYOSANG BULAN

435 24 7
                                    

Sa tore ng palasyo sa kaharian ng Kalangitan ay nakangiting minamasdan ni Bathala ang kanyang nasasakupan. Ilang daang taon na rin naging payapa ang buong kaharian at naging tahimik ang pamumuhay ng mga diyos at diyosa sa kanilang mga tahanan. Naging malaya ang mga kalakalan sa mga daungan sa himpapawid at mga ilog.

Langhap na langhap niya ang amoy ng ulan na ilang araw na ring bumubuhos sa makakapal na kagubatan. Hawak ang kanyang tungkod ay magiliw niya itong inihagis sa himpapawid at saka mabilis na lumundag mula sa tore. Bumulusok pabagsak si Bathala kasabay ng pagsalo sa kanya ng isang Bakunawa na lumalagutok ang bawat hibla ng kuryente sa katawan nito. Ito ang tinatawag niyang Lintik na kani-kanina lamang ay ang inihagis nitong tungkod mula sa tore ng kanyang palasyo. Siya lamang ang nakakaalam sa pangalan ng kanyang tungkod dahil iniingatan niyang may makaalam na iba sa pangalan nito. Lubhang napakapanganib para sa buong Sanlibutan na malaman ang pangalan ng kanyang tungkod lalo na sa may mga masasamang balak at kakayahang maghasik ng kasamaan. Tanging siya lamang ang may kontrol sa Lintik at sino man ang humawak nito ay kamatayan and dulot nito maliban lamang sa mga anak niya na may dugong nananalaytay sa kanilang mga ugat. Pero dahil maging ang mga anak niya ay hindi batid ang pangalan ng tungkod ni Bathala kaya limitadong kapangyarihan lamang ang nagagamit nila sa Lintik.

Pumailanlang sa himpapawid ang Bakunawa na sakay si Bathala. Sumasalubong sa kanila ang mga hanging pinakakawalan ni Habagat na may mga dalang mga ulan na pumawi na ng labis sa uhaw ng mga makakapal na puno sa mga kagubatan. Matagal-tagal na rin ang pinakahuling ulan kaya magsisimula na ring tumubo ang mga halaman sa mga kabundukan at umusbong ang mga iba't-ibang kulay ng mga dahon sa mga naglalakihan at nagtatayugang mga puno. Ngayon ay pahihintuin na ni Bathala ang ilang araw na ring pag-uulan kaya hudyat na para kay Habagat ang paglipad ni Bathala sa kalawakan. Si Habagat ang diyos ng hanging nagmumula sa Timog-Silangan. Kakambal niya si Amihan na tagapagdala naman ng malalamig na hangin sa Sanlibutan. Madalas ay hindi nakikialam ang kambal sa mga away ng mga diyos at diyosa sa Sanlibutan lalo na sa mga digmaan. Wala silang pinapanigan kay Bathala man o sa mga kalaban nitong nagnanais na patalsikin siya sa kanyang trono.

Pangkaraniwan na sa Kalangitan ang tanawing nakikita ng mga mamamayan na rumoronda si Bathala gamit ang Bakunawang nababalutan ng mga kuryente. Ito ang paraan ni Bathala na makita ang kanyang buong nasasakupan at matiyak na ligtas ang kabuuan nito sa mga gustong umagaw sa kanyang nasasakupan. Kampante si Bathala na hangga't nasa kamay niya ang Lintik ay hindi maaagaw sa kanya ang pamumuno sa Kalangitan.

Sakay ng lintik ay pabulusok nitong tinungo ang mahiwagang bukal ng Manuyangen. Halos sumayad ang katawan ng bakunawa sa malinis na tubig ng bukal at pilit na iniabot ni Bathala ang kamay nito sa tubig upang isalok ang kanyang kamay para makakuha ng tubig. Pagkasalok sa tubig ay kaagad na tinikman ang napakasarap at malamig na tubig ng bukal. Pumailanlang sa kalawakan ang bakunawa at ikinumpas ni Bathala ang kanyang mga kamay sa himpapawid. Tila banig na kusang tumiklop ang mga maiitim na ulap sa kalangitan at napalitan iyon ng napakaaliwalas na panahon.

Bumulusok sa paglipad padausdos sa mga makakapal na dahon ng mga puno sa kagubatan ang Bakunawa. Dumaan ito sa mga pagitan ng mga naglalakihang mga katawan ng mga nagtatayugang mga puno na kusang bumabaluktot upang bigyang daan ang paglipad ng Lintik. Tila isang napakalaking ahas na lumilingkis sa mga naglalakihang mga puno na kanyang nadadaanan. Pagdating sa bangin ay tanaw na tanaw ni Bathala ang napakagandang talon na kung saan ibinabagsak nito ang malamig at napakalinaw na tubig sa ilog. Naging maingat at marahan ang paglipad ng Bakunawa habang papalapit sa talon.
Lumundag si Bathala mula sa Bakunawa at tila sinalo siya ng hangin na marahang lumapag ang kanyang mga paa sa napakalaking bato. Tumingala si Bathala sa Bakunawa at itinaas nito ang kanyang kanang kamay. Sa isang iglap ay naging mga hibla ng kuryente ang Bakunawa na tila hinihigop ng nakataas na kamay ni Bathala. Muli ay naging tungkod ang kanina'y nilalang na Bakunawa, ang tungkod na tinatawag niyang Lintik.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon