Chapter 33: THE ELEMENTAL WORLD

543 34 2
                                    

"Banaual..." ang salitang namutawi sa bibig ni diyosang bulan ng malanghap ang amoy ng bulaklak ng Myrho sa paligid. "pero imposible..." ang sabi ng isip niya. Lumingon-lingon sa paligid si diyosang Bulan na tila may hinahanap. Iginala niya ang kanyang mga mata at muling pinakiramdaman ang kabuuan ng tore. Nang makasigurong siya lamang ang naroroon ay huminga ito ng malalim at inalis na sa kanyang isipan na mayroong ibang nilalang ang naroroon. Lalo na ang kanyang kapatid sa ama na si Banaual.

Muli ay tumingin ang diyosa sa walang malay pa rin nitong ama na halos mangitim na ang mukha dahil sa pagkalat ng lason sa katawan nito. Nag-iwan ito ng makahulugang ngiti bago niya tinawag ang kanyang alagang Bakunawa.

Doon lamang nakahinga ng maluwag sina Odessa at Randy ng masigurong hindi sila nakikita ng diyosa ng buwan.

Ilang saglit lang ay narinig nila ang malalakas na pagaspas ng mga pakpak na nagmumula sa mga naglalakihang mga puno paligid ng kastilyo. Mula sa mga mayayabong na mga puno ay iniluwa nito ang dambuhalang Bakunawa na animo'y isang ahas tubig na lumalangoy sa himpapawid.

Napanganga ang dalawa dahil sa pagkamangha sa kulay dagat na dambuhalang nilalang na ilang metro lamang ang layo sa kanila. Pagkalapag nito sa tore ay dahan-dahan nitong ibinaba ang napakalaking ulo na may napakahabang kulay puting balbas na nilalaro-laro ng hangin sa magkabilang dulo ng kanyang mukha. Napakaganda ng nilalang na ito lalo na kapag tumatama ang sikat ng araw sa mga makikintab na kaliskis sa katawan. Naalala ni Randy ang nakalaban nilang minokawa sa bulkang Pinatubo pero nalungkot ito ng maalala ang sinapit ni Calisha, ang matalik na kaibigan ni Odessa.

Mabilis na sumakay mula sa ulo ng bakunawa ang diyosa. Muli itong tumingin sa kinaroroonan ng dalawa at saka nag-iwan din ito ng makahulugang ngiti kay Odessa kasabay  ng pagturo nito sa kanyang hintuturo. Biglang nag-iwan iyon ng palaisipan kay Odessa. Maaaring hindi sila nakikita ni diyosang Bulan pero narardaman niya ang kanilang presensya sa paligid.

"Tara na, lipad pinakamamahal kong alipin!" ang utos ni diyosang Bulan sa Bakunawa.

Tumayo ang Bakunawa mula sa kanyang maiikling dalawang pares na paa at saka iwinasiwas ang mahaba nitong buntot bago mapwersang bumulusok paakyat sa dumidilim na kalangitan.

Nakatingin pa rin si diyosang Bulan kina Odessa at Randy na tila alam nitong naroroon sila at nakamasid sa kanya.

Minasdan nila ang paglipad ng Bakunawa papalayo sa toreng kinaroroonan nila at muli nilang nilapitan si Bathala.

Naguguluhan ang isipan ni Randy dahil nag-aaway sa kanyang diwa ang katauhan ni Banaual at ng kanya. Kahit labag sa kanyang kalooban ay hinayaan na lamang niyang sundin ng isip niya si Banaual lalo na't sa sitwasyon ni Bathala na kanyang ama.

Muli ay dinala sila ng kanilang diwa sa lugar na hindi pamilyar sa kanila. Namangha sila sa kagandahan ng ikatlong mundo. Mga malalawak at makakapal na mga puno sa kagubatan na makikita ang mga sanga-sangang mga ilog na dinadaluyan ng napakalinis na tubig tabang. Ang mga nagtataasang mga kabundukan na tinitirhan ng mga kakaibang nilalang mula sa lupain at himpapawid nito ay kani-kanyang paraan para makahanap ng pagkain sa lupa, tubig o himpapawid. Mga kagubatang pinamumugaran ng mga sari-saring mga hayop at mababangis na nilalang na sinusuyod ang bawat bahagi ng kagubatan para sa paghahanap ng kanilang mga makakain.

Sa kagubatan ng mga islang bumubuo sa ikatlong mundo ay sari-saring mga kuweba at lagusan na pinanahanan ng mga kinatatakutang mga nilalang kaya iniiwasan lahat ng mga elemental na nakatira sa paligid.

Pumaimbabaw sa napakataas na bahagi ng ikatlong mundo ang dalawa at kitang-kita ang mga napakaraming isla na tila ikinalat sa kalawakan ng karagatan. Sa Mga naglalakihang mga pulo ay makikita ang mga pamayanan na sakop ng iba't-ibang kaharian. Bawat pamayanan ay may mga palengke, liwasan at mga pantalan na kung saan nakadaong ang mga naglalakihang mga sasakyang pandagat. Sa pinakagitna ng pamayanan ay ang pinaka sentro nito na kapansin-pansin ang mga napakaganda at engrandeng mga palasyo at kastilyo. Pakiramdam ni Randy ay bumalik siya sa panahon ng mga hari at reyna na madalas ay napapanood lamang niya sa mga Hollywood na pelikula.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon