"Odessa!" Ang dumadagundong na boses ni Quebaluan sa kanya na kasalukuyang nagmemeditate habang nakalutang sa ibabaw ng malinis na tubig ng isang bukal.
Dahan-dahang dumilat si Odessa. Huminga siya ng malalim at saka tumayo sa ibabaw ng tubig. Yumuko ito at nagbigay pugay sa diyos ng mga puno na naghihintay sa kanya sa pampang ng bukal.
"Mahal na Quebaluan, ano po ang inyong sadya?" ang tanong ni Odessa habang nakalutang pa rin ito sa ibabaw ng tubig.
Lumapit si Quebaluan kay Odessa at mariing tumitig ito sa dalaga. "Naghihintay na sa iyo si Danum at si Sakaya. Oras na para ika'y humayo na." ang sagot ni Quebaluan sa kanya.
Nagsimulang maglakad si Odessa sa ibabaw ng tubig papunta sa pampang. Mayayabong ang mga damo at mga pako sa gilid ng bukal na kung saan naroroon ang mga sapin sa paa ni Odessa. Pagdating sa pampang ay kaagad na isinuot ni Odessa ang kanyang mga sapatos at agad namang sumunod si Quebaluan sa kanya patungo sa loob ng dambuhalang puno.
Mabilis na tinungo nila ni Odessa at Quebaluan ang lagusan ng dambuhalang puno at mula roon ay tanaw niya sa kabilang bahagi ng bangin sina Sakaya at ang diyos ng tubig na si Danum. Tumingin si Odessa kay Quebaluan at hinawakan nito ang mahahaba't payat na daliri nito. Ngumiti si Odessa sa kanya.
"Salamat..."
Tumango si Quebaluan at sinuklian din niya ng matamis na ngiti si Odessa.
"Natutuwa ako Odessa at nahanap mo na ang iyong sarili. Ngayon pa lang ay alam kong magtatagumpay ka tulad ng sinasabi sa propesiya." ang natutuwang wika ni Quebaluan kay Odessa.
Tila hindi naman natuwa si Odessa sa sinabi ni Quebaluan sa kanya. Takot ang naramdaman niya base na rin sa nakita niya sa propesiya. Hindi na rin niya alam kung magagawa pa ito lalo na't alam niyang siya ang magiging dahilan ng katapusan ng sanlibutan.
Si Behemot, si Behemot na nagpakilalang kanyang tunay na ama. Ang diyos ng kasamaan. Ang diyos ng kamatayan. Hindi niya iyon matatanggap. Alam niyang nililinlang lamang siya nito at hindi dapat siya maniniwala sa kanya. Hindi siya dapat kailangang maapektuhan sa mga sinabi ni Behemot sa kanya. Maaring paraan lamang niya ito para guluhin ang isip niya para hindi matupad ang sinasabi sa propesiya. Ngayon pang unti-unti pa ring lumalakas ang kanyang kapangyarihan. Kailangan niyang magpakatatag at gawin ang nararapat. Ang propesiya ay propesiya lamang, at hindi siya maaaring diktahan nito dahil siya ang gumagawa sa kanyang kapalaran.
Muli ay nagbigay pugay si Odessa kay Quebaluan sa ginawang pagtanggap at pagtulong nito sa kanya. Sinuklian din ng pagbibigay-galang ni Quebaluan ang pagpupugay sa kanya ni Odessa.
"Paalam, sa muling pagkikita..." ang pamamaalam ni Odessa kay Quebaluan na may ngiti sa kanyang mga labi.
Mula sa mga payat na kamay ni Quebaluan ay may iniabot itong nakabalot na gawa sa katawan ng isang puno. Malugod namang tinanggap iyon ni Odessa at marahang binuksan iyon para makita ang laman. Pagkakita ni Odessa sa laman nito ay ngumiti ito kay Quebaluan at nagpasalamat ng buong puso sa diyos ng mga puno. Alam ni Odessa na malaki ang maitutulong ng mga buto ng Pungkanto sa kaniyang magiging papel sa propesiya.
"...sa muling pagkikita, dakilang Odessa! Humayo ka na at hinihintay ka na ng iyong mga kaibigan!" ang masayang tugon ni Quebaluan at iniyuko ang kanyang ulo kay Odessa.
Tumalikod na si Odessa at ipinikit ang kanyang mga mata. Kitang-kita niya kung gaano kalalim ng banging kinatatayuan niya at malaya niyang inihulog ang kanyang katawan dito. Bumulusok siya sa kanyang pagbagsak pababa ng bangin at ng buksan niya ang kanyang mga mata ay bumulusok na siya paakyat sa himpapawid bilang isang ibong Baguisan na kilala rin sa tawag na Dragon Phoenix.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...