Sa pagdating ng mga sasakyang militar ay kaagad na nagbigay ng makakain ang mga sundalo sa mga tao. May mga kasama rin ang mga ito na iilang mga doktor para tingnan ang kalagayan at kalusugan ng mahigit sa isang-daang mamamayan na hapong-hapo na rin sa haba ng nilakad. Tatlo sa mga babaeng doktor ang kumukuha ng dugo sa mga ito para makasiguro na wala sa kanila ang nahawaan ng mga anak ng buwan o nilalang ng kadiliman.
Laking pasasalamat naman nina Odessa na wala pa sa mga kasama nilang mga tao ang nagsusumbong sa mga sundalo tungkol sa katauhan nila. Pero ang nagiging problema nila ngayon ay kung anong gagawin nilang dahilan para makaiwas silang hindi makuhanan ng dugo ng mga babaeng doktor.
Ipinatawag ni Odessa ang mga kasama nila at nagusap-usap ng patago sa ilalim ng mga di kalakihang mga puno sa paligid ng Cultural Center of the Philippines Complex para mapagplanuhan kung ano ang kanilang gagawin upang maiwasang malaman ng mga miltar ang kanilang pagkatao. Ayaw nilang makapanakit pa ng tao lalo na ang kaguluhan na puwedeng makapagpahamak pa sa mga taong matagal ng nakaranas ng sobrang takot at hinagpis simula ng lumusob ang mga anak ng Buwan. Kaya kailangan nilang maging maingat at mapagmasid sa lahat ng posibleng mangyari kung saka-sakaling may magsumbong sa mga militar na isa sila sa mga anak ng buwan.
"Nasaan ba si Caren?" Ang tanong ni Demetria kay Ceasar habang nakamasid sa mga grupo ng mga sundalong nagpapatrol sa paligid ng CCP Complex.
"Kanina ko pa siya ipinahahanap sa isa sa mga kasama, hindi nila ito makita." ang tugon ni Ceasar kay Demetria.
"Hindi naman kaya kasama niya si Fr. Mexo sa loob ng CCP theater at tumutulong sa mga doktor sa kanilang mga pasyente?" ang biglang sabi ni Randy sa dalawang kasama.
"Hindi eh, galing na ako kanina sa loob, tanging si Fr. Mexo lamang naroroon kasama yung Opisyal na sundalo na si Lt. Eilbert Samartino." ang mabilis na sagot naman ni Ceasar kay Randy.
"Hayaan na muna natin siya. Baka nandiyan lang siya sa paligid, sasabihan na lang natin siya kung ano ang magiging mapagkakasunduan natin sa pagpupulong ngayon." Ang wika naman ni Odessa sa mga kasama.
Tumango naman sina Demetria, Randy at Ceasar sa tinurang iyon ni Odessa. "Ano sa tingin ninyo ang magandang gawin para maiwasan nilang malaman na kauri natin ang mga anak ng buwan na dahilan ng kanilang paghihirap ngayon?" ang tanong ni Odessa.
Napaisip ang mga kasama ni Odessa sa kanyang tanong. Lalo na ay iniiwasan nilang malaman ng mga sundalo kung anong nilalang sila. Hindi lahat kasi ng mga taong nakasama nila ay natutuwa sa kanila kahit na ilang ulit na rin nila itong nailigtas sa kamay ng mga alagad ng kadiliman. Mabuti na rin na makapaghanda para kung ano man ang mangyari, masama man o mabuti ay nakahanda pa rin sila.
"Ang sa akin, Odessa ay sinabihan ko na ang mga kasamahan ko na kailangang isa-isa silang hihiwalay sa grupo para hindi ito basta-basta mapapansin ng mga sundalo na umaalis ang mga kasamahan kong taong-lobo. Pagkatapos ay magtitipon-tipon kami sa iisang lugar para magkakasama muli." ang pagbabahagi naman ni Ceasar sa kaniyang ginawa para umiwas sa mga mata ng mga sundalo.
"Pero hindi natin basta-basta maiiwanan ang mga taong ito ng ganun-ganun lang mga kasama. Nakita na natin kung gaano kabilis nalipol ang mga tao sa buong mundo ng mga anak ng buwan. Hindi na rin natin alam kung gaano na lang karami ang natitirang mga tao dito sa Pilipinas. Kung iiwan natin sila sa ganitong sitwasyon, sino ang tutulong sa kanila?" Ang sabi naman ni Demetria.
"Tama si Demetria. Hindi natin sila iiwanan bagkus ay magiging tagaprotekta tayo ng mga natitirang lahi ng mga tao dito sa Pilipinas." ang pagsang-ayon ni Odessa. " Pero, mga kasama..." biglang nag-iba ang tono ni Odessa. Tumingin ang lahat sa kanya upang pakinggan ang ibig nitong sabihin sa kanila. "...tulad ng napag-usapan natin kahapon, kailangan kong tapusin ang puno't-dulo ng pinagmulan ng kaguluhang ito. Kailangan kong tuparin ang sinasabi ng propesiya tungkol sa akin, tungkol sa pagpigil sa paglaganap ng lagim ng mga anak ng buwan at paghahari nito hindi lamang dito sa mundo ng mga tao maging sa ikatlong mundo at ng kalangitan." ang malungkot na paliwanag ni Odessa. Hinawakan naman ni Randy ang kamay ng kasintahan at saka pinisil iyon. Tinitigan naman ni Odessa ang mga mata ni Randy at saka pinilit na ngumiti.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...