Chapter 3: A WEREWOLVES NIGHT

962 38 9
                                    

Madilim sa loob ng gusali na kung saan nagpapahinga na ang mga taong sumisilong sa Santuaryo. Tanging mga ilaw na nanggagaling lamang sa mga kandila ang nagbibigay ng mumunting liwanag sa paligid. Mainit ang loob ng gusali dahil na rin sa init ng mga katawang nagsisiksikan doon. May iilan na ring mga bata at matatanda na maya't-maya ay inuubo na at sinisipon.

Kabilugan ng buwan ng gabing iyon. Ilang linggo na rin ang lumipas mula ng bumisita sa kanila ang grupo nina Odessa. Pagbisita na kahit sa maikling oras na ibinigay nila, ay nagdulot ng maliit na pag-asa sa kanilang mga puso.

Nagbabantay sa labas ng Santuaryo sina P01 Caren Tejo, ang Paring si Mexo at ang mga seminaristang sina Kiel at Raul. Naroroon din sina Kapitan Ben at mga tanod na sama-samang nakakubli sa isang sirang gusali. Lahat ay naka alerto sa posibleng paglusob ng mga taong-lobo, mga aswang at iba pang mga anak ng buwan.

Naka-upo sa may sirang konkretong bintana si Caren. Iniisip pa rin niya si Alex at ang pagkakahanap niya sa kanyang asawa na si Isabel. Mula ng makarating siya sa lugar na iyon ay hindi pa niya nakakausap ang lalake.
Madalas ay nasa tabi si Alex ng kanyang asawa na wala sa tamang pag-iisip dahil na rin sa nangyaring trahedya sa kanilang anak.

Gusto man niyang kausapin si Alex ay madalas ay nawawalan siya ng lakas ng loob para gawin ito. Nakukunsensiya siya na sa kabila ng nararamdaman niya para kay Alex ay mas pinili pa rin niyang huwag ng guluhin pa ang lalake sa piling ng kanyang asawa.

Marahil ay ligtas na sila sa Santuaryo. Kailangan na rin niyang umalis para mahanap na rin niya ang kinikilala niyang pamilya na dati'y kumupkop at nagpalaki sa kanya.

Pero paano ang mga bata? Ano na lang ang mararamdaman nina Margaux at Adrian kapag nalaman nila na lilisanin na niya ang Santuaryo? Napamahal na siya sa mga ito at matagal-tagal na rin niyang nakasama. Hindi naman niya puwedeng isama ang mga bata dahil na rin sa napakadelikado ng lugar.

"Ang lalim yata ng iniisip mo Caren?"

Napatingin si Caren sa papalapit sa kanya na si Father Mexo. Napatayo ito sa kanyang kinauupuan.

"Kayo po pala among. Magandang gabi po." Ang halos nabiglang tugon ni Caren sa Pari.

Kaagad na kinuha ni Caren ang kamay ng pari at nagmano siya rito.

"Ang lambot naman ng kamay ni father..." Ang sabi ng isip niya at saka niya inamoy ang kamay na pinanghawak niya sa kamay ng pari. "...juice mee oh, ang bango pa..." Ang halos pagpipigil niya na huwag sana siyang kiligin.

"Bakit nag-iisa ka rito? Bakit hindi mo kami samahan doon?" Ang tanong ni Mexo sabay turo sa kinaroroonan ng mga kasama niya gamit ang kanyang nguso.

"Ha, eh. Iniisip ko lang po ang pamilyang nagpalaki sa akin sa Laguna. Hindi ko po kasi alam kung ano na ang nangyari sa kanila, kung nakaligtas ba sila sa paglusob ng mga alagad ng dilim." Ang malungkot na tugon ni Caren kay Mexo.

Tumango-tango ang pari at sabay titig kay Caren. "Naiintindihan ko, kahit sino naman sa atin ay nag-aalala sa pamilya at mga mahal natin sa buhay lalo na sa mga nangyari sa nakalipas na dalawang buwan..." Ang sabi ni Mexo at naupo ito sa tabi ni Caren.

OMG!!! Umupo sa tabi ko sa Father! Iiiihhhh!!! Ang sabi sa sarili niya at pigil na pigil na huwag siyang kiligin. Caren behave, pari yan at isa ka namang butihing pulis. Ang guwapo naman kasi ng paring ito eh.

"Father,  huwag po..." Ang sabi ni Caren sa pari.

"Huh?Anong?" Ang naging reaksiyon ni Mexo sa kanyang tinuran.

"Huwag po among masakit po?" Ang muling wika nito na hindi maipinta ang kanyang mukha.

"Anong masakit? Anong bang sinasabi mo Caren?" Ang muling tanong ng pari sa kanya.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon