Ilang oras na rin silang nasa masukal na kagubatan at hindi pa rin alam ni Mariang Makiling kung saan sila naroroon. Mahaba-haba na rin kanilang nilakad at tila walang katapusang kagubatan ang kanilang tinatahak. Nahihiwagaan si Mariang Makiling sa kagubatan na kung saan naroroon sila ni Blake. Kakaiba ang mga halaman na naroroon at hindi pamilyar sa kanya ang mga ito sa kanya.
Hindi rin maalis sa isipan ni Mariang Makiling si Amihan na siya pala ang dambuhalang Lubingan na kanilang nakasagupa. Pero bakit? Paano nangyari na ang isang makapangyarihang diyosa ay naging isang halimaw na namiminsala sa mga nilalang ni Bathala, gayong isang masugid na tagasunod ito kay Bathala?
"Nagugutom na po ako." ang sabi ni Blake na nagpatigil sa mga iniisip ng Diwata.
Tumingin si Mariang Makiling kay Blake at tumigil ito sa harapan ng bata.
"Sandali na lang ha? Hindi kasi pamilyar sa akin ang kagubatang ito Blake kaya hindi rin ako sigurado kung anong klaseng mga halaman at puno ang naririto. Hindi ko rin alam kung anong prutas ang puwedeng kainin at hindi. Hindi ko naman magamit ang kapangyarihan ko dahil wala akong alam sa anong klaseng halaman ang naririto sa paligid. Lubhang mapanganib dahil baka sa ibang mundo tayo dalhin ng mga Pilunlualan sa lugar na'to." ang tugon ni Mariang Makiling sa bata."Pasensya na po hindi ko rin magamit ang kapangyarihan ko para makaalis dito, hindi ko po kasi kakayanin dahil naubusan na po ako ng lakas lalo na't nagugutom ako." ang malungkot na wika ng bata sa diwata.
Bumuntong-hininga si Mariang Makiling sa narinig mula kay Blake. Pero ang importante para sa kanya ay nakalabas na sila sa kuweba at masasabi niyang pansamantala ay ligtas sila sa kagubatan na kung saan sila naroroon.
Inilagay ng diwata ang kamay sa balikat ni Blake at bahagyang pinisil iyon, ngumiti ito sa bata at saka ngumiti. Ilang saglit pa ay pinikit nito ang kanyang mga mata at huminga ng malalim. Pinakikiramdaman ang buong paligid at pilit na hinahanap ng kanyang katawan ang enerhiyang nagmumula sa mga puno't-halaman, maging sa mga nilalang na nabubuhay roon.
Nagsimulang umayon ang paligid ginagawang pagmemeditate ng diwata ng kagubatan. Unti-unti ay tila nagbago ang klima sa paligid pero unti-unting nadama ni Mariang Makiling ang napakabigat na pakiramdam na pumapasok sa kanyang katawan. Parang napuno ng hinagpis ang kanyang kalooban at tuluyang bumigay ang kanyang mga tuhod. Napaluhod si Mariang Makiling sa damuhang sahig ng kagubatan dahil sa hinagpis ng buong kagubatan na nagpabigat sa kanyang kalooban.
Nakaramdam naman ng takot si Blake sa sitwasyon ng diwata kaya hinawakan niya ang kamay nito. "Okay lang po ba kayo?" ang tanong niya na nag-aalala sa kalagayan ng diwata.
Kakaibang hirap at sakit ang naramdaman ni Mariang Makiling lalo na ng unti-unting nagsilabasan ang mga iba't-ibang espiritu ng mga nilalang na hindi makaalis sa lugar na iyon. Hindi na napigilang humagulgol ni Mariang Makiling dahil sa sobrang bigat na kanyang dinadala sa kanyang dibdib. Sari-saring mga negatibong emosyon tulad ng hinagpis, kalungkutan at galit na tila humihingi ng tulong at hustisya para makawala sa tila sinumpang kagubatang bumilanggo sa kanila sa napakahabang panahon.
"Umalis na po tayo dito. Nakakatakot na po ang manatili pa sa gubat na 'to." ang wika ng natatakot na si Blake.
Biglang lumakas ang hangin at tila nananaghoy ang pagsipol nito sa mga mayayabong na sanga ng mga puno na nagbigay ng kilabot kay Blake. Unti-unting dumidilim ang paligid dahil sa pagtakip ng maiitim na ulap sa araw. Alisto namang pinagmasdan ni Blake ang buong paligid lalo na't hindi siya mapalagay sa mga nangyayari.
"Huwag kang matakot Blake. Gustong makipag-usap ng mga espiritong nakakulong dito sa loob ng kagubatang ito." ang wika ni Mariang Makiling na nararamdaman ang takot kay Blake.
"E...espirito? Ang ibig sabihin po niyan mga multo?" ang tanong ng natatakot na si Blake.
"Hindi sila mga multo Blake. Mga espirito ng mg iba't-ibang nilalang na biniktima ng isang napakamakapangyarihang nilalang na gamit ang itim na kapangyarihan." ang mabilis na tugon ng diwata. Isiniksik ni Blake ang kanyang katawan sa puting kasuotan ng diwata dahil na rin sa takot sa nangyayari ngayon sa kanilang paligid.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...