Chapter 54: BABAGUA

392 31 23
                                    

Ginising ng isang umaalingawngaw na sigaw ng isang lalake si Blake. Halos maligo siya sa kanyang pawis dahil sa sobrang init ng lugar kung saan siya naroroon. Ipinikit-pikit niya ang kanyang mga mata sa napakadilim na paligid. Wala siyang makita at ni kakaunting liwanag ay wala siyang maaninag. Pinilit niyang magsalita ngunit naramdaman niya ang pananakit ng tuyong-tuyo niyang lalamunan. Napaubo siya at makailang-ulit na naduwal. Sinubukan niyang basahin ng kanyang dila ang tuyo niyang mga labi pero kahit ang kanyang dila ay said na said na rin sa kanyang laway.

Damang-dama niya ang nakakapasong init na nagmumula sa kumukulong putik malapit sa kanya. Basang-basa ng kanyang pawis ang nangingitim na niyang puting damit. Dahan-dahan siyang tumayo at ginamit ang kanyang mga kamay para kapain ang kanyang paligid. Pero napansin niya ang nakakasulasok na amoy ng asupre na nagpaluha rin at nagpahapdi sa kanyang mga mata. Pero kailangan niyang makaalis na sa lugar na iyon at alam niyang hindi siya ligtas dito. Paano nga ba siya napunta sa lugar na ito at iyon ang pilit niyang inalala.

Kahit mahapdi ang mga mata ay pilit pa rin niyang tinitiis ito para makaaninag lamang sa madilim na lugar na iyon. Naalala niya na lumilikha pala ng ilaw ang balat sa kanyang kanang palad kaya ginamit niya ang kapangyarihan nito para makita ang kanyang paligid. Mabilis na lumabas ang liwanag mula sa kanyang palad at unti-unti ay nakita niya ang kanyang paligid na napupuno ng maputing usok na siyang nagiging sanhi ng paghapdi ng kanyang mga mata.

Akmang hahakbang na sana si Blake para hanapin ang lagusang papalabas sa kuweba ng maalala niya ang kanyang mga kapatid.

"Ely...Macky?..." ang pabulong na wika niya sa kanyang sarili.

Naalala niya na kasama nga niya ang kanyang mga kapatid kanina ng bigla na lamang gumuho ang kinatatayuan nilang sahig ng kuwartong pinasukan nila. Pero nasaan na sina Ely at Macky? Wala sa paligid ang dalawang nakababatang kapatid, marahil ay dapat niya na rin itong ipagpasalamat sa Diyos. Hindi niya kasamang bumagsak sa lugar na ito ang dalawa at siguradong nag-aalala na sila sa kanya ang mga kapatid niya kasama ng kanilang lola. Ang importante sa kanya ay ang malaman nitong buhay at ligtas ang kanyang itinuturing na niyang pamilya. Pero, bakit wala siyang makitang mga tipak ng konkretong sahig kung nalaglag siya sa kinaroroonan niya ngayon?

Itinapat ni Blake ang kanyang nag-iilaw na kamay sa halos walong metrong taas ng kisame ng kweba. Walang kakurap-kurap niyang minasdang mabuti ang iniilawan niyang kisame ng kuweba pero wala siyang makitang butas kung saan siya nalaglag. Ang pagkakaalam niya ay isang mataas na konkretong gusali ang pinasukan nila sa isang siyudad sa Maynila, pero bakit nasa loob siya ng isang kuweba? Paano siya malalaglag sa loob ng kuweba kung nasa ikalawang palapag lamang siya ng gusali, hindi ba't dapat nasa unang palapag siya ng parehong gusali at hindi sa kuweba? Sa pagkakataong iyon ay gumapang ang kilabot sa katawan ni Blake. Hindi ito ordinaryong pagkahulog sa lugar na ito ang nangyari sa kanya. May kababalaghang nangyari sa kanila sa lugar na ito at siya ang naging pakay kung sino man ang gumawa nito sa kanya.

Tinalasan ni Blake ang kanyang pandinig at saka ibinaba na ang kanyang kamay. Inalisto ang kanyang sarili upang paghandaan kung ano man panganib ang naghihintay sa kanya roon. Mula sa liwanag na nililikha ng kanyang kamay ay naaninag niya ang tatlong lagusan. Maaring isa sa mga ito ang daan para siya ay makalabas.

Mamasa-masa ang sahig ng kuweba at kapansin-pansin ang mangilaw-ngilaw na kulay sa mga pader na tanda ng pagkakaroon ng asupre sa lugar na delikado sa kanyang kalusugan. Sa tingin ni Blake ay nagmumula ang usok na amoy asupre sa lagusan sa kanyang kaliwa. Dito rin nanggagaling ang napakainit na hangin kung saan parang ilog na dumadaloy sa kahabaan ng lagusan ang nag-aapoy na putik na tulad sa Lava na galing sa pumuputok na bulkan. Kung gayon isa sa dalawang natitirang lagusan ang daan papalabas sa kuweba at kailangan niyang pumili sa mga ito. Pero bakit pa ba kailangan niyang pumili gayong kaya naman niyang makaalis dito gamit ang kanyang kapangyarihan? Tila kasi may anong kapangyarihan ang pumipigil sa kanya na manatili sa lugar na ito upang hanapin ang isang bagay. Pero alam niyang hindi siya ligtas sa lugar na ito at kailangan na niyang umalis kaagad.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon