Nagtataasan ang mga puno sa kagubatan ng Manuali. Mga puno na iba't-iba ang kulay at hugis ng mga dahon na nagbibigay ng sobrang kagandahan sa buong paligid. Mga nagtataasang mga talon na ang tubig nito ay bumabagsak sa napakalinis at napakalamig na tubig na kung saan nagtatampisaw ang mga isda at mga engkanto sa tubig.
Ang mga kabundukan ay punong-puno ng iba't-ibang mga buhay. Mula sa mga damuhan na nagbibigay pagkain sa mga hayop sa paligid. Mga naggagandahan at makukulay na mga bulaklak na tanging doon lamang ito matatagpuan. Ang mga baging na nakakapit sa mga katawan at sanga ng mga puno ay tila mga ahas na nililingkis ang kanyang biktima.
Sa gitna ng malawak na kagubatan ay matatanaw ang ilog na paliko-liko ang hugis na nagbibigay ng napakatabang lupa sa mga halamang tumutubo as paligid nito. At sa tuktok ng isang napakagandang burol ay matatanaw ang isang palasyo na malabughaw na kristal ang pagkakagawa dito. Ito ay ilang daang taon din itong matiyagang nililok ng mga pinakamagaling na manggagawang engkanto sa buong Elitheria na sakop ng Murcia. Mayroon itong tatlong nagtataasang tore at malawak na espasyo sa loob na kung saan madalas ginagawa ang mga pagtitipon ng mga makapangyarihang engkanto at diwata sa buong mundo.
Ito ang kaharian ng Elitheria. Matatagpuan ito sa gawing hilagang kanluran at isa sa pitong kaharian na bumubuo sa isla ng Murcia. Itinuturing itong may pinakamalaking lupaing nasasakupan sa buong Isla at pinakamayaman dahil sa minahan ng Alaber, ang enerhiyang nagbibigay ng lakas sa mga Manggagaway. Ang Elitheria rin ang ginagawang lugar bakasyunan ng Hari ng Murcia dahil sa magaganda nitong tanawin at napakalinaw na tubig-dagat. Ito rin ang lugar na may pinakamagandang klima sa lahat ng mga nasasakupang teritoryo sa Isla.
Ang Elitheria ay ang lugar kung saan isinilang si Anilaokan. Dito rin siya unang natuto ng kanyang kapangyarihan sa murang edad pa lamang. Dahil sa epidemyang kumalat noon ay namatay ang kanyang mga magulang at hindi na niya nakita pa ang nag-iisa niyang kapatid na lalake na tumutulong noon sa paghahanap ng lunas sa kumalat na sakit.
Pinasunog ng hari ng Murcia ang buong pamayanan ng Pagayon kung saan pinaniniwalaang nagsimula ang epidemya. Lahat ng mga tao roon ay pinagbawalang lumabas ng kani-kanilang mga bahay, kaya lahat ng mga taong naroroon ay namatay dahil sa sunog. Maliban kay Anilaokan na papauwi pa lamang ng mga sandaling iyon galing sa pangangaso kasama ang kanyang kaibigang si Kalaguan.
Nang makita nilang nasusunog ang kanilang mga tahanan at naroroon ang mga tauhan ng hari ay minabuti na muna ng magkaibigan na magtago sa masukal na kagubatan. Alam nila na sa oras na makita sila ng mga tauhan ng hari ay siguradong papatayin sila ng mga ito.
Takot na takot sina Anilaokan at Kalaguan sa kanilang pinagtataguan. Alam nilang wala na silang magagawa pa para matulungan ang kanilang mga mahal sa buhay. Kitang-kita rin nila ang mga nagkalat na bangkay ng mga diwata na ang tanging ginawa lamang nila ay ipagtanggol ang mga mamamayan ng Pagayon.
Pero lahat sila ay idinamay. Bata, matanda, lalake o babae, maysakit o wala lahat ay inalisan ng karapatang mabuhay.
Dinig na dinig nila ang mga sigawan at pagmamakaawa ng mga kababaihan para sa kaligtasan ng kanilang mga anak at sarili. Pero berdugo ang mga tauhan ng hari.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...