"O... Odessa?!" ang sambit ni Demetria pagkakita sa babaeng lumabas mula sa bola ng kidlat na bumabalot kay Randy.
Lahat ng mga tao sa paligid ay binalutan ng matinding takot sa nakikita nilang nangyayari sa harapan ng lumang simbahan ng Barasoain. Lahat ay nagsitakbuhan papalayo sa lugar at nagsitungo sa mga bakanteng gusali na puwede nilang pagtaguan. May mga nagsisigawan at mayroon din naman na tahimik lamang na nagmamasid sa mga kaganapan sa labas ng simbahan.
Pero natigilan si Demetria pagkakita sa kabuuan ni Odessa. Napanganga ito at hindi makapaniwala sa nakikita niyang mga pagbabago sa kaanyuan ng kaibigan na matagal na rin niyang hindi nakikita. Kapansin-pansin kay Odessa ang kakaibang aura at misteryong bumabalot sa kanya. Lalong nagkaroon ng hubog ang katawan nito at nagkalaman ang mga kalamnan sa braso at mga paa. Damang-dama ni Demetria ang napakalakas na enerhiyang nagmumula ngayon sa kanyang kaibigan at kitang-kita niya ang mala-diyosang anyo ngayon ni Odessa.
Pagkatapak ni Odessa sa konkretong kalsada sa harapang bahagi ng simbahan ng Barasoain ay kitang-kita sa mukha niya ang kagalakan na makita muli ang kanyang mga kasama. Kitang-kita niya ang halos naluluhang si Demetria, na sampung metro mula sa kanyang harapan. Si Sagaway naman ay kaagad ding lumabas sa isang malaking puno ng mangga na kanyang pinagkukublihan di kalayuan sa simbahan. Ang Malakat na si Alimog ay dali-daling bumaba mula sa himpapawid at lumapag sa tabi ni Demetria na lalong nagbigay takot sa mga natitirang mga taong naroroon.
"Ma...maligayang pagbabalik, Odessa!" ang halos pasigaw na wika ni Demetria sa kanya. Mabilis na lumapit ang babaeng bampira kay Odessa at kaagad siyang niyakap nito.
"Salamat, Demetria, salamat..." ang tugon ni Odessa na punong-puno ng kagalakan sa muling pagkikita nila ng dating mga kasama.
Lumapit din si Sagaway kay Odessa at kaagad na nagpugay sa kaibigan.
"Mahal na Odessa, salamat kay Bathala at ikaw ay ibinalik niyang ligtas sa amin." ani Sagaway pero tila may hinahanap ang kanyang mga mata sa mga kasama.
Nawala ang mga ngiti sa mga labi ni Odessa dahil batid niya kung sino ang hinahanap ng mga mata ng kanyang kaibigang Kapre. Inalis ni Odessa ang pagkakayakap sa kaibigang si Demetria at lumapit kay Sagaway na yumuko para mailapit nito ang kanyang mabalahibong mukha kay Odessa. Hinawakan ni Odessa ang mukha ni Sagaway at kitang-kita niya ang kalungkutan sa mukha ng Kapre.
"Patawarin mo ako kaibigang Sagaway. Hindi ko nagawang mailigtas si Ate Laurea dahil lubhang napakalawak ng Ikatlong mundo na aking narating ng pasukin ko ang lagusan."
Tumingin si Sagaway sa mga mata ni Odessa. "Ikatlong mundo?..." Ang tanong ni Sagaway na tila hindi makapaniwala na narating iyon ni Odessa.
"Oo kaibigang Sagaway mamaya ay ikukwento ko ang lahat ng nangyari sa akin habang naroroon ako sa ikatlong mundo, ang mundo ng mga elemental." ang sagot ni Odessa.
"Odessa!!!" ang nananabik na tawag ng isang lalake mula sa kanyang likuran.
Napalingon si Odessa at nanumbalik ang tuwa sa kanyang mukha ng makita nitong ibinabababa ng mga sanga-sangang bahagi ng kidlat si Randy.
"Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya sa iyong pagbabalik Odessa. Kung gaano ako kasabik na mayakap ka at mahalikang muli ang iyong mga labi aking mahal." ang wika ni Randy pagkababa niya mula sa himpapawad at patakbong nilapitan si Odessa.
Pagkalapit niya kay Odessa ay kaagad niya itong niyakap kasabay ng napakatamis na halik sa labi nito. Buong pagmamahal na tinanggap iyon ni Odessa dala na rin sa sobrang pagkasabik nito sa kasintahan.
Matapos ang pananabik sa isa't-isa ay nagtitigan sina Odessa at Randy. Napansin ni Randy ang mga namumuong mga luha sa mga mata ni Odessa. Biglang humagulgol ang dalaga at muling yumakap kay Randy.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...