Chapter 22: THE FATE

500 35 10
                                    

Patuloy sa pag-abante si Caren sa kinaroroonan nina Alex at ng mga magkakapatid. Naglalaway at nakalabas ang napakapula at mahabang dila nito at ramdam na ramdam niya ang napakatinding gutom sa kanyang sikmura. Kitang-kita niya ang mga takot sa mga mata ng kanyang mga dating kasama pero nangingibabaw sa kanyang isipan ang mga napakaraming boses na nagtatanong kung ano ang gagawin sa kanilang pakikipaglaban sa mga bampirang strigoi.

Malinaw niyang naririnig sa kanyang isip ang mga boses ng kanyang mga kasama kaya makailang ulit na rin niyang iniyugyog ang kanyang ulo dahil sa hindi siya sanay sa ganoong kakayahan bilang alpha. Kakayahang kayang makipag-usap sa lahat ng kanyang mga nasasakupang taong-lobo.

May humihingi ng tulong, may sumisigaw dahil nakagat at nasugatan na ng mga bampira. Tumigil siya sa paglapit kina Alex at ng mga batang nasugatan sa paghagis ng Strigoi sa sinasakyan nilang SUV.

Mga ilang segundo rin na ipinako ni Caren ang kanyang mga mata sa mga dating kasama at pilit na inaalala kung bakit may mga maliliit na tinig siyang naririnig na pilit na pumipigil para atakihin ang mga taong nasa kanyang harapan. Pamilyar sa kanya ang mga mukha na nasa kanyang harapan pero wala siyang maalala kung sino ang mga ito.

Damang-dama ni Caren ang masidhing pagkagutom lalo na't ilang araw din siyang nakahimlay habang unti-unti ang kanyang pagbabago mula ng masugatan siya ng lalakeng Alpha. Nararamdaman niya ang panghihina ng kanyang katawan at panginginig ng kanyang mga kalamnan dahil sa labis na gutom.

"...ate Caren!"

Ang sigaw ng isang batang babae na pamilyar ang boses sa kanya. Natigilan siya sa kanyang paglapit sa kanyang makakain. Caren, ang pangalang iyon. Bakit labis siyang nabahala pagkarinig niya sa pangalang iyon. Bakit tinatawag siya sa ganong pangalan? Siya ba si Caren? Bakit wala siyang maalala?

Minabuti niyang iwaksi muna ang mga iba't-ibang boses sa kanyang isipan at pilit na inaalala ang kanyang nakaraan.

Halos manginig na sa sobrang takot sina Alex at ang mga kasamahan niyang sina Margaux, at Adrian. Tila walang pakialam na pilit na niyayakap ng mahigpit ni Isabel  ang wala ng buhay na si Jhayvee.

"Ate Caren!" Ang muling tawag ni Margaux sa taong-lobo sa kanilang harapan.

Hindi alam ni Alex ang kanyang gagawin. Wala siyang armas para depensahan ang kanilang mga sarili. Sugatan ang kanilang mga katawan dahil sa pinsalang dulot ng pagkakahagis sa sasakyang gamit sana nila sa kanilang pagtakas.

"Caren, kami ito ako si Alex, si Margaux at Adrian. Hindi mo ba kami maalala? Kami ang mga kaibigan mo! Si Jhayvee! Si Jhayvee pat..." Natigilan si Alex. Tila may biglang bumara sa kanyang lalamunan na pumigil para sabihin ang kinahinatnan ng batang si Jhayvee. "...wa...wala na si Jhayvee."

Ngunit tila walang pagkakakilanlan sa kanila ng taong lobong si Caren. Patuloy pa rin itong lumalapit sa kanila.

Hindi na napigilan pa ni Margaux ang kanyang sarili. Tumayo ito at mabilis na tumakbo papalapit sa taong-lobong si Caren.

"Ate Caren!!!" Ang sigaw ng batang babae.

"Margaux, huwag!" Ang tanging naisigaw ni Alex na nabigla sa ginawang iyon ni Margaux, ngunit huli na ang lahat.

Inihanda ni Caren ang kanyang sarili ng biglang patakbong lumalapit sa kanya ang batang babae. Lalong naglaway at tumindi ang naramdamang gutom ng babaeng Alpha ng malanghap ang napakasarap na amoy ni Margaux. Nakahanda na siyang lapain ang lumalapit na pagkain.

Ilang hakbang na lang at makakatikim na siya ng sariwa at karne ng batang babae...

Limang hakbang...

Apat...

Tatlo...

Dalawa...

Isa...

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon