Chapter 52: HOTEL MORTE

413 25 3
                                    

Halos mag-ikaapat na ng hapon ng marating nina Odessa kasama ang lampas sa dalawang-daang mga tao ang bahagi ng Sta. Mesa sa Maynila. Lahat ay hapong-hapo na sa haba ng kanilang nalalakad pero tinitiis nila ang lahat ng hirap makarating lamang sila sa lugar na sa tingin nila ay mas ligtas sa paglusob ng mga anak ng buwan.

Gaya ng mga lugar na kanilang narating at nadaanan, kalunos-lunos ang tanawin na kung saan nagkalat pa rin sa kalsada ang mga parte ng nabubulok na katawan ng tao at mga hayop. Mga nagtalsikang dugo sa kalsada, mga sasakyan at pader na natuyo na at naging saksi sa kahindik-hindik na pangyayari ng biglang lumusob ang mga alagad ng kadiliman sa kalakhang Maynila. Mga nagkalat na mga sasakyan na inabandona ng mga may-ari nito na dati-rati ay naghahari sa kalsada ng lungsod, ngayon ay nagsisimula ng kainin ng kalawang.

Ang masangsang na amoy ng nabubulok na laman ng mga tao at hayop ay umaalingasaw pa rin sa buong paligid, pero hindi na katulad ng dati na halos hindi makayanan ng sikmura ng sino mang napapadako roon.

Marami sa mga gusali ang nagkabitak-bitak na ang pader. May mga iilan rin na tuluyan ng bumigay dahil sa maya't-mayang mga pagyanig at dulot ng malalakas na hangin. Araw-araw ay kapansin-pansin ang tila paglala ng sitwasyon sa paligid at batid iyon ni Odessa. Kapag nakahanap na sila ng gusaling puwede nilang magamit para pansamantalang matutuluyan at masiguro ang kaligtasan ng mga taong kanilang poprotektahan ay kakausapin ni Odessa ang mga kasama. Kailangan na niyang kumilos mag-isa bago pa mahuli ang lahat para sa nilalang ng Sanlibutan.

Makailang ulit na niyang sinubukang pagtagpi-tagpiin ang mga pangyayari mula ng maging aktibo ang mga anak ng buwan sa mundo ng mga tao, ang pagkakabihag sa kanyang ate Laurea, ang pagbuhay kay Anilaokan, ang pagkawala at sa tingin niya'y pagkamatay ni Bathala. Lahat ng ito ay mayroong pinagmulan na kailangan niyang alamin at harapin bilang ang babaeng tinutukoy sa propesiya. Masyado na siyang nagtatagal sa mundo ng mga tao at maraming oras na ang nasasayang para maisalba ang Sanlibutan.

Pero kung aalis siya para bumalik sa ikatlong mundo, paano na ang mga natitira pang mga tao? Makakaya ba silang protektahan ng kanyang mga kasama? Kung mananatili pa siya sa mundo ng mga tao baka tuluyan ng mawala sa balanse ang Sanlibutan at hindi na ito maibabalik pa sa dati. Tuluyan na rin maglalaho sa Sanlibutan ang lahi ng mga tao.

Alin ba ang pinakamainam niyang gawin? Ang manatili muna sa grupo ng mga tao at siguraduhin ang kaligtasan nila pero unti-unti ng nauubos ang oras para iligtas ang Sanlibutan o tuluyan na niyang lisanin muna ang mundo ng mga tao para tuparin na ang kanyang tungkulin para iligtas ang Sanlibutan?
Sino ang poprotekta sa mga tao kung iiwan niya ang mga ito sa ganitong sitwasyon? Makakaya ba nina Demetria, Sagaway, Caren, Father Mexo at Ceasar pati na rin ang mga kawan nitong mga taong-lobo na protektahan ang mga tao na kasa-kasama nila? Si Randy, ang pinakamamahal niyang si Randy, gusto man niya itong isama sa ikatlong mundo ay naisip niyang mas kailangan siya ng mga tao rito para iligtas ang sangkatauhan. Malaki ang maitutulong niya kina Demetria lalo na't nasa katauhan niya si Banaual.

Malalim ang ginagawang pag-iisip ni Odessa, dahilan para hindi niya namamalayan na kanina pa pala siya tinatanong ni Randy. Kung hindi pa ito pumunta sa kanyang harapan ay hindi niya mapapansin ang kasintahan na kumakausap sa kanya.

"Pa...pasensya na hindi kita napansin." ang tila nahihiyang wika ni Odessa kay Randy na nakakunot ang noo.

"May problema ba?" ang tanong ni Randy. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala sa kanyang kasintahan.

"Wala, may naisip lang ako." ang matipid na tugon ni Odessa sa kanya.

"Mukhang napakalalim naman yata at di mo man lang ako napansin kanina kahit na kinakalabit na kita." ang wika ni Randy at bumalik sa gawing kaliwa ni Odessa at hinawakan nito ang kamay ng kasintahan.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon