Sa silid dasalan ay taimtim na nagsasagawa ng Lambaa (dasal ng kahilingan) si Anilaokan sa kanilang diyos na si Behemot. Sa kanyang muling pagkabuhay ay maipagpapatuloy na niya ang paghihiganti hindi lamang sa mga tao maging kay Bathala at sa mga umaanib sa kanya. Paghihiganti sa matagal na panahong nasayang dahil sa kaparusahang iginawad sa kanya ni Bathala ng dahil lamang sa mga mabababang uri ng nilalang na tinatawag nilang tao.
Natutuwa siya dahil sa isang malakas na lalaking Sangre inilipat ang kanyang kaluluwa. Isang Sangre na magsasanib ang kapangyarihan ng isang engkanto at bampira. Pagsasanib ng dalawang nilalang na magbibigay sa kanya ng napakalakas na kapangyarihan para harapin ang kanyang mga makakalaban.
Batid na niya ang sinasabi ng propesiya tungkol sa babaeng magliligtas at magdadala ng kapayapaan sa sanlibutan. Pero bago mangyayari 'yon ay sisiguraduhin na muna niyang mapapatay niya si Bathala at uubusin ang lahi ng mga tao sa buong mundo.
Sa kasalukuyan, halos lahat na ng mga bansa sa buong mundo ay napadapa na ng mga anak ng buwan. Marami na sa mga engkanto at diwata ang umaanib na sa kanila para lumaban kay Bathala. Ngayong nasa kamay na nila si Bathala, tanging ang paraan sa pagpatay sa kanya ang kailangan na nilang pag-ukulan ng pansin. Tanging diyos lamang ang puwedeng pumatay sa kapwa diyos. Pero sa sitwasyon nila kay Bathala, kailangan nilang humanap ng paraan kung paano ito mapapatay ng kanyang anak na si Bulan na isa ring diyosa.
Kinausap na nila si Apo Mayari, ang diyos sa kabundukan ng Pinatubo pero nabigo sila. Ayaw makialam ni Apo Mayari sa kanilang mga balakin. At hindi niya ikararangal ang patayin sa hindi patas na paraan si Bathala kahit na gustong-gusto niyang patayin ito noon pa man.
Nang isinagawa nila ang planong pagpatay sana kay Bathala, biglang nabalutan ng makapangyarihang puwersa na pumipigil sa ano mang mahikang gagamitin para siya'y patayin. Ginawa na nila ang lahat ng paraan para tuluyang mamatay ang diyos na si Bathala, pero bigo silang magawa ang pagpatay sa kanya dahil sa puwersang bumalot sa kanya.
Nakipagsabwatan sila kay diyosang Tala, ang paboritong anak na babae ni Bathala. Ginamitan siya ng mahika para mapapayag ang diyosa sa planong pagpatay sa diyos na ama. Pinakawalan ni diyosang Tala ang isang Antik na nagmula pa sa kagubatan ng Quiratac sa kaharian ng Manuali.
Makamandag ang nasabing Antik na tanging makapangyarihang diyos lamang ang makakatagal sa epekto ng lason nito. Napakaliit kung tutuusin ngunit napakabagsik ng kamandag na dala ng langgam na ito. Sa sobrang liit ay hindi ito mararamdaman ng kahit na sino, kahit na ang napakatalas na pandinig ni Bathala ay walang nagawa rito.
Nakagat ng Antik si Bathala sa kanyang batok. Imbes na kamatayan ay mahimbing na pagtulog ang naging epekto nito sa kanya. Hindi magigising si Bathala hangga't naroroon at nananatiling nakakagat sa kanya ang langgam. Pero, patuloy sa panghihina ang kanyang katawan hanggang sa hindi na nito makayanan pa ang bagsik ng kamandag at tuluyan na rin hahantong sa kamatayan.
Pagkakagat ng Antik sa biktima ay kaagad na namamatay ito pero, kahit patay na ang insekto ay hindi nito aalisin ang pagkakakagat sa kanyang biktima. Maaalis lamang ito kapag bumigay na ang katawan ng kinagat nito.
Hindi basta-basta naaalis ng kahit sino ang Antik sa pagkakakagat nito sa biktima, kaya malaking tagumpay pa rin iyon para kay Anilaokan. Dahil hindi rin magtatagal ay kamatayan din ang naghihintay kay Bathala na kanyang pinaka-aasam noon pa man.
Tumayo si Anilaokan pagkatapos niyang nagdasal kay Behemot. Tinungo niya ang makulimlim na daan patungo sa bahagi ng Pipandiluan. Tanging mga maliliit na lumilipad na insektong Tamumo na nakalagay sa mga pabilog na bote na nakakabit sa mga dingding ng palasyo ang nagbibigay ilaw sa kanyang dinaraanan. Lumiko siya sa kanyang gawing kaliwa at tinahak ang makitid na konkretong hagdanan pababa sa pinaka basement ng kastilyo.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...