Chapter 37: CITY OF THE DEAD

457 27 10
                                    

"Tama ang narinig ninyo mga kaibigan. Sa aking pagkawala ay lubos ko ng nakilala ang aking pagkatao. Nalinang ko ang aking kakayahan at nalaman ko na mayroon akong napakaimportanteng misyong gagampanan sa ikatlong mundo." ang seryosong wika ni Odessa sa mga kasama.

Sa loob ng simbahan ng Barasoain ay pinulong niya ang kanyang mga kasama. Lahat ng kanyang naranasan at nasaksihan sa ikatlong mundo ay malahad niyang ikwinento ang mga ito. Pero ng mapunta ang usapan sa bigo niyang mailigtas ang kinikilala niyang kapatid na si Laurea ay hindi nito napigilan ang maiyak.

Lumapit si Demetria kay Odessa at hinawakan niya sa balikat ang babaeng Sangre. "Karamay mo kami sa iyong pighati kaibigang Odessa. Naririto lang kami lagi sa tabi mo." ang wika ni Demetria para mapagaan nito ang nararamdaman ng kaibigan.

Nanatiling malungkot na nakatingin lamang sa kanya si Randy at maluha-luha rin ang mga mata.

"Pero hindi ito tungkol sa nabigong pagkakaligtas ko kay ate Laurea at ang pagkakadiskubre ko sa aking kakayahan at kapangyarihan ang dahilan kung bakit ipinatawag ko kayo rito..." huminga ng malalim si Odessa at inilagay ang dalawang kamay sa kanyang bewang.

Nanatiling nakatingin naman sa kanya ang mga kasamahang naroroon at naghihintay sa kanyang susunod na sasabihin. Nakapuwesto sila sa harapan ng antigong retablo ng simbahan at nakapagitna si Odessa sa lahat ng mga naroroon. Magkakatabi sina Alex, Caren, father Mexo at iilan sa mga lider ng mga taong nagbabantay sa lugar na pinamumunuan ng kura paroko ng lugar na si father Noel, si Berong ang tumatayong kapitan sa lugar at si Drigo ang natitirang barangay kagawad ng lugar.

Nakatayo sa likuran ni Odessa sina Randy at Demetria habang si Sagaway ay nakasalampak na nakaupo sa gitna ng simbahan. Sa kanyang tabi ay ang mga kahoy na upuang itinabi sa mga pader ng lumang simbahan. Samantalang si Alimog ay nagsilbing tagamasid sa paligid ng simbahan.

Mag-aalas singko na ng madaling araw ng mga oras na iyon at ang tanging nagpapainit sa sikmura nina Alex at ng mga bata ay ang medyo malamig na kape na tinimplahan ni Nanay Luming. Isa si nanay Luming sa mga nailigtas ni father Noel noong kasagdagan ng paglusob ng mga anak ng buwan sa lungsod ng Malolos. Siya rin ang nag-alaga sa dalawang bata na sina Adrian at Margaux habang abala sina Alex sa pakikipag-usap kina Odessa.

"Ang labis na nagbigay ng pag-alala sa akin ay ang pagkawala ni Amang Bathala." ang pagpapatuloy ni Odessa.

Nagkaroon ng mga bulung-bulungan sa mga tao at ibang nilalang na naroroon. Sari-saring reaksiyon ang kanilang ipinakita kay Odessa.

"Amang Bathala? Ito ba ang diyos na kinilala ng mga Filipino? Pero, imposible yata ang sinasabi mo iha?" ang may pagdududang wika ni Father Noel.

Pilit na ngumiti si Odessa sa pari. "Father,  sa lahat-lahat na ng kababalaghang nangyari sa paligid ninyo, sa tingin mo ba mayroon pang salitang imposible ngayon?" ang may pagkasarkastikong tugon ni Odessa  sa pari.

"Pero, iisa lang ang Diyos iha, ang Diyos na may lalang ng langit at lupa. Ang Diyos ni Abraham, ni Moises at ni Haring David, paano nangyaring totoo si Bathala? At iba pang mga diyos at diyosa na nabanggit mo kanina? Pawang mga nababasa lang ang mga yan sa ating mga aklat at panonood ng pelikula at telebisyon. "

Tumayo si father Mexo para siya ang tutugon sa kapwa pari pero pinigilan siya ni Caren.

"Father, bakit ka naniniwala sa isang nilalang na hindi mo man lang nakikita? Madaling sabihin na may diyos, isang nilalang ng lumikha sa lahat pero nasaan ang sinasabi mong Diyos? Bakit hinayaan niyang mangyari ang lahat ng ito, ang katayin at kainin ng mga alagad ng kadiliman?" ang biglang wika ni Randy.

"Anak, hindi ito kagustuhan ng Diyos. Ito ay bunga ng kasakiman at kasalanan ng tao. Oo gawa ito ng Diablo, ni Satanas ng Demonyo pero sa bandang huli ay mananaig pa rin ang kagustuhan ng Diyos, ang pangingibabaw ng kabutihan laban sa kasamaan." ang pilit na pagpapaliwanag ni Father Noel kay Randy.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon