Mapanglaw ang liwanag na nagmumula sa bilog na buwan sa kalangitan at may kalamigan ang simoy ng hangin na nagmumula sa dagat ng Manila bay. Tahimik ang kahabaan ng Roxas Boulevard na dati-rati ay napupuno ng iba't-ibang uri ng mga sasakyan. Ang kalsada na dating maingay sa mga busina ng mga sasakyan ay nababalutan ng nakabibinging katahimikan na tanging mga yabag ng mga mabibigat at pagod na paa ang maririnig.
Marami sa kanila ang napilitan ng lisanin ang inakala nilang kanlungan na magbibigay sana ng pag-asang makapagsimula muli. Akala nila na ang kanlungan na iyon ang magbibigay ng kaligtasan mula sa mga masasamang nilalang. Ngunit hindi nila inaasahan na ang kanlungang iyon ay isa palang pain na magdaragdag sa kanila ng kapahamakan at mga bangungot.
Kahapon pa kumakalam ang kanilang sikmura. Ni hindi na nga nila alam kung kailan pa sila huling kumain mula ng nilisan nila ang simbahan ng Barsoain sa Malolos Bulacan. Pero kahit na matindi na ang pagkalam ng kanilang mga sikmura ay ni minsan ay wala sa kanila ang nagrereklamo.
Sa unahan ng grupo ay magkasamang naglalakad sina Odessa at Randy na tila nilulubos na ang mga oras na magkasama pa sila. Mananatili pa ng mga ilang araw si Odessa bago siya tutungo sa ikatlong mundo upang tupdin ang kanyang tungkulin bilang tagapagganap sa propesiya at sa ikabubuti ng Sanlibutan. Gusto na rin niyang matapos ang kaguluhang nangyayari sa Sinukluban o ang ikatlong mundo lalo na sa iniwang kaharian ni Bathala, ang Kalangitan kung saan nagkakagulo ang mga diyos at diyosa. Pero may mga pangamba at takot pa rin sa puso ni Odessa lalo na ang kahihinatnan niya sa paggamit ng kanyang kapangyarihan. Nangangamba rin siya sa kanyang nararamdaman kay Randy at kay Banaual na ginagamit ang katawan ng binata para matulungan si Odessa.
Nangangamba si Odessa dahil naguguluhan siya kung sino nga ba sa dalawa ang minamahal niya? Si Randy na isang mortal na nakasama na rin niya ng matagal-tagal o si Banaual na ginagamit lamang ang katawan ni Randy para mabuhay. Nangangamba rin si Odessa kung bakit kahit ilang ulit niyang inaalala sa kanyang isipan ang naging relasyon nila ni Banaual ay wala siyang maalala. Alam ng isip niya na madalas ay nakakasama niya ito kapag namamasyal siya sa kabundukan ng Alaya. Iyon ay noong bata pa sila at nag-iisang alaala na kasama niya. Marahil siguro ay hindi pa lubusang gumagana sa kanyang isipan ang mga alaala na matagal na nawala sa kanyang diwa.
"Pagsikat ng araw ay susubukan muna nating magpahinga at makapaghanap ng makakain. Kailangan ng mga tao na manumbalik ang kanilang lakas. Kailangan na rin nating makahanap ng ligtas na lugar para sa kanila." Ang mungkahi ni Odessa kina Demetria, at Ceasar.
"Sa tingin mo ba mayroon pang ligtas na lugar ngayon?" Ang may pagkasarkastikong tanong ni Caren kay Odessa na nasa likuran lamang nila.
Ngumiti si Odessa at tumingin sa mga mata ni Caren. "Magiging ligtas lamang ang lugar na ito para sa mga tao kung magsasama-sama tayong mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa sa kanila. Iyan ang responsibilidad natin sa kanila bilang pinagkalooban ng kakayahang lumaban sa mga anak ng buwan." Ang tugon ni Odessa.
"Sama-sama? Hindi ba aalis ka?" Ang may lamang mga tanong ni Caren kay Odessa.
"Ang mabuti pa siguro ay asikasuhin muna natin ang makakain ng mga tao. Caren, pinatatawag ka pala ni Father Mexo." Ang biglang sumabad na si Randy sa umiinit na usapan ng dalawa.
Akmang aalis na sana si Caren ng biglang umabante si Odessa para konprontahin ang babaeng pulis.
"May problema ka ba sa akin Caren?" Ang matigas na tanong ni Odessa sa kanya."Ako? Ang alam ko wala akong problema, baka ikaw? Baka ikaw ang problema." Ang tila nakakalokong tugon ni Caren kay Odessa at saka pinuntahan si Father Mexo na naglalakad kasama ang ilang mga kabataang lalake.
"Ano bang problema non?" Ang naiinis na wika ni Odessa kay Randy.
"Hayaan mo na lang. Masyado sigurong dinamdam ang pagkawala ni Alex."
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...