Chapter 46: BALINTATAW

373 23 6
                                    

"Nawa'y ang kanilang mga kaluluwa ay magkaroon ng kapayapaan at katahimikan, at tanggapin sila sa kaharian ng Diyos amang nasa langit,  magpasawalang hanggan..." ang panalangin ni father Mexo sa nakahilerang mga bangkay na nababalutan ng tela sa harapan ng simbahan ng Barasoain.

"Amen." ang sabay-sabay na sagot ng mga taong naroroon at nakikidalamhati sa isa't-isa.

Lumapit ang isang lalaki at iniabot ang isang bote ng holy water kay father Mexo para bigyan ng huling bendisyon ang mga bangkay. Nasa pinaka-unang hanay ang katawan ni Adrian at sa tabi niya ay si Aling Luming at ang umiiyak na si Margaux.

Tahimik ang paligid maliban sa mga maya't-mayang paghagulgol ng mga nawalan ng mahal sa buhay. Tumigil na ang malakas na ulan ng mga sandaling iyon at muling nagpakita ang halos bilog na buwan sa kalangitan. Hindi nito ipinagkait ang mumunti nitong liwanag para sa mahigit isang-daang katawan ng mga inosenteng tao na nagbuwis ng kanilang mga buhay para sa labang hindi naman dapat sa kanila.

Pagkatapos ng pagbabasbas ay binuhusan na sila ng gasolina nina Demetria para sila'y sunugin na. Masakit kina Demetria at ilang kalalakihan ang gawin ito pero ito lamang ang tanging paraan para maiwasan ang pagkabuhay muli ng mga namatay bilang mga nilalang na uhaw sa dugo at laman ng tao. Dahil kapag nangyari iyon ay baka hindi na kakayanin pa ng kanilang mga damdamin at pag-iisip na makitang kasama na ng mga anak ng buwan ang kanilang mahal sa buhay.

"Alalaanin natin silang mga mahal natin sa buhay na nauna na sa kalangitan ng ating panginoong Diyos.  Alalaanin natin sila hindi bilang mga patay kundi isang mortal na buhay at ang kanilang masasaya at mabubuting nagawa sa ating mga naiwang buhay dito sa mundo. Oo masakit ang mawalan ng mahal sa buhay, pero mas masakit ang balewalahin ang kanilang kamatayan. Karamihan sa kanila ay lumaban para sa kanilang pamilya, para sa kanilang mahal sa buhay, para sa kanilang kapwa, sarili at para sa atin. Sila rin ay natakot pero mas pinili nila ang lumaban." ang matigas na wika ni father Mexo sa harapan ng mga taong naroroon. Nasa tabi niya si Demetria na may dalang sulo.

"Maaaring napakasakit para sa atin ang mawalan ng mahal sa buhay, pero napakasuwerte pa rin nila dahil hindi na nila mararanasan kailan man ang takot, hirap at mga pangamba dahil kasama na nila ang ating Diyos. Kaya walang dahilan para hindi muling ngumiti, walang dahilan para mawalan ng pag-asa dahil meron. Meron sapagkat ang bawat isa sa atin ay sapat ng dahilan para huwag mawalan ng pag-asa. Ang bawat isa sa atin ay ang kasagutan kung bakit kailangan nating manatiling buo, at magkaisa para lumaban sa mga nilalang ng kadiliman. Tutulungan at gagabayan tayo ng ating Diyos. Mahal tayo ng ating nag-iisang Diyos."

Lahat ay nakikinig sa bawat salitang binibitiwan ng pari. Lahat ay nananatiling kumakapit sa katiting na pag-asa na darating ang panahon at magkakaroron rin ng katapusan ang malalagim na pangyayaring dulot ng paglusob ng mga anak ng buwan.

Ilang saglit lang ay isa-isang sinindihan nina Demetria ang mga bangkay. Unti-unting nagliwanag ang buong harapan ng simbahan at nagsimulang kumapal ang usok mula sa mga nasusunog na mga bangkay.

Marami ang tumalikod at umalis dahil hindi nila kayang pagmasdan ang mga pangyayari. Mayroon naman na naiwan at nagdasal para sa kaluluwa ng kanilang namayapang mahal sa buhay. Mayroon din na nanatiling umiyak at ibuhos lahat ng kanilang nararamdaman sakit at sama ng loob sa kanilang sinapit. Mahal ba talaga sila ng Diyos? Ganyan ba talaga magmahal ang Diyos sa tulad nilang mga tao?

-----------------------
Sa ilalim ng tulay ay naroroon pa rin at nakaupo sa isang malaking bato si Caren. Nakamasid sa maruming tubig ng ilog at kanina pa siya naghahanap kay Alex. Tulala at hindi na alintana na natuyo na ang mga luha nito sa namumugto nitong mga mata.

Makailang ulit na rin siyang sumisid, hindi pansin ang napakarumi at napakabahong tubig ng ilog. Makailang ulit din siyang umahon at makarating kahit sa pinakadulong parte ng ilog hanggang sa makarating sa bahagi ng Manila Bay.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon