Mabibigat ang bawat mga hakbang ni diyosang Tala sa napakakinis na sahig ng bulwagan ng mga diyos sa templo ni Bathala na kung saan naroroon ang trono ng kanyang ama. Damang-dama niya ang bigat ng kanyang kalooban at ang pagsisisi sa kanyang mga nagawang pagkakamali. Kung maibabalik lang sana niya ang mga nangyari ay hindi sana siya nakinig sa kanyang kapatid na si diyosang Bulan.
Walang nakakaalam na nasa loob siya ng bulwagan. Walang sino man ang puwedeng pumasok sa lugar na iyon ng walang pahintulot ni Bathala. Mula ng mangyari ang kanilang plano ay sinimulan na ng kanyang kapatid na si diyosang Bulan na palitan ang kanilang ama na pamunuan ang Kalangitan. Ngunit tumutol ang konseho ng mga diyos sa naging hakbang ni diyosang Bulan kaya hindi nangyari ang gusto nitong palitan na ang kanilang ama sa pamumuno ng Sanlibutan.
Isa-isang nawawala ang mga miyembro ng konseho ng mga diyos. Mula ng makagat ng Antique ang kanilang ama ay nagsimula na ang sunod-sunod na pagkawala ng mga ito at isinisisi sa mga Mandalaruan, mga rebeldeng grupo na gustong umagaw sa kapangyarihan ng Kalangitan na pinamunuan ng isa sa dating miyembro ng konseho ng mga diyos na si Kaptan.
Hindi iginagalang ng konseho ang pagdeklara ni diyosang Bulan bilang tagapagmana ng kaharian ni Bathala. Bigo itong makuha ang boto ng labing-dalawang diyos at diyosa kaya nilisan nito ang Kalangitan at tinangay ang noo'y walang-malay na si Bathala.
Hindi sumama si diyosang Tala sa kanyang kapatid na si Bulan dahil ang buong akala niya ay nasa loob pa ng silid at nakaratay ang kanilang ama. Nakukunsensya siya sa kaniyang nagawa kaya tinungo niya ang konseho at ipinagtapat ang lahat ng kanilang mga plano at ginawa ng kanyang kapatid na si diyosang Bulan. Nais rin niyang mailigtas ang buhay ni Sumakwel, ang kapatid ng kanyang ama na pinagbintangan na siyang may gawa sa kinahinatnan ng kanilang ama.
Laking panlulumo ng buong konseho dahil naigawad na ang parusa kay Sumakwel ng marinig mula kay diyosang Tala ang katotohanan kaya hinuli rin siya at ginawaran ng parusang naaayon sa bigat ng kaniyang nagawa. Pero nang malaman na nawawala ang kanyang ama at nakatakas na rin si diyosang Bulan ay ninais niyang tumakas para mailigtas man lang si Bathala.
Tinulungan siyang tumakas ni Hanan, ang diyosa ng umaga. Ipinangako nito na ibabalik niya ang kanyang amang si Bathala ng ligtas sa kalangitan. Ililigtas niya ang kanyang ama upang ipagpatuloy nito ang pamumuno sa Sanlibutan. Pero bigo siya. Bigo siyang gawin ang ipinangako nito kay Hanan. Wala na ang kanyang ama kaya lalong magkakagulo ang Sanlibutan at Kalangitan dahil maraming mag-aagawan sa trono ni Bathala. Tuluyan na rin nawala ang balanse sa Sanlibutan sa pagpanaw ni Bathala. Unti-unti ng nangingibabaw ang paglaganap ng kadiliman at nararamdaman na iyon ng lahat ng nilalang ng Sanlibutan.
Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si diyosang Bulan. Hangga't nasa kamay pa rin niya ang tungkod ni Bathala ay nananatili pa rin sa kanya ang pag-asang manunumbalik ang lahat sa kaayusan.
Lumapit si diyosang Tala sa upuan ng kanyang ama. Hinaplos iyon ng dahan-dahan kasabay ng pagpatak ng luha sa kanyang mga mata. Nangungulila siya sa pagkawala ng kanyang amang si Bathala. Damang-dama niya ito sa kanyang puso lalo na sa kanyang isipan. Napakalaking pagkakamali ang nagawa niya at ngayon hindi lamang nawala ang kanyang ama nalagay pa sa alanganin ang buong Sanlibutan.
Halos mawalan na ng lakas si diyosang Tala ng makapa niya ang lamat sa upuan ng ama. Mayroon itong sukat na isang pulgada ang siwang nito na dumadaan sa pinakgitna ng upuan. Hindi basta-basta nagkakaroon ng lamat ang purong batong itim na upuan ng hari ng Kalangitan na kung saan gawa ang trono ni Bathala. Isang masamang senyales na kapag tuluyang nahati sa dalawa ang upuan ay hudyat ito na kailanman ay hindi na makakabalik pa sa Kalangitan ang kanyang ama.
"Tala?"
Halos mapalundag si diyosang Tala sa boses na narinig. Pamilyar sa kanya ang boses na iyon at hindi siya puwedeng magkamali. Hinanap ng kanyang mga mata ang pinanggalingan ng boses. Inihanda niya ang kanyang sarili kasama ang tungkod ng kanyang ama. Mula sa madilim na bahagi ay naaninag niya ang pigura ng isang babae na nasa bukana ng pinaka pintuan ng bulwagan.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...