Mabibilis ang mga ginagawang paglalakad ni Laurea sa makinis na sahig ng pasilyo papunta sa tarangkahan sa tore ng palasyo. Kahit na pakiramdam niya ay mabigat ang mga paa ay pilit pa rin niyang binabagtas ang pasilyo papalabas sa bahaging iyon ng tore. Malakas ang ihip ng hangin, maitim ang kalangitan at matatalim ang mga sanga-sangang kidlat na nakikipaglaro sa mga maiitim na ulap. Kasabay nito ang nakakabinging kulog na tila isang leon na galit na galit na umaatungal upang magbigay babala sa sino mang may nais na pumasok sa nasasakupan nito.
Hindi alintana ni Laurea ang nangangalit na panahon. Gusto niyang sumigaw, gusto niyang magwala, at gusto niyang sisihin ang sarili dahil wala siyang magawa. Gusto niyang maglabas ng kanyang galit at sama ng loob kung bakit kailangang umabot ang lahat sa ganitong sitwasyon. Ramdam niya ang bigat sa kanyang dibdib at kalooban na pilit niyang tinitiis dahil alam niyang makakaalis pa rin siya sa kamay ni Anilaokan bago pa umabot ang muling pagpula ng buwan na kung kailan gaganapin ang nalalapit nilang kasal.
Dumungaw si Laurea sa tarangkahan sa tore ng palasyo at doon ay humagulgol siya kasabay ng malakas na buhos ng ulan. Kailangan niyang gawin ang pag-iyak upang mabawasan ang nararamdamang bigat sa kanyang kalooban at makapag-isip ng mabuti.
Kung may magagawa lang sana siya para mailigtas ang kanyang kaibigan. Kung hindi sana siya napapasailalim sa kapangyarihan ni Anilaokan, makakaya niyang mailigtas si diyosang Tala sa kamay ni Kasanaya na matagal ng nagpapanggap bilang si diyosang Bulan.
Mahigpit ang pagkakahawak ni Laurea sa konkretong pader ng durungawan. Mabibilis ang kanyang mga paghinga at gustong pakawalan sa kanyang dibdib ang sama ng loob at ng galit. Kailangan mayroon siyang gawin. Kailangan may magagawa siya para sa kanyang kaibigan. Alam niyang siya lamang ang bukod tanging makakatulong kay diyosang Tala. At iyon na nga ang mahirap dahil wala siyang magawa. Pati ang kanyang sarili ay hindi na niya kayang iligtas pa. Wala siyang kwenta, wala siyang silbi para mailigtas si diyosang Tala. Ang mas nagpapahirap sa kanya ay alam niyang may magagawa siya para sa kanyang kaibigan pero hindi niya magawa dahil sa itim na orasyon ang bumabalot sa kanya para pigilin siya sa paggamit ng kanyang kapangyarihan na si Anilaokan ang may gawa. Pinipigilan ng orasyon ang paggamit niya ng kapangyarihan laban sa kanila. Hindi niya kayang tanggihan ang mga inuutos sa kanya ng lalakeng diwata. Tanging si Anilaokan lamang ang makakapag-alis sa bisa ng orasyong bumabalot sa kanya.
Sumandal si Laurea sa konkretong pader ng tarangkahan at dahan-dahang napaupo sa basang sahig. Ibinaluktot niya ang kanyang mga paa at niyakap ang mga ito. Sinapo ng kanyang mga tuhod ang kanyang noo at saka ipinikit ang kanyang mga mata. Doon siya ay tumangis para sa kanyang sarili.
Parang binubuhos naman sa sobrang lakas ng ulan at sumisipol ang hangin sa paligid ng tore. Tila isang delubyo na itong maituturing dahil sa tindi ng lakas ng nangangalit na sama ng panahon, pero hindi ito naging dahilan para matakot si Laurea dahil isa siyang diwata ng kagubatan tulad ng pinsan niyang si Makiling. Ilang libong malalakas na unos na rin siyang nasaksihan na higit na mas malakas pa sa nangangalit na bagyo na bumisita ngayon sa isla Labuad. Gusto lang niyang mapag-isa muna at ibuhos ang galit sa kanyang dibdib, kasabay ng nangangalit ding panahon.
Sa pagpanaw ni Bathala, ay napapadalas na sa Sanlibutan ang mala-delubyong mga kalamidad sa iba't-ibang parte ng Mundo. Kamakailan lamang ay isa sa mga isla ng Labuad ang lumubog sa dagat dahil sa napakalakas na lindol na naganap sa gitna ng karagatan sa timog ng Ilaya. Ang isla ay nasa gawing hilaga ng Labuad na kung saan ay natatanaw ito mula sa kinaroroonang tore ni Laurea.
Dalawa ang palasyo sa kaharian ng Labuad. Ang hilagang palasyo ay ang Bantayog ni Bulan na tinutuluyan ni Anilaokan. Ito ang bilangguan ni Laurea simula ng bihagin siya ng lalakeng diwata. Ito ang nagsisilbing depensa ng buong isla laban sa mga gustong pumasok sa teritoryo nito. Mayroong itong mahigit sa dalawan-daang-libong malalakas na mandirigma para protektahan ang palasyong nasa gawing timog ng isla. Tinatawag na Palacio Lunar ang palasyong ito dahil ito ang tahanan ni Kasanaya o ang nagpapanggap na si diyosang Bulan. Sa Palacio Lunar din dinala si Bathala ng palihim na itinakas mula sa Kalangitan ang katawan nito matapos makagat sa makamandag na langgam na tinatawag nilang Antique. Doble ang laki nito sa Bantayog ni Bulan na tinutuluyan nina Anilaokan at Laurea. Sa paligid nito ay ang mga bahay ng mga mamamayan ng Labuad na karamihan ay mga mandirigma na nagtatanggol sa buong isla at mananakop ng mga kaharian sa ikatlong mundo.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...