"Dalawang araw pagkatapos ng inyong pag-alis. Mga kakaibang nilalang ang biglang lumusob sa Santuaryo. Mga kakaibang uri ng bampira ang walang awang pumatay sa mga tao bata man o matanda, babae at lalaki. Ang iba ay hinawaan sila sa pamamagitan ng mga maliliit na bulateng lumalabas sa laway at dugo ng bampira..." Ang halos mangiyak-ngiyak na kuwento ni Father Mexo.
"Strigoi..." ang nasambit ni Demetria nang marinig mula sa pari ang mga bulating lumalabas sa nilalang na pumatay lahat sa mga tao sa Santuaryo.
Halos maiyak naman sina Alex, Margaux at si Adrian dahil halos kakilala na rin nila ang mga taong nakatira roon. Ang ilan sa kanila ay naging kaibigan na rin nila.
"Strigoi?" ang wika ni Father Mexo na tila naghihintay ng kasagutan tungkol sa nilalang na nakalaban niya sa Santuaryo.
"Mga uri ng bampira. Mabagsik na uri ng bampira na parang linta sa pagkauhaw sa dugo ng tao. Mahirap silang puksain dahil nananatili silang buhay at mabubuo pa rin kahit paghiwa-hiwalayin ang kanilang katawan." ang tugon ni Demetria.
"Nakalaban rin namin sila kasama ng mga taong-lobo. Marami sa mga kasamahan ko ang nangamatay at nahawaan dahil sa mga bulateng nakakapasok sa katawan nila sa tuwing nasusugatan sila ng mga ito." ang nakangiting wika ni Caren na hindi niya naalis ang pagkakatitig sa pari.
"Si Kapitan Ben at yung dalawa mong kasamang sina... " ang tanong ni Alex na pilit na inaalala ang pangalan ng dalawang seminaristang kasama ng pari.
Tumingin si Father Mexo kay Alex at saka yumuko. "Wala na sila...patay na. Inililigtas nila noon si Kapitan Ben ng sa hindi inaasahan ay nasabat sila ng dalawa sa mga bampira. Kakaiba ang lakas at bilis ng mga ito kaya wala silang nagawa para kahit man lang ang kanilang buhay ay mailigtas nila. Si Kapitan Ben..." ipinikit ng pari ang kanyang mga mata at saka huminga ng malalim. "...si Kapitan Ben ay naging katulad rin nila."
"Diyos ko..." ang tanging naging tugon ni Alex.
"Pero, wala sa mga nakalaban naming Strigoi si Kapitan Ben." ang wika ni Caren.
"Kung wala si Kapitan Ben sa mga nakasagupa nating mga Strigoi, ibig sabihin lang nito ay ibang grupo ng mga ito ang nakalaban natin." ang sabat ni Randy na kasalukuyang binubuksan sa kutsara ang isang lata ng sardinas.
"Posible." ang tugon ni Demetria at saka pinagmasdan ang pari at tila napaisip. "Among, kung nakasagupa ninyo ang mga Strigoi sa Santuaryo, paano ka nakaligtas sa kanila? Sabi mo kanina ay walang nakaligtas sa mga taong naroroon." ang tanong ni Demetria.
Napatitig si Father Mexo kay Demetria at sabay na napalunok. Sinenyasan naman ni Demetria sina Randy at Alex para hawakan ang pari at siyasatin ang katawan.
"A...ano ito? Anong gagawin ninyo?" ang nagtatakang tanong ni Father Mexo ng akmang hahawakan na siya nina Randy at Alex. Sinubukang magpumiglas ni Father Mexo sa pagkakahawak sa kanya pero wala siyang magawa.
"Demetria, anong ibig sabihin ng ginagawa mo? Pari yan huy at guwapo pa!" ang nagtatakang tanong ni Caren at nagpakita ng pag-aalala sa pari.
"Pasensya na father pero gusto lang namin makasiguro. Tulad ng sabi mo walang nakakaligtas sa pagatake ng mga Strigoi. Paano ka nga nakaligtas sa kanila?" ang muling tanong ni Demetria.
"Demetria, alam naman natin na ako ang pulis dito, trabaho ko ang magsiyasat kaya ipaubaya niyo na si Father Mexo sa akin." ang pakiusap ni Caren kay Demetria.
Napatingin si Alex kay Caren. "Caren, hayaan mo na silang gumawa niyan lalo na't pareho tayong walang alam sa ganyan." ang wika ni Alex na may pagkadismaya sa babaeng nasa harapan niya.
Natigilan si Caren ng makita ang mga mata ni Alex. Tumahimik ito at nanatili na lamang sa kanyang kinatatayuan.
"Naiiintindihan ko kung bakit ninyo ginagawa ito. Hindi ko kayo masisisi dahil kahit ako ang nasa lugar ninyo ay gagawin ko rin ang gustong mangyari ni Demetria." ang sabi ni Father Mexo. "Nakaligtas ako ng akmang lumulusob ang mga bampira sa Santuaryo ay sinundan ko ang isang bata na takot na takot. Pumasok siya sa loob ng isang kuwarto at doon pilit na nagsumiksik sa loob ng bodega. Pagpasok ko sa loob ay nakita kong umiiyak ang batang lalaki at nanginginig ito sa takot. Hindi ko puwedeng iwan roon ang bata lalo na sa ganoong kalagayan. Kaya sinubukan kong isama yung bata pero hindi ko namamalayang naiwan ko sa labas ang aking katana. Kaya wala akong magagawa kung may bampirang makakapasok sa loob. Ang hindi ko pala alam ay ang batang sinundan ko ay nahawaan na siya ng kamandag nung bampira. Nagbago ang anyo nito sa nakakatakot na hitsura, kaagad na nakalbo at may kung anong lumalabas na maghabang dila sa kanyang bibig na siyang ginagamit na pagsipsip sa dugo ng mabibiktima. Akala ko kamatayan ko na ng mga sandaling iyon. Dahil sa pag-was ko sa kanyang pag-atake sa akin ay hindi ko namalayan na pumasok ako sa bodegang pinagtaguan ng bata kanina at sa hindi sinasadya ay nalock sa labas ang pintuan at hindi na ako makalabas. Nagsawa ang bata na naging bampira sa pagpupumilit na mabuksan ang pinto kaya umalis din." ang paliwanag ni Mexo kina Demetria.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 OFFICIAL FINALIST(Consistent #1 in Heroes) (#8 in Mythology) (#18 in Magic) Pagkatapos maibalik ang alaala ni Odessa dela Rosa sa tulong ni Demetria ay sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanyang buhay. Una ay ang...