Chapter 39: BLOODY BATTLE

502 28 0
                                    

Makakapal ang mga kaulapan sa kalangitan na humaharang sa sikat ng araw mula sa kalangitan. Makulimlim na tila nagluluksa kalangitan ngunit walang hangin ang nakikipaglaro sa mga dahon ng mga puno at halaman sa paligid. Tila nauna ng nagpakita ng pagdadalamhati ang kapaligaran sa kung ano man ang mangyayari sa araw na iyon. Umaalingawngaw ang sobrang katahimikan maliban lamang sa mga huni ng mga uwak na nakikipag-agawan sa mga nabubulok na karne ng tao at hayop na nakakalat sa kalsada.

Halos isang libong mga anak ng buwan ang ngayon ay nasa kalsada at tila nagtitipon-tipon para sa iisang layunin. Pinangungunahan sila ni Sitan, ang kanang kamay ni Behemot bilang diyos ng kasamaan. Sa kanyang likuran ay ang matandang manggagaway na si Hiduan at ang mandirigmang si Anmanuan. Bitbit ni Sitan ang kanyang makapangyarihang tungkod na mula sa buto ng mala-alamat na higanteng ahas ng Bonggao. Si Hiduan ay hawak-hawak niya ang mga tanikala na kung saan nakatali ang tatlong naglalakihang kulay itim na aso na may taas na pitong talampakan bawat-isa.  Namumutok ang mga kalamnan ng mga ito may malalaking mga ulo. Ang kanilang bibig ay kayang durugin at lunukin ng madalian ang isang buong tao.  Ang mga ngipin na sing-talim ng mga mahahabang kutsilyo at laway na makamandag ang siyang katangi-tangi sa mga ito para katakutan ng mga matatapang na mandirigma.

Nakadapo naman sa balikat ni Anmanuan ang napakalaking itim na ibong buwitre na tila naagnas ang hitsura ng katawan. Kaya nitong dumagit ng isang tao at pumunit ng laman sa pamamagitan lamang ng kanyang matatalim na kuko sa paa nito.

Patuloy sa pag-usal ng mga dasal si Sitan at sumasabay naman ang kulay pulang ilaw na kumukurap-kurap sa pinakaulo ng kanyang tungkod. Binabalutan niya ng mahika ang buong paligid upang lalong bumagsik at lumakas ang mga anak ng buwan na naroroon.

Nang maaninag ni Anmanuan ang Malakat na si Alimog na kasalukuyang lumilipad sa himpapawid ay pinakawalan rin niya ang buwitreng si Kalufai para manmanin din ang mga kilos nito.

"Kalufai, lipad!" ang malakas na sabi ni Anmanuan sa kanyang napakababang tinig. Mabagsik ang mukha ni Anmanuan, may pilat ito mula sa ibabaw ng kanang kilay pababa sa kanyang kanang pisngi.

Mga malalakas na pagaspas ng mga pakpak ng buwitre ang biglang nangibabaw sa paligid. Sinundan iyon ng tingin nina Hiduan at Anmuan para masigurong babantayan nito ang malakat.

"Ang mga Mamulang, Hiduan!" ang malakas na sigaw ni Sitan sa kanyang manggagaway.

Agad na kumilos si Hiduan pagkarinig niya kay Sitan. Kinuha niya ang kanyang patalim at saka sinugatan ang kanyang kaliwang palad. Kaagad na lumabas ang masaganang itim na dugo mula sa sugat sa kanyang palad. Umusal ito ng isang dasal habang tinititigan ang paglabas ng dugo sa sugat nito. Pagkatapos ay nilapitan niya isa-isa ang tatlong naglalakihang halimaw na aso at isinaboy ang kanyang dugo sa mukha ng mga ito.

Inamoy ng mga Mamulang ang dugo ni Hiduan na lalong nagpabangis sa mga ito. Biglang namula ang mga mata ng mga aso na tila nagniningas na baga. Umaatungal ang mga ito at nakangisngis ang kanilang mga mukha. Kitang-kita ang mga matatalim nilang mga ngipin na dinadaluyan ng kanilang makamandag na laway.

Isa-isang pinakawalan ni Hiduan ang mga Mamulang sa kalsada at saka tinahak ang makakaibang direksiyon habang inaamoy-amoy ang bawat dinaraanan. Sabik na sabik sila sa kanilang pansamantalang kalayaan mula sa pagkakatali ng mahabang panahon. Nanamnamin nila ang araw na ito para mangain ng laman ng tao.

Mula sa likuran ng mga gusali ay mga grupo ng mga manananggal ang naghahanda na para humiwalay ang pang-itaas na bahagi ng kanilang katawan. Halos sabay-sabay na lumalabas sa kanilang likuran ang mga naglalakiang mga mala-paniking pakpak habang ang kanilang mga mukha'y nakangisngis sa magkahalong sakit at ginhawa. Ang kanilang mga pagdaing ay lalong nagbibigay ng kilabot sa sino mang makakarinig sa lugar na kinaroroonan nila. At ilang saglit lang ay pumagaspas na ang kanilang mga malalapad na pakpak, kasabay ng tuluyang paghiwalay ng pag-itaas na bahagi ng kanilang mga katawan.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon