I have a roommate named Maria. Ayoko nang mag-isip ng malalim para sa pangalan kaya yung basic na lang. Matindi ang isang to dahil hindi sya marunong magbayad ng renta. Hindi ko alam ang itsura nya o kahit kwento ng buhay nya. Basta ang alam ko lang, bata pa lang ako, nandito na sya.Second year highschool ako. Magkakasama pa kami sa kwarto ng dalawa kong kapatid na lalaki dahil wala pang pera para makapagpagawa ng isa pang kwarto. Isang double deck ang meron kami sa kwarto. Sa ibaba kaming dalawa ng bunso at sa taas ang panganay. Kasalukuyan akong nanonood noon ng TV sa sala. Yung bunso, kapit na kapit sa nanay naming nasa terrace. At yung panganay na dakilang babaero noon, nasa kwarto, nakahiga sa taas ng double deck at may katext na kung sino. Patay ang ilaw noon sa kwarto. Ilaw lang galing sa cellphone ang meron si kuya. Habang nanonood ako ng TV ng tahimik, nakarinig kami ng malakas na kalabog. Lumabas si kuya galing sa kwarto na parang takot na takot. Tinawanan ko pa nga kasi mukha syang ewan na hinihila yung laylayan ng damit nya pababa dahil sa sobrang takot. Sya pala yung narinig naming kumalabog kasi tumalon sya mula sa taas ng double deck pababa. Paulit-ulit lang sinasabi nya nun. "May babae. May babae." Muntik ko pang masabing, "Ayan, minumulto ka na ng mga iniwan mo." Kaso mukhang seryoso sya sa isang to. Nung nahimasmasan sya, kinwento nya samin yung nangyari. Ang sabi nya, habang nakatihaya sya ng higa sa kama, may napansin syang puting tela sa bandang tiyan nya kaya inilawan nya yun gamit ang cellphone. Doon nya nakita ang babaeng nakaputi na nakayakap sa kanya kaya napatalon sya pababa. Simula nun, wala nang natulog sa taas ng double deck. Sa lapag na si kuya.
December 20. Hindi na ako makatiis na katabi yung bunso namin dahil lagi na lang ako sinisipa pahulog sa kama. Napagpasyahan kong matulog sa taas ng double deck. Kahit anong klaseng pwesto ang gawin ko nun, walang epekto. Hindi ako makatulog. Pakiramdam ko, may nakatingin sa 'kin. Tapos nai-imagine ko yung kwento ni kuya. Iniisip ko kung totoo yun o talagang duwag lang sya. Tumagilid ako, tumihaya, dumapa, wala pa rin. Mag-aalasdos na ng madaling araw nung dalawin ako ng antok. Pipikit-pikit na ako nung biglang may bumulong sa tenga ko. "N..oooo.." Napadilat agad ako. Klaro sa pandinig ko yung boses ng babae. Mabagal lang ang pagkakasabi nya pero madiin bawat salita. 'No' yung pagkakaunawa ko sa sinabi nya. Hindi ko na inisip na kung bakit english yun. Hindi rin naman siguro lahat ng multo, tagalog ang salita. Isa lang ang pumasok sa isip ko. Ayaw nyang matulog ako. Magfo-four AM, dinalaw ulit ako ng antok. Papikit na ulit ako nung biglang may malakas na humampas sa braso ko. Sa pagkakataong to, napabangon na ako. Napatingin pa ako sa bintana para tignan kung nandoon yung pinsan kong namamato kapag nanggigising para sa simbang gabi pero walang tao. Tumingin ako sa higaan kung may nahulog lang bang butiki pero wala rin. Tinignan ko yung braso ko. Namumula yun at parang isang kamay ang bumakat dahil sa lakas ng hampas. Ayaw nya nga talaga na may natutulog sa pwesto nya.
1st year college, nagkapera na pampagawa ng isa pang kwarto kaya inangkin ko na ng tuluyan ang kwartong to. Tinanggal na rin ang itaas ng double deck dahil hindi naman napapakinabangan kaya naging single bed na lang. At yun ang kama ko ngayon. Wala akong nararamdaman o nakikitang kahit anong kakaiba pero yung mga kasama ko sa bahay, at yung mga kapitbahay, meron. Ang laging laman ng kwento nila sa 'kin ay yung bintana ng kwarto ko. Pare-parehas ang kwento nila. Na may babaeng nakatayo doon. Mahaba ang buhok na aabot hanggang sa pwetan. Kasing tangkad ko at paliging nakatingin sa katabing bahay. May pagkakataon pa ngang lumapit doon yung batang kapitbahay namin at inaaya daw ng laro yung babae. Nagtaka yung nanay ng bata kasi wala naman syang nakikitang kausap nito. Noong minsan naman, pumunta sa bahay yung pamangkin kong magtu-two years old pa lang. Kausap ng nanay nya ang asawa ng kuya ko. Makulit yung batang yun at maingay pero sa pagkakataong yun, tahimik sya. Ang kwento nung nanay sa 'kin, nakita nilang nakatayo yung bata sa tapat ng kwarto ko. Nakabukas daw yung pinto (Na lagi kong sinasara kapag umaalis ako. Baka kasi pakielaman ng mga bata yung mga gamit ko.) Nakatingala daw yung bata na parang may tinititigan tapos bigla na lang umiyak ng sobrang lakas at nagtatakbo papunta sa nanay nya. Hindi namin alam kung anong nakita nya pero alam kong sobrang nakakatakot nun para umiyak sya ng ganun. Simula nun, kahit anong pilit ko sa pamangkin ko, hindi na sya pumasok ng kwarto ko.
Madami pang nangyari. Araw-araw yata may kwento pero sobrang komportable naman ako sa kwarto ko ngayon. Ewan ko kung hanggang kelan sya dito but I don't really mind if she'll be my roommate for a lifetime. At least, may tagabantay ako ng kwarto.
Mac
Land of Macaroni
BINABASA MO ANG
True Horror Stories
HorrorAng storya na ito ay kinuha ko sa spookify. Hindi ito sakin sa spookify ito,ok?