Chapter 10

1.5K 42 0
                                    

CHAPTER 10 — Teenager

“Name mo, year and section, then signature. 'Yon lang.” ngiti ko sa isang grade 10 na nagtanong kung anong ilalagay sa form na nakalatag sa mesa ng aming booth.

Binalik niya ang ngiti at yumuko na para magsulat. Siya ang unang magsa-sign up kaya naman hindi pa alam kung anong isusulat. Hindi nakalagpas sa akin ang pagsulyap ng babae kay Vans na nasa tabi ko ngunit supladong nakasandal lamang sa kanyang upuan. Ngumiti ang labi ng babae ngunit hindi ang mata, mukhang nahihiya.

“Thank you!” Sambit ko nang paalis na siya.

Sumunod ang mga ilan pang lower levels. Tatlo pa lang ang nakalistang grade 12 din gaya namin. Panay ang ngisi ko sa mga nakapila kahit na nahihiya rin ako. Hindi naman ako sanay na makipag-usap sa mga tao lalo na sa hindi ko kakilala at ka-close. Noon ay halos si Elaine at Conrad lang ang nakakaalam na madaldal ako. Pero may kaunting pagbabago nang mawala ang aking matalik na kaibigan. Sina Roan at Marian na kaibigan ko na noon ay mas naging malapit sa akin. Sila kasi ang mga nakakasama ko. Si Vans naman ay kasama ko bilang officer dito sa Math Circle at si Lorenzo ay partner ko sa isang subject. Ibig sabihin ay marami rami na rin silang napapalapit sa akin.

May ilan pang sumunod  na nagpalista hanggang sa nagdalawampu ang mga pangalang nakasulat na. Marahil mas kaunti ito sa mga iba pang booth ng org na nakatayo dito sa quadrangle pero nakakatuwa na rin dahil may sumasali pa rin kahit na math ang pinag-uusapan dito.

Thespian Society na parang drama club ng aming school, ang Computer Club, at Mounteneering Club ang madalas na may mga nagpapalista. May ilang sports related club din ang maraming sumasali. Ang mga academic oriented gaya niyong Math Circle, Chem Society at iba pa ay kakaunti lang ang mga nakikita kong nakapila. Isa pa sa marami raming sumasali ay ang Book Lovers Club na pinamumunuan ni Roan.

“Twenty-two na.” Sabi ko kay Vans at sinandal ko ang likod sa monoblock chair.

Bumuntong hinga siya. “Tama lang 'yan. Hindi naman ako umaasang maraming sasali sa org natin.” Aniya, nakahalukipkip at nanonood sa basketball club na nasa tapat lang namin.

Natulala ako nang maaninag si Lorenzo roon na nakangisi sa mga kasing tatangkad niyang ka-member. Si Lorenzo ang team captain kaya siya na rin ang nagsilbing presidente ng club para sa mga aspiring basketball players ng aming school. Napapangiwi na lang ako sa tuwing magtatawanan ang kanilang grupo na hanggang dito ay rinig.

Bumaling ako kay Vans. “Gusto mong pumunta sa kanila?” tanong ko sa kaniya nang mapansing nasa grupo pa ring iyon ang tingin niya.

Saglit niyang binagsak ang mga mata bago ako tiningnan. “Hindi naman kita pwedeng iwan.” Sambit niya at kahit na pinigilan ko ay may mumunting pitik ng galak sa aking dibdib.

Ngumiti ako at ginawa ang lahat upang hindi mahalata ni Vans ang naramdaman kong iyon. Tumikhim ako at umupo ulit ng diretso.

“Sige na. Kaya ko naman dito. Wala pa namang tao. Saka wala naman masyadong ginagawa e.” Sabi ko upang hindi niya maisip na kailangan ko siya rito.

Is Your Crush Meant For You? (Crush Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon