Josef
Wala na kaming ginawa ni Lenard, kung 'di ang kumain nang kumain. Hindi naman kasi ako makatanggi sa libre niya. Alam kong maya-maya ay magte-text o tatawagan na ako ni Pris An. Hindi ko alam kung makakakain pa ba ako mamaya. Pakiramdam ko ay sasabog ng ang tiyan ko. Dapat kasi hindi ko na lang pinapunta si Lenard, eh. Dapat nagpatay na lang ako ng oras mag-isa dito sa campus.
Sinabi ko kasi kay Pris An na dito lang kami sa campus magkita. Tutal, mukhang gabi na matatapos itong School Fair dahil last day na nga. Malapit nang mag-ala-siyete ng gabi, pero ang dami pa ring tao dito. Karamihan ay outsider. Malakas pa rin ang tugtugan kaya buhay na buhay pa ang dugo ng mga tao sa paligid.
Panay ang check ko sa phone ko dahil atat na nga akong makita si Pris An. Pakiramdam ko ay ang tagal-tagal na naming hindi nagkikita. Bakit kasi dinner pa ang naisip niya? P’wede namang lunch until dinner. Sabagay, baka may klase siya. Kami lang pala ang walang klase dahil sa School Fair. Sinabi ko kay Pris An na 'wag na siyang magdala ng kotse dahil gusto ko siyang ihatid pauwi. Hindi na ako nahiyang sabihin iyon dahil gano’n talaga kapag gentleman.
“Dude, may jell-o shots!” sigaw ni Lenard. Nilingon ko naman siya at nakita kong may hawak na nga siyang jell-o shots sa dalawang kamay niya. Sumenyas pa niya na parang pinapalapit niya ako sa kanya.
“Jell-o shots?” nagtatakang tanong ko. “Legal ba 'yan?” Oo. Alam kong college na kami, pero hindi ko alam na p’wede 'yon sa loob ng campus. O walang nakakaalam na may nagpasok ng ganito dito? Lagot sila kay Topher kapag nalaman niya ang tungkol dito.
“Legal 'to as long as hindi makakarating sa nakakataas,” natatawang sabi pa ni Lenard at nag-take na siya ng shot. “Ikaw naman.” Sabay abot niya sa akin ng isa.
“Ayaw ko. Hindi ako p’wede ngayong gabi.” Sinabi ko naman sa kanya ang tungkol kay Pris An. Mas kinilig pa nga yata siya kaysa sa akin. Kailangan kong maging disente sa harap ni Pris An.
“Isa lang, eh.”
“Ayaw ko nga, eh.” Ang kulit talaga nito. Ang sarap tadyakan sa lungs.
“Bro, isa lang. Tikman mo lang kasi masarap nga,” pilit pa niya.
“Bro, 'di nga p’wede.”
“Para ka namang bading niyan, eh.”
“Akin na nga.” Sabay take ko ng shot. Ang ayaw ko sa lahat ay binabase ang pagiging lalaki ko sa mga ganitong klaseng bagay. Hindi ko naman sinunod si Lenard dahil guilty. Sinunod ko siya dahil ang kulit talaga niya. Alam ko namang hindi siya titigil hangga’t hindi niya ako napapapayag.
“Ang sarap, 'no? Isa pa?” tanong niya habang inaalok pa ako ng jell-o shot.
Masarap nga, pero hindi talaga p’wede, eh. “Isa pa nga,” sabi ko. Masarap nga kasi. Kahit kailan talaga ay masarap ang bawal.
Bad trip. Nakalimutan kong nakapagpalit na pala ako ng damit. Magpapabango na lang ako mamaya. Kung kailangan kong ubusin o ipaligo ang pabango ko, gagawin ko. 'Wag lang ma-turn off si Pris An. At dahil naalala ko siya, naalala ko rin ang phone ko. Tiningnan ko na ulit kung may text na siya, pero na-disappoint lang ako. Wala pa rin akong natatanggap na kahit anong galing sa kanya.
BINABASA MO ANG
Love Hate: By Your Side
Humor[Love Hate Book Two] Nananahimik ang buhay ni Josef nang biglang umeksena si Karl na overprotective sa kapatid na si Cheska na patay na patay naman sa all-time crush nitong si Kaizer. Posible nga kayang magkaroon ng katahimikan kapag pinagsama ang i...